Kring... Kring... Kring...
Kanina pa tumutunog ang alarm Donna subalit hanggang ngayon ay nakahiga pa rin siya sa kama ay nakatitig sa kisame. Dapat excited siya sa araw na ito ngunit lahat ito ay nagbago dahil sa aksidenteng kinasangkutan niya ilang gabi na ang nakalilipas.
Tiningnan niya ang kanyang cellphone na panay pa rin ang pagtunog ng alarm.
11 AM.
Ilang oras na lang ay magsisimula na ang birthday party ng kaisa-isang lalaki na kanyang minahal, ang best friend niyang si MJ. Simula pagkabata ay mag-bestfriend na ang dalawa. Nagkahiwalay lamang sila nang lumipad ito papuntang Germany.
Ngayon lang muli sila magkikita dahil binalak ni MJ na idaos ang kaarawan sa probinsya nito sa Cavite. May lihim na pagtingin si Donna kay MJ subalit hindi niya ito nasabi dahil biglaan ang pag-alis nito papuntang Germany. Wala itong paalam at simula noon, hindi na rin ito naging active sa Facebook at maging ang pagtawag at pagte-text ay tila kinalimutan na rin nito.
"MJ, miss na kita," sa isip ni Donna at bumangon na sa kanyang kama. Naalala pa niya na tatlong gabi bago ito biglang pumunta sa Germany ay nangako pa ito na walang ibang babaeng pipiliing mapangasawa kung hindi siya. Mag-best friend raw sila at hindi na kailangan pang mag-get-to-know each other.
Tatlong araw ang nakakaraan mula ng ma-receive ni Donna ang text mula kay MJ. Naalala niyang muli ang kinasangkutan niyang aksidente.
----------ooo------------
'Pede ka b sa sat? bday ko. 5 PM. Sa bahay handaan.'
Nang matanggap ni Donna ang mensaheng ito, hindi na siya nag-atubili pa. Makalipas ang dalawang taon na hindi pagpaparamdam ni MJ sa kanya, talagang hindi na siya nagdalawang isip pang pumayag. Inisip niyang may dahilan kung bakit hindi nagparamdam si MJ sa kanya. At umaasa siya na kahit papaano ay may pagtingin ito sa kanya.
Nang araw na iyon, bumili siya ng regalo para rito. Hindi maalis ang napakatamis na ngiti sa kanyang mga labi. Ginamit niya ang kanyang kotse para makapunta sa pinakamalapit na Lacoste shop at doon ay binili niya ang pinakamahal na polo shirt para sa kanyang best friend.
Sa kanyang daan pauwi, dito naganap ang isang malagim na trahedya. Katatapos lang ng malakas na ulan kaya basa pa ang kalsada. Hindi napansin ni Donna ang malaking karatulang may nakasulat na: SLOW DOWN. Dahil dito, hindi niya nakita ang isang taong tumatawid.
Agad niya itong nabundol. Narinig pa niya ang halos pagkakalasog-lasog ng katawan nito sa ilalim ng kanyang kotse.
Pinahinto ni Donna ang sasakyan kasabay ng muling pagbuhos ng malakas na ulan. Mula sa sideview mirror, nakita niya ang nakadapang katawan ng taong kanyang nabundol. Hindi na ito gumagalaw. Dahil sa labis na takot, nagpalinga-linga si Donna sa paligid. Madilim ang kalsada at walang dumaran na mga sasakyan. Pikit-matang pinaharurot ni Donna ang sasakyan upang takasan ang kanyang nagawang kasalanan.
----------ooo------------
"Argh! Donna, aksidente lang iyon, ok? Walang nakakita. Kasalanan ito ng sinumang lecheng iyon dahil hindi siya tumitingin sa daan," sa isip ni Donna.
Kumuha siya ng damit sa cabinet at pumasok na sa banyo para maligo. Kailangan niya ang lamig ng tubig mula sa shower para mapawi ang guilt feeling na kanyang nararamdaman. Kailangan niyang paghandaan ang araw na ito dahil siya na mismo ang aamin kay MJ na mahal niya ito. Hindi magiging sagabal ang nangyari nang gabing iyon para lumigaya ang love life nya.
Nang maisara ang pinto ng banyo, agad siyang nakaamoy ng kandila at isang klase ng pabango na hindi naman niya ginagamit. Agad siyang kinilabutan.
