Monday, 27 August 2018

Story: Overtime

Sumakay ng MRT si Gian papasok sa kanyang opisina. Isa siyang accounting staff sa isang malaking company sa Makati at mahigit isang buwan na siyang nagtatrabaho rito. Malaki ang pasasalamat ni Gian sa Diyos dahil kahit fresh graduate pa lang siya ay nakahanap agad siya ng trabaho.

"Good morning, Sassy," bati ni Gian sa receptionist.

Nginitian naman siya nito at nag-badge in na siya papasok.

"Good morning, guys!" bati ni Gian sa mga kasamahan at ilang saglit lang ay nagsimula na ang lahat sa kani-kanilang trabaho. May isang bagay na labis ikinatutuwa si Gian sa company na ito. Pwedeng  mag-overtime ng kahit na ilang oras!

May araw siyang umaalis ng bahay at malalim na ang gabi kung siya ay umuwi. Sobra siyang dedidated sa trabaho dahil narin may kailangan siyang suportahan.

"Pareng Gian, panay ang OT natin dyan ah!" puna ni Vincent kay Gian habang sila ay nagla-lunch break.

"Kailangan eh," tipid na sagot ni Gian bago isinubo ang isang kutsarang kanin.

Nagkatinginan ang dalawang ka-share nya sa mesa.

"Don't tell me may anak ka nang kailangan ibili ng gatas at diaper?" singit ni Miguel.

Natawa naman si Gian.

"Mga sira! Para ito sa nanay ko. Kailangan ko ang OT pay para pandagdag sa mga gamot nya for chemotherapy," saad ni Gian.

"Pasensya na, Gian, kung na-offend kita. Bilib lang talaga kami sa iyo dahil sobra kang dedicated sa trabaho. First months ko rito noon, hindi talaga ako nag-oOt. Minsan nga undertime pa ako! Hahaha!" sabi ni Miguel.

"Huwag mo ngang itulad sa iyo si Gian," ani Vincent sabay akbay kay Gian. "Pare, we will pray for the fast recovery of your mother at kung kailangan mo ng tulong, narito lang kami ni Miguel."

Napangiti nalang si Gian. Napakaswerte talaga nya dahil bukod sa maganda na ang company na pinagtatrabahuhan niya, mababait pa ang mga katrabaho niya. Isang taon nang nagtatrabaho si Miguel sa naturang kompanya habang si Vincent naman ay malapit ng magdalawang taon.

3 PM.

Pumasok si Sassy, ang receptionist, sa opisina nina Gian.

"Mga Sirs, pwede po ba kayong lumipat sa taas? Aayusin daw po kasi ang aircon dito sa room ninyo tapos general cleaning na rin daw po," saad ni Sassy.

"Mabuti naman at aayusin na 'yan. Bigla na lang kasing namamatay tapos kahit nakatodo na, ang init pa rin. Teka, sa 18th floor ba kami lilipat? Doon ba sa dating Accounting Office?" tanong ni Miguel. Bahagya itong kinabahan nang banggitin ang 18th floor.

"Ah..eh..opo Sir Miguel, pasensya na. Just this time lang naman po," paliwanag ni Sassy.

"You don't need to say sorry, Sassy. Naiintindihan naman namin," singit ni Gian at inayos na ang laptop at mga gamit na dadalhin niya.

"Duwag lang kasi 'yang si Miguel," puna ni Vincent. Natawa naman si Sassy at hinampas ni Miguel sa balikat si Vincent.

"H-hindi, noh?! Ikaw talaga, Vincent. Alam ko namang duwag ka rin. Oh siya, tara na nga," giit ni Miguel at ito pa ang naunang lumabas ng opisina. Sumabay narin palabas si Vincent.

Bago lumabassi Gian ay tinanong nya si Sassy kung anong ibig sabihin ng dalawa niyang katrabaho.

