"Hello, Ma? Nasaan na po kayo?" tanong ni Flor sa kanyang nanay. Naiwan si Flor sa bahay kasama ang kanilang katulong na si Aling Medy. Kabuwanan na niya at kasalukuyang on the way pa lamang ang kanyang mga magulang pauwi sa probinsya.
Naisipan ng mga magulang ni Flor na sa probinsya na lang siya manganak dahil na rin sa mga nangyari sa Maynila. Limang buwang buntis siya noon nang maaksidente sila ng kanyang asawa sa EDSA Magallanes. Nasagip si Flor at ang pinagbubuntis niya ngunit ang asawa niya ay hindi pinalad.
"Sige, Ma! Tumawag na lang po kayo sa akin kapag malapit na kayo." matapos iyon ay ibinaba na niya ang cellphone. Pumunta sa kusina si Flor at binuksan ang kanilang pridyider. Kumuha siya ng orange at bumalik muli sa sofa.
Hiling ni Flor na sana nandito sa probinsiya ang mga magulang niya kapag siya ay nagsimulang mag-labor. Bumisita ang mga magulang niya sa Maynila dahil dinalaw ng mga ito ang kapatid ng lolo niya na nasa comatose state na. Kailangan daw sama-sama ang mga pamangkin bago tanggalin ang life support nito. Ika nga nila, kailangan magpaalam ang mga tao na naging malapit sa puso ng matanda.
Kung hindi nga lang buntis si Flor, sasama sana siya. Ang matandang ito kasi ang itinuring niyang lolo dahil hindi na niya naabutang buhay ang sariling lolo.
Anumang araw sa linggong ito, inaasahan na niya ang pagsilang ng sanggol sa kanyang sinapupunan. Sinabi niya sa sarili na sa oras na kumirot ang tiyan niya, magpapadala na siya kay Aling Medy sa ospital.
Makalipas ang ilang minutong pag-iisa, bumukas ang pinto sa likod at pumasok si Aling Medy dala ang niluto nitong hapunan.
"Manang, niluto mo rin ba ang paborito ko?" tanong ni Flor.
"Oo naman, maghahapunan na tayo, bakit kumakain ka pa niyan?" sabay turo sa kinakaing orange ni Flor.
"Sensya na, Manang, appetizer ko lang naman ito," tugon ni Flor at dahan-dahang tumayo mula sa sofa upang pumunta sa dining table. Nang makaupo sa silya ay napahawak siya sa kanyang tiyan.
"Baby, nalalapit na ang paglabas mo. Excited na ako. Palalakihin kitang mabuti kahit wala na ang papa mo. Sigurado akong siya ang guardian angel natin habang inilalabas kita. Love you, anak.." bulong ni Flor.
Napangiti naman si Aling Medy habang tinitingnan si Flor. Hindi ito makapaniwalang lumaki ng maayos ang kanyang alaga. Nalulungkot lang ito dahil maagang kinuha ng Diyos ang asawa ni Flor.
"Oh, Manang. Bakit po kayp nag-eemote?" puna ni Flor nang mapansing naluluha ang matanda.
"H-hindi ah. Natutuwa lang ako," paliwanag ni Aling Medy at pinunasan ang mga mata gamit ang manggas sa duster nito.
"Halika nga po rito," tawag ni Flor at lumapit ang matanda upang siya ay yapusi.
"Manang, salamat! Maaasahan ka po talaga namin. Kahit na may sarili kang pamilya, hindi mo pa rin kami pinababayaan," ani Flor.
"Oo naman. Pamilya ko na rin kayo," tugon ni Aling Medy.
Kasalukuyang nasa Dubai ang kaisa-isang anak ni Aling Medy habang tatlong taon naman nang patay ang asawa nito.
"Alam kong hindi magiging simple at madali ang magpalaki ng anak ng walang asawa, Flor. Pero pangako kong tutulungan at gagabayan kita," ani Aling Medy. nauunawaan nito ang pinagdadaanan ni Flor dahil nakikita nito ang sarili sa alaga.
"Maraming salamat, Manang. Love you po.." bulong ni Flor.
"Oh siya, kumain na tayo," aya ni Aling Medy at nagsimula na silan kumain.
Matapos maghapunan, nanood ng telebisyon si Flor. Mayamaya lang ay nagpaalam na sa kanya si Aling Medy.
