Bujod sa napakaistrikto ng kanilang dance instructor, nagdagdag pa ito ng panibagong dance steps para sa sayaw nilang Singkil. Araw-araw ay pagod na pagod si Avegail at ang mga kaklase niyang kasali rin sa sayaw.
Kanina lang ay napagalitan siya dahil lamang sa napakaliit na pagkakamali. Kung hindi lang niya kailangan ang points para sa extracurricular activities ay matagal na siyang nagback-out sa pagsasayaw. Kabilang siya sa Top 10 ng klase at alam niyang ang pagsali sa mga ganitong activities ay may dagdag na puntos din bukod sa academics. Dama ni Avegail ang hirap ng isang graduating student sa high school.
Nang matanaw nya ang bus stop ay agad na sumilay ang ngiti sa mga labi niya. Ngunit agad ding nawala ang ngiting iyon nang makita niya ang oras sa kanyang wristwatch.
"Putek naman oh! Alas-dose na ng gabi. May bus pa kaya pauwi sa amin?" bulalas ni Avegail sa kanyang sarili. Nagpadala na siya ng message sa kanyang kapatid na nasa kanilang bahay ngunit hindi pa ito nagre-reply.
Nagpaalam naman siya sa kanyang kuya na maari siyang gabihin. Sinabihan na niya ito kanina na magpapasundo siya kapag inabot siya ng dis-oras ng gabi ngunit hindi naman ito nagte-text o tumatawag man lang. Mas lalo tuloy niyang na-miss ang kanyang ina na mas ninais magtrabaho sa ibang bansa.
Iniwan kasi sila ng kanilang ama para sa ibang babae. Hanggang ngayon, may galit parin siya sa kanyang tatay. Hindi niya alam kung kailan niya ito mapapatawad o kung mapapatawad pa ba niya ito. Pero kahit na ganito ang nararamdaman niya, hindi parin niya magawang itapon ang kwintas na iniregalo sa kanya nito. Sa kaibuturan ng kanyang puso, umaasa pa rin siyang babalik pa rin ito.
Sinubukan niyang tawagan muli ang kuya niya ngunit out-of-coverage area ang cellphone nito.
"Ano ba naman, kuya? Makisama ka! Tsk!" niya sa sarili.
"Hindi na nga nakikisama ang panahon, pati rin ba ikaw, Kuya?" Tumingala siya sa langit.
"Ulan! Tumigil kana! Lord, please naman oh!"
Basang-basa na ang kanyang damit nang makarating siya sa bus stop. Maging ang dala niyang paper bag kung saan nakalagay ang kanyang uniporme ay nabasa na rin.
Tumingin siya sa kaliwang lane ngunit walan dumadating na bus o kahit na anong uri ng sasakyan. Ipinalangin na lang niya na sana nagising ang kanyang kuya at nahiram ang kotse ng kapitbahay nilang ka-close nila.
"Mabuti na lang at weekend bukas at ala-una pa ang practice namin. Sana naman makauwi ako," aniya sa sarili. Pinipilit niyang kausapin ang sarili para mabawasan ang takot na unti-unting namumuo sa kanyang dibdib.
Luminga-linga siya sa paligid.
Nag-iisa lamang siya sa Bus stop. Patuloy pa parin ang pagbuhos ng malakas na ulan at giniginaw na siya sa lamig. Mabuti na lamang at walang kulog at kidlat sa kalangitan. Naisip niya tuloy na kung hindi lang sana sila nag-away ng BFF niya ay siguradong may kasabay sana siya pauwi.
Nainis kasi ito sa kanya ng mataasan niya ito ng rank sa klase. Ikinalungkot naman niya ito dahil napaka-nonsense ng naging dahilan ng kanilang tampuhan. Hindi niya alam na pati ang competition sa klase ay pinersonal nito.
Nasa gitna siya ng pag-iisip nang biglang tumigil ang pagbuhos ng ulan. Tanging ang mahihinang patak ng tubig na lamang mula sa bubong ng bus stop ang nanririnig ni Avegail. Lumakas din ang huni ng mga kuliglig at kung anumang insektong nasa paligid. kakaibang ginaw ang unti-unting bumalot sa katawan ng dalaga.
"Grrr!" Panay na ang himas niya sa kanyang braso sa pagbabakasakaling kahit papaano'y iinit ang kanyang pakiramdam.
Tiningnan niyang muli ang orasan. 12:20 AM
Dalawampung minuto na siyang naghihintay sa bus stop ng walang kasiguraduhan kung may bus pa bang dadaan o kung susunduin pa ba siya ng kanyang kuya. Ayaw naman niyang matulog sa bus stop dahil siguradong magkakasakit siya sa lamig. Isa pa, mas lalong ayaw niyang mag-mukhang pulubi.