"Naku, Sir. Hindi pa pala nila nababanggit sa inyo. Mag-oOT po ba kayo, tonight?" tanong ni Sassy.

"Oo."






"Sir, mabuti pang bukas ko nalang sabihin. Mas makabubuti po ito  sa inyo. Sigurado akong hindi mag-oOT sina Sir Miguel at Sir Vincent. Oh sige, Sir, labas na po ako. I'll just inform the security na pwede nang pumasok ang Maintenance Team. Sige po." At agad nang lumabas si Sassy ng opisina.

Balot pa rin ng pagtataka ang isipan ni Gian nang mga oras na iyon. Ramdam niya na iniiwasan ni Sassy ang tanong niya.

Ano bang mayroon sa 18th floor?

Dahil sa itaas lang naman  sila ililipat, nagpasyahan ni Gian na gumamit na lamang ng hagdan papuntang 18th floor. Nang makarating na siya, mukha namang normal at halos katulad lang din ng 17th floor ang floor arrangement nito. Nag-badge in papasok si Gian sa may kaliwang pinto at dumiretso na papuntang Accounting Office. Pagpasok niya, agad na nag-iba ang kanyang pakiramdam.

Mabigat ang hangin at tila may kakaiba sa paligid. Hindi niya ma-pinpoint kung ano ito basta ang alam ni Gian, tumatayo ang balahibo niya sa batok. Nakita ni Gian malapit sa pinto ang isang water dispenser. Nakita niya rin ang tatlong desk. Occupied na ang dalawa habang ang isa ay tila hinihintay na siya. Katabi ng bakanteng desk ang isang maliit na sofa. Nasa ibabaw nito ang isang kwadradong bintana na natatakpan ng isang karton. Katabi rin ng pwesto niya ang isang desk kung saan nakaupo si Miguel. Nasa likod naman ni Miguel si Vincent na katabi ang isang maliit na fridge.

''Oh, Gian. Bakit ka tulala?'' puna ni Miguel. Mukhang naramdaman nito ang pag-iiba ng mukha ni Gian.

''Wag ka mag-alala, Gian, ngayon lang naman tayo magdu-duty dito at konting oras lang naman,'' saad ni Miguel.

Nagtaka si Gian kung paano tila nabasa ni Miguel ang isip nya.

''A-anong ibig mong sabihin, Miguel? tanong ni Gian.

''Natulala ka kaya kanina. Ganyan din ako noong first time ko ng pumasok sa room na ito. Ang bigat ng feeling, parang ang dilim ng aura kahit napakaganda at napakaliwanag ng chandelier na 'yan." Itinuro pa ni Miguel ang chandelier na siyang nagbibigay liwanag sa kabuuan ng kwarto.

Matapos iyon, walang anu-ano'y umupo sa kanyang desk si Gian.

"Gian, mas magandang bukas na lang natin pag-usapan 'yan. Mabuti pa tapusin na natin ang trabaho nang makauwi na tayo. Besides, ilang oras na lang naman," suhestyon ni Vincent.

"Alam niyo, ganyan din ang sinabi ni Sassy. Ang weird na, huh?! May multo ba rito?" diretsong taong ni Gian.

Doon na natigilan sina Vincent at Miguel. Nagkatinginan muna ang dalawa bago sabay na tumingin kay Gian.

Doon na natigilan sina Vincent at Miguel. Nagkatinginan muna ang dalawa bago sabay na tumingin kay Gian. Bahagya namang kinabahan si Gian sa ikinilos ng mga kaibigan. Tumayo sine Vincent at Miguel. Dahan-dahan silang lumakad palapit sa desk ni Gian. Blanko ang mga mukha nila at dahil doon, unti-unting tumaas ang balahibo ni Gian sa kanyang braso.

"Guys, a-anong nangyayari?!!" tanong ni Gian nang makalapit na ang dalawa. Halata na rin ang kaba sa boses niya. Hinawakan siya ng mga kaibigan sa magkabilang braso at..