"Sige po, Manang," tugon ni Flor at nagpatuloy lang sa panonood.
Bago lumabas ng bahay, sinigurado muna ni Aling Medy na nakasarado ang lahat ng bintana.
"Manang, bakit mo isinasara? Maaga pa naman. Babalik ka pa naman, 'di ba?" tanong ni Flor.
"Babalik pa ako pero gusto ko lang mag-ingat. Maiiwan ka rito na nag-iisa. Alam mo naman na napakabango ng tiyan mo," sabay turo sa tiyan ni Flor.
Agad na nakuha ni Flor ang tinitukoy ng matanda. Matagal nang sabi-sabi na napakabango raw ng tiyan ng buntis sa mga tinatawag nilang bal-bal sa kanilang bayan. Isa itong uri ng aswang na mahilig mambiktima ng mga buntis. Ito rin daw ang aswang na kapag kumuha ng bangkay ng biktima ay pinapalitan ng katawan ng saging.
Naalala pa ni Flor na madalas sa gabi ay may mga naririnig siyang kaluskos sa bubong at ilang katok sa bintana kaya lagi siyang katabing bawang at buntot-pagi.
"S-sige, Manang. Bilisan lang po ninyo, huh?!" ani Flor.
Lumabas ang matanda subalit bago ito tuluyang umalis ay nagbilin muna ito kay Flor.
"Huwag na huwag mong papansinin ang sinumang kakatok sa bintana at sa pinto. Pero ito ang pinakamahalaga, huwag na huwag kang tutugon sa sinumang tatawag sa'yo mula sa labas. Tatawag ako sa cellphone mo kapag ako ay nasa labas na. I-lock mo nang maigi ang pinto," bilin ni Aling Medy at umalis na.
Matapos isarado ang pinto, bumalik mulisa sofa si Flor para manood ng telebisyon.
Mga ilang minuto lang ang lumipas, nakarinig na siya ilang katok mula sa bintana.
Tok! Tok! Tok!
Napalingon si Flor sa direksyon kung saan nagmumula ang ingay subalit hindi niya ito pinansin at nagpatuloy lang sa panonood.
Tok! Tok! Tok!
Sa pagkakataong iyon, sa pinto naman nanggaling ang katok. Unti-unti nang binabalot ng kaba si Flor nang mga oras na iyon. Nagpatay sindi pa ang ilaw na lalong nagpakaba sa kanya.
"Flor, buksan mo ang pinto si Manang mo ito! Bilisan mo," tawag ng sinumang kumakatok mula sa labas.
Napatayo si Flor sa kanyang upuan. "Ang bilis naman yata ni Manang," sa isip ni Flor at lumapit siya sa may pintuan.
"Buksan mo na bilis!" tawag ng nasa labas.
Ngunit natigilan siya nang may maalala siya sa mga sinabi ni Manang.
"Tatawag ako sa cellphone mo kapag ako ay nasa labas na."
Kinuha ni Flor mula sa bulsa ang kanyang cellphone. Walang missed call or text man lang mula kay Manang.
"Flor, buksan mo na ang pinto. Aba'y nilalamig na ako rito," tawag ng nagpapakilalang Aling Medy sa labas.
Naisip ni Flor na baka walang load si Manang kaya hindi na ito nakatawag. Ka-boses din talaga kasi ni Aling Medy ang nasa labas.
Hahawakan na ni Flor ang door knob nang biglang mag-ring ang kanyang cellphone.
"Ano ba, Flor? Pagbubuksan mo ba muna ako o sasagutin muna ang tawag sa cellphone mo?" tumataas na ang boses ng nasa labas na hindi naman ugali ni Aling Medy.
Agad na sinagot ni Flor ang kanyang cellphone.
"H-hello?"
"Hello? Flor? Sinusunod mo ba ang bilin ko sa'yo? Nandito pa ako kina Teresita. Malapit na akong umuwi. Saglit lang ito. Mag-iingat ka riyan."
Naibagsak ni Flor sa sahig ang kanyang cellphone nang mapag-alamang si Aling Medy ang nasa kabilang linya.
"Hoy, For! Buksan mo ang pinto!" tawag pa rin ng nasa labas.
"Kung si Aling Medy ang nakausap ko sa cellphone, s-sino 'yung nasa labas?" bulong ni Flor sa sarili.