Hindi siya gumagamit ng scented candles at lalong hindi niya pabango ang kanyang naaamoy dahil masculine ang amoy nito. Sinubukan niyang hindi pansinin ang amoy. Binuksan niya ang shower para magsimula nang maligo. Pinangharang niya ang shower curtain.
Habang nakapikit at nilalagyan ng shampoo ang buhok, nabigla na lang siya nang may marinig siyang humihimig sa loob mismo ng kanyang banyo!
"Hmmmm...hmm..hmmm...Ah..Hmmmmm...
Agad na naghilamos si Donna. Laking gulat niya nang mula sa transparent na shower curtain ay may naaninag siyang lalaki na nakaupo sa toilet bowl. Napaatras pa siya nang bigla itong tumayo at humarap sa kanya.
"W-wag kang lalapit!" sigaw ni Donna. Nakita niyang dahan-dahang hinaplos ng lalaki ang shower curtain. Patuloy pa rin ito sa pagha-hum. Sinubukan ni Donna ang kanyang tapang at siya na mismo ang naghawi ng kurtina.
Napaawang ang mga labi niya nang walang makitang kahit anong bakas ng lalaki sa likod ng kurtina.
"Ssshhhh..." Agad na napasigaw at nagtatakbo si Donna palabas ng banyo nang marinig ang mahinang bulong na ito sa likod mismo ng kanyang tenga.
"Dad! Dad! May tao sa banyo ko!" sigaw ni Donna. Agad siyang nagtapis mh tuwalya. Nang pumasok ang ama niya sa kwarto ay agad itong dumiretso sa banyo.
"Anak, nasaan ang manyak?" humahangos na tanong ng tatay niya habang hawak-hawak ang isang baseball bat. Sinuyod nito ang buong kwarto ni Donna ngunit wala itong nakitang kahit sino.
Napayapos na lang si Donna sa kanyang tatay. Hindi niya alam kung sasabihin niya rito na maaaring multo ang kanyang nakita.
Takot siyang aminin sa sarili na maaaring minumulto siya ng sinumang nasagasaan niya noong isang gabi.
"Ayos ka lang ba, anak?" tanong ng ama ni Donna.
"Ah..eh.. opo," sagot naman ni Donna.
"Tuloy ka ba mamaya kina MJ? I-text mo muna kung tuloy ang birthday party niya," nag-aalalang suhestyon ng kanyang tatay.
Napaisip tuloy si Donna. Ang huli text na kanyang natanggap mula kay MJ ay noong nakaraang tatlong araw pa.
"Ah..Dad.. ite-text ko na lang po ulit si MJ. Tmutupad naman po iyon sa usapan. Kung cancelled man, eh 'di sana nag-text na po siya sa akin," saad ni Donna.
Matapos ang kanilang pag-uusap, lumabas na ng kwarto ang kanyang tatay at ipinagpatuloy naman niya ang naudlot na pagligo.
----------ooo------------
Kanina pa naiinip sa loob ng kanyan kotse si Donna habang naghihintay na umusad ang trapik sa Emilio Aguinaldo Highway.
"Ano ba 'yan? Kung kailan Sabado, saka naman traffic!" bulalas ni Donna sa loob ng kotse. Ilang saglit pa, may ambulansyang dumaan sa gilid ng sasakyan ni Donna kasunod ng ilang patrol ng police.
Nagkaroon ng aksidente sa pagitan ng isang bus at kotse kaya hindi makausad ang trapiko. Napakamot na lang sa kanyang ulo si Donna. Kung kailan nagmamadali, saka naman siya inabutan ng isang aksidente.
Panay an sulyap niya sa orasan ng kanyang kotse. Matagal na rin siyang naghihintay sa kahabaan ng E.A. Highway kaya naman naisipan niyang mag-U turn at dumaan sa isang shortcut na itinuro sa kanya noon ni MJ. Hindi pa niya masyadong gamay ang shortcut na ito pero ayaw naman niyang mahuli sa mahalagang araw ng kanyang best friend.
Pinasok niya ang isang kalye na hindi pa sementado at tinahak ang isang daan na pangalawang beses pa lang niya nadaraanan. Nawala na sa paningin niya ang maiingay na sasakyan at bumungad ang isang lugar na masukal at maraming puno saan ka man lumingon. Hindi niya tuloy maiwasang makaramdam ng kaba sa dibdib. Pinatugtog na lang niya ang radio sa kotse at pilit pinakalma ang sarili.