Hindi rin niya kayang lakarin ang daan pauwi dahil bukod sa masakit na ang katawan niya ay malayu-layo rin ang kanilang bahay. Gustong-gusto na niyang makahiga sa malambot niyang kama. Ilang saglit pa, napatingin na lang siya sa suot niyang kwintas.
"Dad, dapat kasi di mo na kami iniwan. Nakakainis ka!" himutok niya sa kanyang sarili. Inikot-ikot pa niya ito sa kanyang daliri.
Mga ilang minuto pa ang lumipas nang may dumaang motorsiklo. Nakadama ng kaba si Avegail dahil batid niyang laganap ang mga holdaper tuwing dis-oras ng gabi. Dahil dito, naghanap siya ng maaaring maipanlaban dito ngunit tanging ang bagong tasang lapis lamang ang nakita niya sa kanyang bag.
Tumigil ang motorsiklo sa harapan niya ngunit agad na nakatawag ng kanyang pansin ang matandang babaeng naka-angkas sa likuran.
"Magandang gabi, Ineng. Mukhang pauwi ka pa lang. Delikado na sa daan. Tara na at ihahatid na kita. Umangkas ka na lang sa akin. Taga-saan ka ba?" aya ng may-ari ng motorsiklo. Mukhang nasa edad 30 na ito. Mabait naman ang tono ng boses ng driver ngunit ayaw niyang magbakasali.
"Never trust a stranger," yan ang motto ni Avegail.
"Salamat na lang po, Manong. Pero padating na po ang Kuya ko," pagsisinungaling ni Avegail. Napatingin siya sa matandang naka-angkas dito. Gulo-gulo ang buhok nito at kulay itim ang tila baro't-saya nitong suot.
"Ano namang drama ni Lola? Bad hair day ang peg?" sa isip niya. Kakaiba ito sa kanyang paningin ngunit inisip na lang niya na baka nanay ito ng driver.
"Naku, iha. Mag-ingat ka. Alam mo naman na madaming masasama ang loob dito. Hindi naman sa tinatakot kita pero may nagmumulto kasi sa bus stop na ito. Mahirap na, baka makita mo pa," ani Manong.
"Asar ka rin, Manong! Tinakot mo pa talaga ako eh!" bulong niya sa kanyang sarili at nginitian na lang niya ito.
"Basta iha, mag-iingat ka. Mag-isa ka lang. Kapag may nakita akong taxi, sasabihin kong nandito ka," ani Manong. Napasulyap pa ito sa braso ni Avegail.
Napahawak naman agad siya sa kanyang suot na relo. "Naku baka kunin pa ni Manong ang relo ko," bulong niya sa sarili.
"Iha, itago mo ang relo mo," seryosong babala ni Manong.
"B-bakit po?" tanong ni Avegail.
"Basta gawin mo na lang. Wala namang mawawala," sagot ni Manong.
Biglang nagtaka si Avegail. Napansin niyang nakatungo pa rin sa likuran ng motor si Lola. Tahimik at walang kibo.
"Buti pa si lola, tahimik lang. Dapat pagsabihan nya ang anak niya. Nakakatakot mag-approach. Parang kriminal!" sa isip niya.
"S-sige po, Manong. Tatawagan ko lang po ulit ang kuya ko," pagsisinungaling niya. Isa rin itong paraan para maputol na ang usapan nila ni Manong. Nag-dial siya kunwari sa kanyang cellphone at inilagay ito sa kanyang tenga.
"Sige, iha, Mag-iingat ka. Alis na ako," paalam ni Manong.
Napaatras si Avegail nang mapansing nakatingin na sa kanya ang matanda. Napakapula ng mga nito at nakalabas pa ang maiitim nitong mga ngipin.
"Kaloka! Mana ata sa kanyang ina si Manong! Parehong may toyo sa utak! Bakit ganun, tumigil nga ang ulan, may nakita naman akong mga baliw!? Ang malas naman ng araw na ito," sa isip ni Avegail.
Umihip ang malakas na hangin at mas lalong nilamig si Avegail sa kanyang kinatatayuan. Kung anu-ano na ring masasamang ideya ang nagsimulang maglaro sa kanyang isipan.
Paano kung may biglang sumulpot na psychopath at bigla siyang gahasain at patayin? Baka bukas ay maging laman na siya ng frontpage ng bawat dyaryo.
"Wag naman po sana.." bulong niya sa kanyang sarili.