"Flor, bakit 'di mo binubuksan ang pinto? Buksan mo na!" Sigaw ng nasa labas. Mabibigat na katok na rin ang ginagawa ng nasa labas at tila gustong sirain ang pinto.
Lumayo si Flor mula sa pintuan at umusal ng dasal. Samantala, tumigil naman ang pagkatok sa pinto. Ngunit matapos ang ilang segundo, may nagsalitang muli.
"Anak, buksan mo ang pinto. Nandito na kami ng Papa mo."
Nabigla si Flor dahil boses naman ngayon ng kanyang ina ang naririnig nya sa labas.
"Anak, pwede mo bang buksan ito?" tanong nito.
H-hindi ako maniniwala. Tatawag sina Ma kapag dumating na sila rito, sa isip nya.
Kumatok muli ang nasa labas. "Anak, buksan mo naman ang pinto. Malilintikan ka sa akin kapag... hindi mo ito binuksan!" Agad na nag-iba ang boses ng nasa labas nang banggitin ang huling tatlong salita.
Napahawak sa kanyang tiyan si Flor. Sigurado siyang hindi niya kilala ang nasa labas. Kung paano nito nagaya ang boses ng mga mahal niya ay hindi na niya balak malaman pa. Sadyang mapanlinlang daw ang mga bal-bal.
"Buksan mo ang pinto! Alam kong naririyan ka lang sa loob!" Malagong at nakakapanindig-balahibo na ang boses nito.
"Umalis ka na! Luma---" Agad na natutop ni Flor ang kanyang bibig. Bilin nga pala ni Aling Medy na huwag na huwag siyang tutugon.
Mas lalong lumakas ng mga katok at sigaw ng nasa labas. Hindi na magkaintindihan sa loob ng bahay si Flor. Napahawak siya sa kanyang tiyan. Gagawin niya ang lahat para lang maprotektahan ang kanyang sanggol.
Pumunta sa kanyang kwarto si Flor at kinuha ng buntot-pagi na nakasabit sa may bintana. Bumalik siya sa may pinto at inihampas dito ng paulit-ulit ang buntot-pagi.
"Graaaaw!" sigaw ng nasa labas. Sa pagkakaalam ni Flor, ayaw ng mga bal-bal na marinig or maramdaman sa paligid ang buntot-pagi.
Ilang beses pang hinampas ni Flor sa pinto ang buntot-pagi. Napaupo na lang siya sa sahig nang tumigil na ang mga katok. Subalit napahawak siyang muli sa kanyang tiyan nang makaramdam ng kirot.
"Baby, li-ligtas na tayo," bulong ni Flor. Tumayo siya at lumapit sa bintana. Dahan-dahan niyang hinawi ang kurtina at sumilip kung nakaalis na ang aswang.
"AAAAAAHHHHH!" sigaw ni Flor dahil nakita niyang nakasilip sa bintana ang sinasabing bal-bal.
Maitim ang balat nito at mapupula ang mga mata. Kitang-kita pa ni Flor na inilabas nito ang mahaba at matulis nitong dila. Dinilaan nito ang bintana habang nakatingin sa tiyan ni Flor. Tila takam na takam ito sa ipinagbubuntis niya. Ngumiti pa ito sa kanya at inilabas ang matutulis nitong ngipin.
"Umalis kang hayop ka! Hinding-hindi mo kami makukuha ng anak ko!" sigaw ni Flor at inihampas sa bintana ang buntot-pagi. Umalis sa bintana ang bal-bal at nagsusumigaw. Narinig ni Flor na may kumalabog sa bubong hanggang sa tuluyan na itong nawala.
Pumunta sa may sofa si Flor at umupo. Napakabilis ng tibok ng puso niya. Hindi siya makapaniwala sa kanyang naranasan at nasaksihan. Ilang sandali pa, nabigla siyang muli nang tumunog ang kanyang cellphone. Kinuha niya ito mula sa sahig at sinagot ang tawag.
"Flor, nasa tapat na ako ng pinto. Pwede mo nang buksan," utos ng nasa kabilang linya.
Nagmadali si Flor at agad na binuksan ang pinto. Agad siyang napayakap kay Aling Medy nang makapasok ito.
"Manang!" sigaw ni Flor at napahagulgol na habang nakayakap kay Aling Medy.
"A-anong nangyari?" nag-aalalang tanong ni Aling Medy.