"Awooooo!!!" sigaw ni Miguel at humagalpak ng tawa ang dalawa.

"Langya naman kayong dalawa! Lakas niyong mang-good time!" bulalas ni Gian at pinagbabato ng maliliit na papel ang dalawang kaibigan.

"Nakakatawa kasi 'yung mukha mo! Dapat may hidden camera dito! Dude, takot na takot ka! Hahaha!" pang-aalaska ni Miguel.

"Sino ba namang hindi matatakot?" Para kayong baliw! Akala ko bigla na kayong tinopak! Pero seryosong tanong, ano nga bang meron dito sa 18th floor?" tanong muli ni Gian.

Bumalik sa kani-kanilang desk sin Vincent at Miguel.

"Gian, mga urban legends lang naman ito. Bukas na lang namin ikukwento. Basta sabay tayong tatlong umuwi ngayon," ani Vincent.

"Pero balak kong mag-OT ngayon," giit ni Gian.

Napatingin  si Miguel kay Vincent bago umiling.

"Gian, 'wag ka munang mag-OT kahit ngayon lang. Maiintindihan naman ni boss 'yun." pakiusap ni Vincent.

"Hindi naman ako naniniwala sa kahit anong urban legends. Hindi rin naman ako naniniwala sa multo kung meron man dito," ani Gian.

"Gian, sumunod ka na lang sa amin ni Vincent," singit ni Miguel.

"Sus, 'wag mong sabihin na sa laki mong 'yan, Miguel, naniniwala ka sa multo?" tanong ni  Gian at hindi niya naiwasan ang matawa.

"Ang sa amin lang, mabuti na ang nag-iingat. Bukas maaayos na ang room natin. Kahit mag-24 hours ka pa bukas, hindi ka namin pipigilan. Basta ngayong gabi, huwag ka munang mag-OT," paliwanag ni Miguel.

Guys, I'm decided na. Mag-oOT ako. I want to prove to you guys na hindi totoo ang mga urban legends na 'yan. They are just a product of a wild imagination, that's all!" ani Gian at inideretso na ang pagtatrabaho.

Napailing na nalang ang dalawa niyang kaibigan at bumalik na rin sa kanilang mga trabaho. Alam nina Miguel na kapag nagdesisyon si Gian hindi na ito mababago. May palabra de honor ang kaibigan nilang ito. Palibhasa, bago palang si Gian laya matapang pa sa lahat ng bagay. Bibigyan na lang nila ng warning si Gian at sasabihin bukas ang lahat ng kwento tungkol sa building nila lalo na ang misteryong bumabalot sa 18th floor.

7 PM.

"Guys, pack up na!" bulalas ni Miguel. Agad na itong nag-ayos ng gamit.

"Excited? May lakad ka?" tanong ni Gian.

"Oo, may dinner kami tonight ni girlfriend," sagot ni Miguel at lumabas na ng pintuan. "Bye, guys!"

Nagsimula na ring magligpit ng gamit si Vincent. Bago umalis ay nagbilin pa siya kay Gian.

"Hanggang 8 PM lang ang Finance Department dito sa 18th floor so basically, ikaw lang ang maiiwan sa buong floor mamaya. Sure kana ba talagang hindi ka pa uuwi?" tanong ni Vincent.

"Oo, mga 3 hours lang naman ang OT ko. May mga janitor naman na naglilinis dito katulad sa 17th floor, 'di ba?" tanong ni Gian. Sanay kasi si Gian na kapag nag-oOt sa 17th floor ay may mga kasama siyang janitor na naglilinis ng buong floor. Minsan nakakasabay pa niya ang isa sa mga ito pababa ng elevator.

"Gian, hanggang 6 PM lang ang paglilinis ng 18th floor. Umiiwas din kasi ang mga janitor sa floor na ito kaya nag-request sila na kung maaari, 5 AM-6 PM lang sila maglinis dito," paliwanag ni Vincent.