"Apo, anong oras na?" Nagulat si Avegail nang marinig ang isang boses na nagmumula sa kanyang tabi. Napatingin naman siya sa kanyang relo.
"Ano na po, mag-aala-u.." Hindi na natapos pa ni Avegail ang kanyang sasabihin. Agad siyang napaatras nang lingunin niya kung sino ang nagtanong ng oras sa kanya.
"Apo.. anong oras na?" Sa puntong iyon ay mas nakakapangilabot na ang tono ng boses ng kaharap niya.
Napa-awang ang mga labi ni Avegail. Hindi niya sukat-akalain kung paano nangyaring katabi na niya ngayon ang matandang kanina lamang ay nasa likuran ni Manong.
Humakbang palapit sa kanya ang matanda. Magulo ang buhok ng matandang babae na halos matakpan na ang mukha nito. Sa kabila nito ay kapansin-pansin pa rin ang pamumula ng mga nanlilisik nitong mga mata.
"Aaaaahhhhhh!" sigaw ni Avegail. Ngunit pagtalikod niya ay agad siyang nagimbal ng hawakan nito ang kanyang braso.
"Uulitin ko, anong oras na?!" sigaw ng matanda. Napatingin si Avegail sa mga maiitim nitong kuko. Ngayon nya lang napagtanto na hindi pala nakasayad sa lupa ang mga paa ng matanda.
"Bitiwan mo ako! Bitiwan mo ako!" sigaw ni Avegail.
Ngunit mas lalo lamang hinigpitan ng matanda ang pagkapit sa kanyang braso. Tila bumabaon na ang mga kuko nito sa braso niya. Maitim ang braso nito at mauugat.
"Hahahaha!" isang nakakakagimbal na tawa ang umalingawngaw mula sa bibig ng matanda. Samantala,pilit pa rin namang tinatanggal ni Avegail ang pagkakapit nito sa kanya.
Sa pagpupumiglas ni Avegail, hindi niya namalayang nasa gitna na pala siya ng kalsada. At mula sa kanyang kinatatayuan, dalawang ilaw ang siyang bumulag sa mga mata ng dalaga.
"AAAAAHHHHH" sigaw ni Avegail. Hindi na siya nakatakbo pa at hinayaan na lang ang sarili na mabangga ng sasakyan.
Beep!
Beep!
Beep!
"Hoy, Avegail! Magpapakamatay ka ba?" narinig ni Avegail ang isang pamilyar na boses.
Beep!
Beep!
Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata. Kasabay noon ay hinawakan pa niya ang kanyang katawan.
"Buhay ako! Hindi ako nabangga!" aniya sa kanyang sarili. Tningnan din niya ang paligid. Wala na ang multo ng matanda.
Beep!
"Hoy! Kanina ka pang mukhang timang dyan! Halika na rito!"
Napatingin si Avegail sa nagmamaneho ng sasakyan. "Kuya Max!" sigaw niya at nagmamadaling pumasok sa loob nito. Hinampas niya ang kanyang kuya. "Bakit ngayon ka lang dumating?
Ha?! Kanina pa kita tinatawagan! Halos mamatay na ako sa takot!" sigaw niya sa kanyang kapatid.
Pinaandar agad ng kanyang kuya ang sasakyan. Nakadama naman ng relief si Avegail habang papalayo sa lugar.
"Manahimik ka muna, please? Sorry kung ngayon lang ako nakarating. Bakit ka ba nasa gitna ng kalsada?" pag-iiba ng usapan ng kanyang kuya.
"A.. e.." Hindi agad nakasagot si Avegail.
"Hindi ko rin ginusto ang nangyari. Sorry talaga kung na-late ako. Nasiraan pa kasi ako. Kailangan na nating bumili ng sariling kotse dahil mukhang hindi na functional itong hinihiram natin sa kapitbahay. Kung alam ko lang na sa bus stop ka maghihintay, sana doon na lang kita sinundo sa practice area ninyo," ani ng kanyang kuya.
"Sorry din kung nasigawan kita, ikaw kasi late ka. Akala ko kasi may bus pa na dadaan."
"Sa susunod, 'wag ka nang maghihintay roon. May nagmumulto raw na masamang espiritu sa bus stop na iyon. Mahirap na, baka masundan ka pa nito sa bahay."
Nakadama ng kaba si Avegail nang dahil sa kanyang narinig. Tama ba ang narinig niya sa kanyang kuya?"
"M-masamang espiritu?" utal na tanong ni Avegail.
"Oo, ewan ko kung totoo pero maganda na 'yung nag-iingat." Sinulyapan siya ng kanyang kuya. "May nakita ka ba?"