"M-may bal-bal! May bal-bal!" ani Flor. Muli niyang naramdaman ang pagkirot ng kanyang tiyan.
"Aaaaahhhh! Aaah!.. ang sakit po ng tiyan ko," sigaw ni Flor. Agad na pumunta sa kwarto si Aling Medy at kinuha ang mga nakahandang gamit para sa panganganak ni Flor.
Dumiretso ng provincial hospital sina Aling Medy at Flor. Agad na kinuha ng mga nurses ang vital signs ni Flor nang makarating sila sa E.R. Dumating din ang OB-gyne niya at tiningnan ang kanyang condition.
"Doc, ano pong lagay ni Flor?" tanong ni Aling Medy.
"Sa ngayon po ay hindi pa pumuputok ang bag of water niya. Kailangan muna siyang maobserbahan sa labor room dito sa hospital. Imo-monitor ng mga nurse ang condition niya. Stable naman po ang vital signs ng bata at ni Flor," paliwanag ng doktor.
"Salamat po, Diyos ko!" bulalas ni Aling Medy.
Ipinasok na si Flor sa bakanteng labor room. Tinawagan na rin ni Aling Medy ang mga magulang ni Flor para sabihing sa hospital na dumiretso ang mga ito.
Makalipas ang ilang minuto, nagising si Flor at nakita ni Aling Medy na may kausap sa cellphone.
"M-manang?" tawag ni Flor.
"Tinawagan ko na ang mama mo. Sinabi kong dumiretso na sila ng papa mo rito sa ospital. Ano nga bang nangyari kanina?" tanong ni Aling Medy.
Ikinuwento ni Flor ang mga nangyari at dahil dito, napa-awang ang mga labi ni Aling Medy.
"Diyos ko, mabuti na lang pala at may iniwan akong buntot-pagi sa bahay!" bulalas ni Aling Medy.
"Wag mo na akong iiwan, Manang," pakiusap ni Flor.
"Huwag kang mag-alala. Hindi na kita iiwan," tugon ni Aling Medy. May kinuha ito sa bulsa at itinaas nito ang duster ni Flor. Ipinahid nito sa tiyan ni Flor ang langis na dala. Pinaghalong eucalyptus at mint ang amoy nito.
"M-Manang ano po ang inilagay ninyo sa tiyan ko?" tanong ni Flor.
"Proteksyon sa bal-bal, Flor. Ito dahilan kung bakit ako pumunta kina Teresita. Gawa ito sa langis na may orasyon at dugo ng sawa. Ibinigay niya ito sa akin dahil napag-alaman niyang may bal-bal daw na nagtatrabaho rito sa hospital. Alam mo naman na mukhang ordinaryong tao lang sila hangga't hindi sila nagpapalit ng anyo," paliwanag ni Aling Medy.
Kinilabutan siya sa mga sinabi ng matanda.
"Salamat, Manang."
Hinawakan ni Aling Medy ang mga kamay ni Flor. "Nandito lang ako sa tabi mo," ani Aling Medy. Kumuha ito ng silya at umupo. Nang makadama ng antok ay isinubsob nito ang ulo sa kama ni Flor.
Samantala, ipinikit na rin ni Flor ang kanyang mga mata upang siya ay makatulog. Pakiwari niya ay ligtas na siya dahil katabi na niya si Aling Medy.
Biglang naalimpungatan si Flor nang maramdamang napakalikot ng sanggol sa kanyang tiyan. Luminga-linga siya sa paligid. Nakasubsob pa rin ang ulo ni Aling Medy sa kanyang kama at mahimbing na natutulog.
Napatingin siya sa pinto nang dahan-dahan itong nagbukas. Pumasok dito ang isang matandang lalaki na may dalang mop at panglinis. Naisip ni Flor na baka janitor ng ospital ang lalaking iyon.
Tiningnan ni Flor ang oras sa kanyang cellphone.
1:15 AM.
"Magandang umaga po," bati ni Flor.
Napatingin siya sa mata ng matandang lalaki at agad siyang natakot sa mga titig nito. Napakaitim ng mga ito at tila nakatalim ng titig sa kanyang tiyan. Akma sana itong lalapit sa direksyon niya nang..
"Ang baho! Napakabaho!" bulalas ng matandang lalaki. Iyon ang dahilan kung bakit napahinto ito sa paglapit sa kanya.