"Hay, dahil 'yan sa mga kwentong barbero, noh?!" tanong ni Gian.

"Pero 'di ka naman naniniwala, 'di ba?"

"Oo. Sige, ingat ka sa pag-uwi. Uuwi na rin naman ako ng alas-diyes," ani Gian.

"Gian, kung maaari oras na bumagsak sa floor ang karton na nakatakip sa bintana sa sofa, mag-out kana. Sana naman sundin mo na ako this time. Iyon lang ang ipinapakiusap ko sa'yo, huh?!" bilin ni Vincent.

"Bakit nga ba may harang 'yan? Maganda na sana itong office natin dito kaya lang pampa-pangit ang karton na yan. Bakit 'di na lang kaya kurtina o kaya painting man lang ang ipinang-harang dyan?" tanong ni Gian.

"Sadyang 'yan ang gamit niyan. basta mangako ka na uuwi ka na kapag nalaglag 'yan sa floor. 'Wag na 'wag mong subukang ibalik 'yan bintana," sagot ni Vincent.

Sa halip na matakot, pigil pang natawa si Gian dahil sa mga sinabi ni Vincent.

"Dude, I'm serious. Remember, mas matagal kami rito kaysa sa'yo. Nagpapaalala lang naman ako. So, sige na. Bye na, God Bless sa OT mo dahil nag-iisa ka lang," paalam ni Vincent at tuluyan nang umalis.

Napatingin naman si Gian sa sofa na nasa harapan niya. Dahil dito ay hindi rin niya naiwasang tingnan ang bintana.

"Bye, Vincent," paalam ni Gian.

Nagsimula na muli sa kanyang trabaho si Gian. Gusto kasi nya na kung maari ay matapos na ngayong gabi ang kanyang trabaho.

Makalipas ang ilang minuto, kinuha niya mula sa kanyang bag ang baong cup noodles at pumunta sa may dispenser malapit sa pintuan para lagyan ng tubig.

Nang mapuno ito ay naglakad na siya pabalik sa kanyang desk. Ngunit laking gulat niya nang bigla nalang bumagsak sa sahig ang karton. Sa kanyang pagkabigla ay nabitiwan niya ang dalang cup noodles.

"Aray!" bulalas ni Gian dahil natapunan ang kamay niya ng mainit na tubig. Agad niyang kinuha ang panyo at pinunasan  ang kanyang kamay.

"Ano ba naman ang kartong ito? Dapat kasi kurtina na lang ang ipinang-takip dito. Tsk! Natapon pa ang dinner ko," himutok ni Gian sa sarili.

Inilagay niya sa ilalim ng sofa ang karton at naghanap ng basahan sa may filing cabinet. Nakakita naman siya ng Good Morning towel at ito ang ginamit niyang pang-linis sa natapong noodles.

Matapos linisin ang sarili, napatingin si Gian sa bintana.

"Ano bang meron dito?" bulong niya sa sarili. Tumayo siya sa sofa at sinilip ang bintana. Tanaw ang malinaw at ma-traffic na kalsada sa labas. Sa laki ng bintana, tantya niya na kasya ang isang tao rito.

"Hindi naman pala nakakatakot! Psssh.." ani Gian sa sarili.

Nabigla na lang siya ng narinig niyang lumikha ng ingay ang chandelier. Napatingin siya rito. Nagsu-sway ang chandelier kasabay ng unti-unting pagpatay-sindi nito.

Naramdaman ni Gian na tumatayo ang balahibo niya sa braso.

"Power failure," suhestyon ni Gian sa sarili habang pilit pa rin niyang pinapakalma ang sarili.

Mayamaya, naisipan na lang niyang bumili muna ng pagkain sa ground floor. Kinuha niya ang wallet sa kanyang bag at lumabas ng opisina.

Napansin niyang may mga naghihintay din sa elevator. Sila ay ang mga staff ng Finance Department.