Tila nag-iisa lang siya sa daan na kanyang tinatahak. Nagtaka si Donna nang biglang nagkaroon ng static effect ang radio at tuluyang nawala ang signal nito.
Ilang beses niyang pinindot ang button nito ngunit hindi na ito muling nabuhay pa. Natigilan na lang siya sa kanyang ginagawa nang maamoy niyang muli ang kandila at ang pabangong minsan na niyang naamoy.
Unti-unting bumilis ang tibok ng puso ni Donna. Naramdaman din niya ang pangangapal ng kanyang batok na tila may nakatingin mula sa kanyang likuran. Sumilip siya sa rear view mirror at nakita niyang ang tanging naroon lang ay ang kahon ng regalo niya para kay MJ.
Inapakan niya ang preno at ikinonekta muna ang kanyang cellphone sa player ng sasakyan para magpatugtog.
Yesterday, all my troubles seemed so far away..
Nakaramdam tuloy ng pangungulila si Donna. Paboritong banda kasi ni MJ ang kumanta ng awiting ito. Tila akma ito sa naramdaman niya sa mga nakalipas na taong hindi niya nakasama si MJ.
...Now it looks as though they're here to stay..oh, I believe in yesterday...
Nakakita si Donna ng isang matandang lalaki sa tabi ng daan at naisipan niyang magtanong dito.
Why she had to go? I don't know, she wouldn't say..
Pinatigil niya ang musika sa loob ng kanyang sasakyan. Huminto siya sa tapat ni Manong at tinanong niya rito kung saan ang tamang daan.
"Dumiretso ka lang, Miss. Tapos subdivision na ang matutumbok mo. Lumiko ka sa kanan at maaaring makita mo na ang hinahanap mo," paliwanag ni Manong.
"Maraming salamat po," tugon ni Donna at sinunod niya ang utos ni Manong. Ngunit bago pa siya makaliko sa subdivision ay tumirik na ang kanyang sasakyan kasabay nang pag-alingasaw ng pamilyar na amoy ng kandila at pabango.
"Oh God! Please tumigil ka na! Kung sino ka man, sorry na. H-hindi ko sinasadya," sambit ni Donna. Dahan-dahan siyang sumulyap sa rearview mirror at nanlaki ang kanyang mga mata nang may makita siyang lalaki na nakaupo sa kanyang likuran.
"Aaaahhh!" sigaw ni Donna at tinangkang buksan ang pinto ng sasakyan. "No! Stay away from me!" sigaw ni Donna ngunit hindi niya mabuksan ang pinto. Agad siyang nangilabot nang bigla niyang naramdaman ang pagyakap sa kanya ng lalaki mula sa kanyang likuran.
Nakalamig nga mga braso nito at ramdam ni Donna ang kalungkutan na nagmumula sa multo. Sa puntong iyon ay nagsimula na namang mag-hum ang multo.
"Hmmm...Hmmm...Ah...Hmmm..."
Hindi na napigilan ni Donna ang pagpatak ng kanyang mga luha dahil sa takot. Na-realize niya na ang hina-hum ng multo ay ang kantang pinatugtog niya kanina.
"Sorry, sana mapatawad mo ako. Hindi ko ginustong sagasaan ka. Sorry kung tinakasan kita. Sorry na. Please, 'wag mo na akong takutin. May kailangan pa akong puntahan." Hindi na napigilan ni Donna ang kanyang paghagulgol.
Nabigla siya nang humagulgol din ang multo na nakayakap sa kanya.
"Ssshhh.. Pinapatawad na kita.. Ich liebe dich.." bulong ng multo at unti-unti itong naglaho.
Sumulyap muli si Donna sa rearview mirror at nakita niyang wala na ang multo. Mag-isa na siyang muli sa loob ng sasakyan. Agad niyang pinaharurot ang kotse at tinahak ang direksyon na itinuro ni Manong kanina.
Nang makarating si Donna sa bahay ni MJ, ganoon na lamang ang kanyang pagtataka. Maliwanag ang bahay at maraming lamesa sa labas. Lubha siyang napaisip nang mapansin ang mga kakatwang bulaklak na nakapalibot din sa labas.
Animo'y hindi isang kaarawan ang ipinagdiriwang sa bahay, kundi isang ipinagluluksang lamay.
Itinigil ni Donna ang kanyang sasakyan at bumaba rito bitbit ang regalo niya para kay MJ. Bago pa siya makalapit sa gate ay nakita na siya ng kapatid ni MJ.