"A-ano po?" pagtataka ni Flor.
"Wala ka bang naamoy, Miss? Ang baho! Nakakasulasok ang amoy! Puna ng matanda.
Bahagyang nagtaka si Flor. Tinatakpan ng matanda ang ilong nito gamit ang dalang towel. Habang palakad-lakad ito sa kwarto at nagmo-mop, matalim pa rin ang titig nito sa kanyang tiyan.
"May natapon ba ritong muriatic acid?" tanong ng matanda.
"W-wala naman po," sagot ni Flor. Unti-unti na siyang kinakabahan sa mga titig sa mga titig ng matanda sa kanyang tiyan. Inamoy niya ang paligid at ang tanging naaamoy lamang niya ay ang langis na ipinahid sa kanya ni ALing Medy. Mabango ito at hindi nakakasulasok ang amoy.
Nanlaki ang mga mata ni Flor nang ma-realize niya kung ano ang nangyayari. Proteksyon daw laban sa mga bal-bal ang ipinahid sa kanyang tiya?! Hindi kaya ang matandang janitor na ito ay isang...
"Manang! Manang! Gising!" sigaw ni Flor at agad na tinapik sa balikat si ALing Medy.
Bahagya pa itong nagulat sa ginawa ni Flor at kinusot pa ang mga mata bago tuluyang nagmulat. Ibinulong ni Flor ang kanyang naobserbahan tungkol sa pumasok na janitor. Ilang saglit pa, lumapit si Aling Medy sa janitor.
"Manong, ilang taon ka na pong nagtatrabaho rito?" tanong ni Aling Medy.
"Bago lang ako," sagot nito habang tinatakpan pa rin ang ilong.
Tumingin sa mga ng janitor si Aling Medy at agad siyang napaatras.
"Manong, iwan mo na kami ng alaga ko. Lumabas ka na!" utos ng matanda.
"Kailangan kong maglinis dahil mabaho sa kwartong ito!" ani ng matanda.
"Wala kaming naamoy na mabaho kaya pwede ka nang umalis!"
Hindi pa rin nagpatinag ang janitor kaya kinuha ni Aling Medy sa kanyang bag ang langis at winisikan ang janitor. Agad namang naghumiyaw ag janitor at tumakbo palabas.
"M-Manang, si-sino..a-ano 'yun?" tanong ni Flor. Nanginginig na ang kanyang mga kamay at nakakaramdam na naman siya ng pagkirot ng kanyang tiyan.
"Nakita kong baliktad ang repleksyon ko sa mga mata niya kaya sigurado akong hindi siya tao," tugon ni Aling Medy.
"Sabi ni Teresita, mabaho raw sa pang-amoy ng mga bal-bal ang ipinahid ko sayong langis," dagdag pa niya.
"Aaaaahhh!" sigaw ni Flor at pareho silang napatingin ni Aling Medy sa tubig na umagos mula sa loob niya.
"Pumutok na ang panubigan mo! Manganganak ka na!" sigaw ni Aling Medy. Pupunta pa sana ito sa labas nang pumasok na ang isang nurse na kukuha ng vital signs ni Flor.
"Manganganak na siya!" bungad ni Aling Medy.
Tumawag ng doktor ang nurse at inilipat si Flor sa delivery room.
Naging successful ang panganganak ni Flor sa kanyang unang sanggol. Isang cute na batang babae ang kanyang naging supling. Dumating naman ang mga magulang ni Flor bago pa niya mailabas ang bata. Malaki ang pasasalamat ni Flor kay Aling Medy dahil ginabayan at inakay siya nito sa lahat ng kanyang pinagdaanan bilang isang baguhang ina.
Nang makauwi sa bahay, tinanong ni Flor si Aling Medy kung may balita ba ito sa janitor na hinihinala nilang aswang.
May nakalap itong impormasyon mula sa mga nurses sa ospital. Napag-alaman ni Aling Medy hindi na pala roon nagtatrabaho ang lalaki. Basta na lang daw itong hindi pumasok at hindi na nagpaalam pa.
Hindi na inalam pa ni Flor kung ang janitor sa ospital at ang bal-bal na nakita niya sa labas ng bahay ay iisa. Ang mahalaga ngayon para sa kanya, naisilang niya nang matiwasay ang kanyang anak.
No comments:
Post a Comment