"Hi Sir, uwi ka narin ba?" tanong ng magiliw na babae.

"Nope, bibili lang ako ng food. Mamaya pa ako," sagot niya.

"Tapang mo," puna ng lalaking kasama ng babae.

Ngumiti lang naman si Gian.

Ting...

Nang bumukas ang elevator ay agad na nagsiksikan ang mga tao. Samantala, mas pinili naman ni Gian na hintayin ang isa pang elevator kaysa makipagsiksikan. Ilang saglit lang ay bumukas na ang isang elevator. Pinindot niya ang ground floor button at hinintay ang pagbaba nito.

Ting.....

Tumigil ang elevator 7th floor. Bumukas ito ngunit wala namang taong naghihintay sa labas.

"Going down?!" tawag ni Gian ngunit katahimikan lang ang sumagot sa kanya.

Magsasara na sana ang elevator nang biglang may sumilip na ulo ng babae. Agad na pinindot ni Gian ang elevator para bumukas ito.

"Going up?" tanong ng babae. Mestiza ito at may malamlam na mga mata.

"No, going down," nakangiting sagot ni Gian.

"Okay," ani ng babae at umalis na.

"Wow, ang sipag naman niya. OT din siguro 'yun. Sayang, akala ko makakasabay ko na siya, cute pa naman," sa isip niya.

Ting..

Nagbukas ang elevator sa tapat ng ground floor. Dumiretso siya sa Subway store at in-order niya ang paborito niyang Spicy Italian at nag-add narin ng cookie at drinks.

Bumalik muli siya sa elevator at pinindot ang 18th floor button. Mula roon ay sinimulan nang kainin ni Gian ang sandwich.

Ting..

Napatigil lang siya nang tumigil ang elevator sa 10th floor. Bumukas ito ngunit wala namang pumasok.

"Going up?" tanong ni Gian ngunit walang tumugon.

Nabigla na lang siya nang tumunog ang overload alarm. Napatakip siya ng kanyang tenga dahil sa nakakairitang tunog nito.

"Ano ba naman? Ngayon pa nasira ang elevator? Mag-isa lang naman ako rito!" sigaw ni Gian sa loob ng elevator dahil on parin ang overload alarm.

Naramdaman ni Gian ang pagtaas ng balahibo niya sa batok. Kahit mag-isa lang siya sa loob ng elevator, ramdam niyang may mga matang nakamasid sa kanya.

Dahil dito, lumabas na lang siya at sa kanyang paglabas, agad naman itong sumara.

"Leche naman oh!" giit ni Gian. Sinigurado niyang ire-report niya ito bukas sa management dahil sa tingin niya ay nagloloko ang overload alarm ng naturang elevator.

Sumakay nalang siya sa kabilang elevator at nakarating na rin sa 18th floor. Bago mag-badge in papasok, napansin niyang may nakaupong babae sa reception area. Naalala niya na wala namang receptionist kanina.

"Good evening, Miss. OT ka rin ba?" tanong niya sa babae.

Suot ng babae ang isang red tank top na pinatungan ng black na blazer. Tinatakluban ng buhok  ang mukha nito at tila may itina-type sa computer. Nagtataka lang si Gian dahil dapat nagre-reflect ang ilaw ng desktop sa mukha ng babae. May suot din itong mapulang bracelet sa magkabilang braso.

"Lakas ng trip ni Ate, nagta-type sa computer, eh mukhang patay naman ang monitor," sa isip niya. Hindi na lang niya pinansin at nagbadge in na papasok. Dumiretso na siya sa Accounting Office at sinimulan na muli ang kanyang trabaho.

Lumipas ang ilang oras at napansin ni Gian na malapit nang mag 10 PM, Iniunat muna niya ang kanyang braso at kinuha ang kanyang tumbler.

Kumuha siya ng tubig sa water dispenser at habang umiinom, napatingin siya sa may sofa.