"Ate Donna!" sigaw nito at humahagulgol itong yumakap sa kanya.
"Oh, Camille! A-anong nangyari? Nasaan si MJ?" nagugulumihanang tanong ni Donna.
"A-ate.. Si-si Kuya.. Si Kuya!" paghagulgol muli ni Camille. Ipinatong ni Donna sa lamesa ang regalo niya at hinaplos sa likod ang kapatid ni MJ.
"A-anong nangyari?" unti-unti na ring nangangatal ang kanyang boses. Ayaw niyang tanggapin ang kanyang naiisip.
Hinawakan ni Camille ang kanyang kamay at pumasok sila sa loob ng bahay.
Agad na nanlambot ang mga tuhod ni Donna nang makita ang malamig na bangkay ni MJ na nakahiga sa isang puting kabaong. Mabuti na lang at nahawakan agad siya sa balikat ni Camille dahil kung hindi, malamang ay bumagsak na siya sa sahig. Tuloy-tuloy na rin ang pagpatak ng kanyang luha.
"H-hindi... Hindi ito totoo! A-anong nangyari? Kailan pa ito? Bakit 'di nyo sinabi?!" Nagpatuloy sa pag-iyak si Donna at niyakap siya ni Camille na lumuluha na rin.
Inakay siya ni Camille papunta sa pinakamalapit na upuan. Lumapit ang Mama ni MJ at tumabi sa kanya matapos niyang mahimasmasan.
"Tita, a-ano pong nangyari kay MJ?" tanong ni Donna.
"Pumunta kami sa Germany para ipagamot ang kanyang bone cancer. Hindi na niya sinabi sa'yo dahil ayaw niyang mag-alala ka pa. Mahal na mahal ka ng anak ko," panimula ng Mama ni MJ.
Mas lalong umiyak si Donna nang marinig ang mga iyon mula sa ina ni MJ.
"Nag-improved ang kalagayan ng anak ko kaya bumalik kami sa Pinas upang sana ay idaos ang kaarawan niya," sabi ng Mama ni MJ.
Tumayo si Donna at kinuha ang regalo niya para kay MJ. Lumapit siya sa kabaong nito habang nakikinig pa rin sa kwento ng ina nito.
"Ano pong nangyari kay MJ?" tanongi Donna. "Dahil po ba ito sa sakit niya?"
Tinitigan niya ang mukha ni MJ mula sa salamin ng kabaong. Maamo at napakagwapo pa rin ng hitsura nito. Halos magunaw ang mundo ni Donna. Dahil hindi niya muli pang maririnig ang maganda nitong boses o mahahagkan man lang ang mapupula nitong mga labi.
Tumayo ang ina ni MJ at lumapit kay Donna.
"Nasagasaan siya. Ilang araw na rin ang nakakaraan.." bulong ng ina ni MJ.
Hindi nakakilos si Donna nang marinig ang tugon ng ina ni MJ.
"Nang makarating kami rito, sinubukan niyang pumunta sa inyo ngunit na-hit-and-run siya. Hindi na namin sinabi sayo dahil ayaw niyang mag-alala ka. Ayaw niya nasasaktan ka, Donna. Pagkasabi nito ay hindi na napigilan ng ina ni MJ ang mapaluha.
Hindi nakaimik si Donna at unti-unting dumilim ang kanyang paningin.
"Kung naisugod siguro siya agad sa hospital, malamang buhay pa ang anak ko. Sana makonsensya ang sinumang gumawa nito sa kanya. Akala ko cancer ang magiging dahilan ng pagkamatay niya, iyon pala isang aksidente. Sana hindi ko na lang siya pinauwi rito. Sana buhay pa ang anak ko!" iyak ng ina ni MJ.
Lumayo si Donna sa kabaong ni MJ at agad niyang naamoy ang pamilyar na amoy ng kandila at ang pabangong panlalaki. Naalala niya ang pagpaparamdam ng multo na nasagasaan niya.
"Paboritong pabango ito ni Kuya MJ," ani ni Camille habang nag-i-spray ng pabango sa kabaong.
"Ate, okay ka lang ba?" tanong ni Camille. Napansin nito ang kanyang pamumutla.
"I'm sorry, MJ!" bulong ni Donna bago siya tuluyang bumagsak sa sahig at nawalan ng malay.
No comments:
Post a Comment