Napatingin si Avegail sa kanyang braso. Namumula ito, isang palatandaan na hindi imahinasyon ang nangyari sa kanya kanina.
"Kuya, ano raw pong klaseng espiritu?"
"Sabi ng kaklase kong nabiktima na raw ng multo, batibat daw ito. Isang klase ng masamang espiritu na nagpapakita bilang isang matanda at mahilig magtanong anong oras na. Nasundan ang kaklase kong iyon sa bahay. Mabuti nalang at psychic ang kanyang ina kaya madali rin nila itong naitaboy."
Natahimik si Avegail sa sinabing iyon ng kanyang kuya. Hindi na siya nagsalita pa hanggang sa makarating sila sa kanilang bahay.
"Magbihis kana at magpahinga na, Avegail. Sa susunod, 'wag ka nang sumali sa mga ganyang sayawan. Ginagabi ka ng pag-uwi," bilin ng kanyang kuya.
Dumiretso naman si Avegail sa kwarto upang magbihis at maghanda sa pagtulog. Binuhay niya ang ilaw para hindi siya masyadong matakot. Matapos magdasal ay humiga na siya sa kanyang kama.
"Sana hindi ako sundan ng multo.." aniya sa sarili. Binalot niya ang katawan ng kumot.
"Hindi niya alam kung gaano na siya katagal nakatulog nang may maramdaman siyang basa sa kanyang mukha. Parang may tumutulong malamig na likido mula sa kisame.
"May butas ba ang bubong namin?" tanong ni Avegail sa sarili.
Subalit isang pagkakamali nang binuksan niya ang kanyang mga mata. Kitang-kita niya na nakalutang sa kisame ang multo ng matandang nakita niya kanina sa bus stop. Ang malamig na likido na tumutulo ay mula sa bibig nito. Sa pagkakataong iyon, mas mapupula at mas nanlilisik na ang mga mata ng matanda. Magulo pa rin ang buhok nito at kulay itim pa rin ang ang suot.
Kahit anong gawing pilit ni Avegail, hindi siya magawang sumigaw. Tanging impit boses lamang ang lumalabas sa kanyang bibig. Sinubukan muli niyang pumikit. Ilang sandali pa, naramdaman niyang malapit na ang mukha ng multo sa kanya. Nalalanghap na kasi niya ang mabahong hininga nito sa kanyang mukha.
"Apo.. anong oras na?" tanong ng multo.
Dahan-dahan niyang itinaas ang kumot para matakpan ang kanyang mukha.
"Layuan mo ako.. Layuan mo ako!" sigaw ni Avegail sa kanyang isipan.
"Kailangan na ako ng apo ko. Susunduin ko na siya.." bulong ng multo at nabigla na lang si Avegail nang biglang matanggal ang kanyang kumot.
Tumambad sa kanyang harapan ang mukha ng batibat nang muli niyang buksan ang kanyang paningin. Nanghihina si Avegail habang nakikipagtitigan sa mapupula nitong mga mata. Hinawakan siya ng batibat sa mukha at isang sigaw ang kumawala mula sa bibig ni Avegail.
Ganoon na lamang ang pagkabigla ni Avegail nang muling matagpuan ang sarili sa tapat ng bus stop. Napalinga siya sa paligid. Tanghaling tapat nang mga oras na iyon at suot niya ang uniporme niya sa eskwelahan. Hindi alam ni Avegail kung nananaginip ba siya o totoo ang mga nangyayari sa paligid.
"Ang tagal naman ni Lola!"
Napatingin siya sa high school student na katabi niya. Maganda ito at sa tantya niya ay kasing-edad lang din niya. Subalit mukhang sinauna ang suot nitong uniporme. Naalala niya ito ang dating uniporme sa eskwelahang pinapasukan niya. Nakita niya ito sa mga sinaunang yearbook.
"Miss! Miss!" tawag niya ngunit tila hindi siya nito naririnig. Napagtanto niyang nasa nakaraan siya ng batibat. Napatingin siya sa ID ng babaeng estudyante. Annie Armane ang pangalan nito.
"Anong oras na? Bakit wala pa si Lola?" reklamo ni Annie. Napansin ni Avegail ang suot nitong kwintas. Kaparehas ito ng ibinigay ng kanyang ama. Hinawakan niya ang kanyang leeg ngaunit hindi niya makapa ang kanyang kwintas.
Nabaling ang kanyang atensyon sa parating na tatlong lalaki. Mukhang pamilyar ang isa sa mga ito. Lumapit ang mga ito sa babae at lalo siyang nagulat nang hilahin ng mga ito ang estudyante. Sa puntong iyon, alam na ni Avegail ang susunod na mangyayari. Sinuntok ng matangkad na lalaki ang babae at agad itong nawalan ng malay.