Nabitawan niya hawak na tumbler nang dahil sa labis na pagkabigla. Nanlaki ang mga mata niya dahil nakita niyang tinatakluban nang muli ng karton ang bintana.

Natatandaan niya na hindi niya ito ibinalik kanina!

Inisip nalang niya na baka may janitor na pumasok  at nagkabit nito. Ngunit ayon kay Vincent, hanggang 6 PM lang ang maintenance team.

Nasa gitna ng pag-iisip si Gian nang biglang namatay ang chandelier. Binalot ng kadiliman ang buong paligid.

Agad na kinapa ni Gian ang kanyang bulsa para kunin ang kanyang cellphone. Binuksan niya ang flashlight application at agad itong nagbigay ng katiting na liwanag sa kanyang paligid. Sinubukan niyang lumakad ngunit nadulas siya sa tubig na natapon niya sa sahig.

"Aray!" bulalas ni Gian. Tumilapon sa may tapat ng pintuan ang cellphone niya. Kinapa niya ito at nang makuha ay binuhay muli ang flashlight.

Nang mabuksan niya flashlight ay nabigla siya nang makitang may lalaking nakaupo sa sofa at tila umiiyak. Hindi alam ni Gian kung paano nakapasok ang lalaki. Kung pumasok ito, dapat naramdaman niya dahil nasa likuran lang niya ang pintuan.

"S-sir, a-anong ginagawa mo rito?" tanong ni Gian. Tinatakpan ng lalaki ang mukha gamit ang mga kamay nito. Patuloy lang ito sa pag-iyak. Naka-navy blue itong long sleeve, itim na pants at may silver na kurbata pa.

"Minahal ko siya pero bakit niya ako niloko?!" ani ng lalaki.

"Sir.." tawag ni Gian. Nabigla siya nang humarap sa kanya ang lalaki. Nakapaitim ng eyebags nito at magulo ang buhok. Halata ang depression sa mukha ng lalaki.

"Wala nang kwenta ang buhay ko!" pagkasigaw ng lalaki ay agad na natanggal ang karton na nakatakip sa bintana. Binuksan ng lalaki ang bintana at pumasok sa loob ng kwarto ang malamig at nakakakilabot  na hangin mula sa labas.

"Sir, huwag mong gawin 'yang binabalak mo!" pakiusap ni Gian. Ngunit umakyat ang lalaki rito at tumalon sa bintana.

"Aaaaaaah!" sigaw ni Gian. Napahawak siya sa kanyang ulo. Kailangang i-report niya agad ito sa mga kinauukulan. Nagmamadaling lumabas si Gian ng Accounting Office at pinuntahan ang receptionist.

Naabutan niya itong nakatayo ngunit nakatalikod sa kanya.

"Miss! Miss! M-may nagpakamatay  sa Accounting Office. Kailangan nating tumawag ng pulis! Miss!" tawag ni Gian ngunit nakapako pa rin ang babae  sa kinatatayuan nito.

"Hindi niya ako binigyan ng pagkakataong magpaliwanag.." bulong ng babae.

"Huh?! Ano bang sinasabi mo? Sa pulis tayo magpapaliwanag!" bulalas ni Gian.

Biglang umiyak ang babae. Napailing si Gian kaya tumalikod na lang siya.

Nabigla na lang siya ng biglang tumambad sa harapan niya ang babae! Kung paanong nakapunta agad ito sa harapan niya ay hindi na niya kayang ipaliwanag pa. May ideya na siyang hindi tao ang nasa harapan niya nang mga oras na iyon.

Maitim ang ilalim ng mga mata ng babae at magulo ang buhok nito. May dugo ring tila tumutulo mula sa mga mata nito. Hinawakan siya ng babae at ramdam ni Gian ang malamig at malagkit nitong mga palad. Napatingin siya sa kamay nito at napagtanto niya na may laslas ang magkabilang wrist nito. Ang inakala niyang bracelet na suot nito ay natuyong dugo pala.