"Bitiwan nyo siya! Bitawan ninyo siya!" paghuhumiyaw ni Avegail. Ngunit hindi siya naririnig ng mga lalaki. Tinangka niyang lumapit ngunit biglang nagbago ang paligid.
Natagpuan niyang muli ang kanyang sarili sa tapat ng bus stop. Sa pagkakataong ito, kasama na niya ang isang matanda. Napa-atras pa siya nang mapagtantong ito rin ang batibat na nagpakita sa kanya kani-kanina lang.
"Sabi ni Annie, dito ko lang siya sunduin. Nahuli yata ako ng pagsundo sa kanya," bulong ng matanda na halata ang pagkabalisa sa mukha.
Maayos ang itsura ng matanda nang mga oras na iyon at batay sa itsura nito, hindi maipagkakailang nagtataglay ito ng kabaitan.
Nakadama ng lungkot si Avegail dahil tila nahuhulaan na niya ang mga susunod na mangyayari.
Ilang sandali pa, muling nagbago ang kapaligiran. Nasa harapan na siya ngayon ng isang kumpol na mga tao. Hanggang sa sumingit siya para alamin kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga ito.
Napatulala si Avegail nang makita ang bangkay ng babaeng estudyante kanina. Hubo't hubad na ito at puro saksak ang katawan. Nakabukas pa ang bibig nito at tirik ang mga mata. Bakas na bakas ang takot sa mga mata nito.
Biglang umikot ang sikmura niya at nasuka. Nabigla na lang siya ng makitang suot na niya ang kwintas ng babae.
Paglingon nya sa crime scene ay nag-iba nang muli ang eksena. Nakita niya ang matandang babaeng magulo ang buhok at suot ang itim na damit. Nakatungo ito at nagsasalitang mag-isa. Pareho silang nakatayo sa bus stop.
Narinig niyang sinambit nito na hindi nahuli ang pumatay sa apo nito. Binulong din ng matanda ang balak nitong paghihiganti. Biglang umangat ang ulo ng matanda at sumigaw.
"Magbabayad ka!" Tiningnan ni Avegail ang direksyon kung saan nakatingin ang matanda at nakitang nakatitig ito sa isang lalaki sa kabilang kalsada.
Tumakbo ang matanda ngunit hindi nito nakita ang isang sasakyan.
"Lola!" sigaw ni Avegail nang masagasaan ang kawawang matanda. Pumailalim pa sa sasakyan ang katawan nito at halos magkalasug-lasog ang mga buto nito sa katawan. Agad namang umalis ang sasakyang nakabundol dito at hindi man lang nag-abalang tulungan ang biktima.
Dahan-dahan niyang nilapitan ang duguang bangkay ng matanda. Samantala, mayamaya'y sinulyapan naman niya ang kabilang kalsada kung saan huling tumingin ang matanda. Doon ay nakita niya ang lalaking sinigawan nito.
Ganoon na lamang ang pagkagimbal ni Avegail nang makilala kung sino ito. Nasa palad ng lalaki ang kwintas ni Annie.
"Dad?" bulong ni Avegail. Tumingin pa ito sa kanya at isang nakakakilabot na ngiti ang sumiwang sa mga labi nito.
"Nooooo! Nooooo!" Ipinikit ni Avegail ang kanyang mga mata at sa muli niyang pagmulat, nasa loob na siyang muli ng kanyang kwarto.
Bukas ang ilaw katulad ng dati. Mabilis pa rin ang tibok ng puso niya at mas ramdam niya ang pagsakit ng pasa sa kanyang braso.
Sinubukan niyang tumayo sa kanyang kama ngunit agad din siyang natumba dahil nanghihina ang kanyang tuhod. Pag-angat niya ng ulo, kanyang nakita ang lumulutang na batibat.
"Anong oras na..?" tanong nito.
Buong tapang na tumingala si Avegail at sinagot ang multo ng matanda.
"Oras na para makamtan ninyo ang hustisya," sagot ni Avegail. Unti-unting umaliwalas ang nakakakilabot na mukha ng matanda at nakadama ng kapayapaan sa paligid si Avegail.
--o0o--
Makalipas ang mahigit na dalawampung taon ay muling nabuksan ang rape slay case ni Annie Armane. Nahuli ng mga pulisya ang dalawang suspek sa pagpatay sa biktima. Ang ikatlong suspek naman ay tatlong taon nang patay dahil sa sakit sa kanser. Isa nga sa dalawang suspek na nahuli ay si John Albert Chua, ang ama ni Avegail.
No comments:
Post a Comment