"Bitiwan mo ako! Bitiwan mo ako!" sigaw ni Gian. Hindi niya sukat-akalain na nasa mismong harapan na niya ang itinuturing niyang kwentong barbero kani-kanina lamang.

Ibinuka ng babae ang bibig nito at may lumabas ditong malapot at mapulang likido. Tumilamsik ang nakakasulasok na likido sa pisngi at noo ni Gian.

Pinilit ni Gian na makawala sa pagkakahawak ng babae. Sumakto ang biglang pagbukas ng elevator nang makawala siya sa pagkakahawak nito. Kumaripas siya ng takbo papasok dito at pinindot ang close button para matakasan ang duguang babae na lumulutang palapit sa kanya.

"Aaaaaaaaah!" sigaw ni Gian hanggang sa sumara ang elevator. Narinig pa niyang kumakatok sa pintuan ng elevator ang babae. Nanginginig siyang napaupo sa gitna ng elevator. Hindi niya alam kung ano ang mga nakikita niya. Hindi niya napigilan ang maiyak at napahawak na lang siya sa kanyang ulo sa labis na pagkalito habang patuloy pa ring umaandar pababa ang elevator.

Ting..

Napatingala si Gian nang biglang tumigil ang elevator sa 7th floor. Unti-unti na namang kinilabutan si Gian dahil hindi niya alam kung ano na naman ang makikita niya. Walang pumasok ngunit bago magsara ang pintuan ay sumilip muli ang isang ulo ng babae.

Agad na pinindot ni Gian ang open button. Iyon ulit ang babae na makita niya kanina.

"Going up?" nakangiting tanong muli ng babae.

Naisip niyang hingian ng tulong ang babae.

Laking gulat niya nang malamang ang babaeng kausap niya ay isang ulo lamang!

"Aaaaaaaaah!" Hindi na niya nakayanan ang mga pangyayari kaya agad siyang nawalan ng malay sa loob ng elevator.

"Pre, anong room si Gian?" tanong ni Vincent kay Miguel. Nasa loob sila ng isang elevator ng isang malaking hospital sa Makati.

"Nag-text si Sassy, Room 128," sagot ni Miguel at ipinakita pa ang text ni Sassy.

"Sinabihan na kasi na 'wag mag-OT pero 'di nakinig. Tsk! Dapat pala sinabi na agad natin sa kanya," bulong ni Vincent.

"Pero based sa pag-uusap natin noong isang araw, 'di iyon magpapatalo. Sigurado akong kahit nalaman na niya ang buong kwento mag-oOT parin iyon. Pinatunayan ng mga multo na 'di sila isang kwentong barbero lamang," saad ni Miguel.

Ting...

Lumabas na ng elevator sina Miguel at Vincent. Nakita nila ang Room 128 at kumatok muna sila sa pinto bago tuluyang pumasok. Naabutan nilang may kasamang matandang babae si Gian. May bandana ito sa ulo at nakaupo sa tabi ng kama ng kanilang kaibigan.

"Magandang umaga po," nakangiting bati ng dalawa.

"Magandang umaga din sa inyo, mga iho," magiliw na tugon ng ginang.

"Salamat at nakabisita kayo," bulong ni Gian sabay baling sa ginang.

"Ma, sina Vincent at Miguel po, katrabaho ko po sila."

Ngumiti ang dalawa at iniabot sa ina ni Gian ang mga dalang prutas.

"Oh siya, maiwan ko muna kayo rito," paalam ng ginang at lumabas na ng kwarto.

Umupo sa kama si Miguel habang si Vincent naman ay umupo sa silya na nasa tabi ng kama ni Gian.

"Sorry kung nagkulang kami sa pagbibigay sa iyo ng warning signs," ani Vincent.

"Hindi na ninyo kailangan humingi ng dispensa. Wala kayong pagkukulang. Ako lang talaga itong hindi naniwala," tugon ni Gian.

"Anong nagyari sa'yo? Ano raw sabi ng doktor?" tanong ni Miguel.

"Sabi ng doctor, overfatigue. Pero alam kong nawalan ako ng malay dahil sa mga nakita ko. Ano bang lihim meron ang 18th floor?"

Nagkatinginan sina Vincent at Miguel.

"Gian, may mga nagpakamatay sa 18th floor," panimula ni Vincent.

Napalunok ng laway si Gian at naramdamang muli ang kakaibang kaba sa dibdib.

"Anak ng may-ari ng company natin. Naging broken-hearted dahil akala niya nabigo siya sa pag-ibig," pagpapatuloy ni Miguel.

"A-akala? Anong ibig mong sabihin?" tanong ni Gian.

"Girlfriend niya si Gerlynne, ang receptionist noong mga panahong iyon. Nabalitaan niya na nakikipagkita ito sa ibang lalaki. Hanggang sa nabalitaan niya na nabuntis. Ngunit ang hindi niya alam, sa kanya lang ibinigay ni Gerlynne ang pagkababae niya," paliwanag ni Vincent.

"You mean, siya ang tatay ng pinagbubuntis nito?" tanong ni Gian.

"Oo. ANg matindi rito, nagpakamatay rin si Gerlynne doon mismo sa receiving area. Naabutan siya ng isang guard na laslas na ang magkabilang wrist. Hindi na rin nailigtas ang sanggol sa sinapupunan nito," sagot ni Vincent.

Hindi lubos-akalain ni Gian na may matinding kwento pala sa likod ng mga pagmumultong narasanan niya. Dahil dito, hindi na rin niya napigilan pang itanong kung bakit may karton sa opisina.

"Kurtina dati ang ginagamit doon pero lagi raw sumisilip ang lalaking nagpakamatay doon. Sabi ng ilang empleyado, kapag natanggal daw yung karton, ilang saglit na lang ay makikitang tatalon muli ang multo. Dahil dito, napagdesisyonan ng management na ilipat na lang ang Accounting office a 17th floor," ani Vincent.

"Eh si-sino 'yung nagmumulto sa 7th floor?" tanong ni Gian. Kinikilabutan pa rin siya sa tuwing naaalalang nahawakan niya ang isang lumulutang na ulo.

"Huwag mong sabihing pati iyon ay nakita mo" gulat na tanong ni Miguel. Tumango na lang si Gian.

"Noong ginagawa pa lang ang building, namatay raw dito ang anak ng isang engineer. Dinalhan niya ng pagkain ang tatay niya sa mataas na bahagi ng building. Ngunit nang pababa na ito, nadulas at nahulog. Sabi nila, naputol daw ang ulo nito pagdating sa 7th floor kaya ulo lang daw ang nakikita tuwing sumisilip ito," paliwanag ni Miguel.

Hindi na nakapagsalita pa si Gian. Ramdam niyang bumibilis na naman ang tibok ng puso niya.

"Nakakatakot talaga sa building natin. Madami talagang multo roon kaya kaunti lang ang mga nag-oOT. Mga new employees lang talaga ang may lakas ng loob na magpaabot ng dis-oras ng gabi," ani Vincent.

"May isa pang kwento," singit ni Miguel. "Sa 10th floor naman daw ay madalas na tumutunog ang overloading alarm kahit nag-iisa ka lang sa loob. Sabi ng ilan, mga kaluluwa raw na nakikisabay sa elevator ang dahilan ng naturang kababalaghan. Malas lang ng sinumang sabayan nila."

Agad na namutla si Gian sa kanyang narinig na napansin din naman ni Vincent.

"Wag mong sabihin na pati 'yun na-experience mo?" tanong ni Vincent.

Tumango na lang si Gian.
















No comments:

Post a Comment