Thursday, 13 September 2018

Raindrops

Isinarado ni Gladilyn ang librong binabasa niya tungkol sa Human Anatomy. Kanina pa kasi sumasakit ang ulo niya dahil sa mga binabasang medical terms.

Lumapit sa kanya ang librarian na naging ka-close niya dahil sa lagi niyang pagbisita sa public library ng kanilang munisipyo.

"Oh, iha? Kumusta ang pagbabasa mo? Ang sipag mo talagang bata ka," ani Manang Viva. May suot itong salamin at maputi na ang buhok na laging nakapusod. Tantya ni Gladilyn ay nasa late 60's na ang matanda.

"Naku, Manang este Teacher Viva, dinudugo na nga po ako rito dahil sa mga binabasa ko. Sasabog na po yata ang utak ko. Overloaded na!" ani Gladilyn.

Teacher Viva ang gustong palayaw ni Manang dahil ilang taon din itong naging guro at principal sa karatig na public school. Nagdesisyon na lang itong maging librarian para kahit retiro na ito sa kanyang propesyon ay kapiling pa rin nito ang mga libro.

"Glad, masamang pinipilit ng sariling mag-aral. Mas maganda kung relax ang isip natin. Bumalik ka nalang muli bukas para mag-aral. Lagi naman akong nandito," suhestyon ni Manang Viva.

"Salamat, Teacher. Sige po, after class ulit. Mabuti nga po at 8 AM to 3 PM ang klase ko para may time pa akong bumisita. Iniisip ko nga po na sa susunod na taon, kapag nagdu-duty na kami sa hospital ay baka bihira na po akong makabisita rita," ani Gladilyn.

Napangiti naman ang matanda. Natutuwa ito sa angking kasipagan ni Gladilyn.

"Iha, mag-iingat ka sa pag-uwi. Mukhang uulan. May payong ka bang dala?" tanong ni Teacher Viva.

"Opo, Teacher. Nasa loob ng bago ko," sabay turo sa kanyang backpack.

"Oh siya, sabay na tayong lumabas. Magsasara na ako dahil pasadong alas-singko na," sambit ng matanda at inayos na nito ang sariling gamit. Magkasabay na lumabas ng library ang dalawa.

Sabay mang lumabas, magkabilang landas naman ang tatahakin ng dalawa pauwi. Walking distance lang ang bahay ni Gladilyn samantalang si Teacher Viva ay kailangan pang sumakay ng tricycle sa paradahang malapit sa library.

"Teacher Viva, mag-iingat po kayo pauwi," magiliw na paalam ni Gladilyn at kinawayan pa niya ito.

"Ikaw rin, Glad. Pagpalain nawa ng Diyos ang iyong pag-aaral. Oh siya, paalam na," tugon ng matanda at naglakad palayo.

Masayang naglakad si Gladilyn. Nagmamadali niyang binuksan ang kanyang backpack ngunit nang hindi niya makapa ang payong ay patakbo siyang sumilong sa malapit na saradong tindahan.

Kinakabahan siya habang kinakapa ang loob ng backpack niya. "Nasaan na ang payong ko? Iniwan ko ito sa loob!" giit ni Glad sa kanyang sarili.

Inalala niya kung saan niya inilagay ang kanyang payong. Natatandaan niyang sabay silang pumasok ng kanyang kuya dahil parehas sila ng pinapasukang university. Hiniram nito kaninang lunch break ang payong niya. Pero hindi niya matandaan kung ibinalik nga ba nito iyon.

"Hays! Bad trip si Kuya! Hindi ibinalik ang payong ko! Paano ako makakauwi nito?" bulalas ni Gladilyn. Ayaw naman niyang sumugod sa ulan. Susubukan na lang niyang mag-abang ng tricycle. Ang problema nga lang, nagsasakay lang ang mga tricycle sa paradahan o kaya ay sa waiting shed. Tinanaw ni Glad ang waiting shed na malapit sa kanya.

Malayu-layong takbuhan pa ito. Sa oras na takbuhin niya ito ay paniguradong tutluyan na siyang mababasa pati na rin ang notes na nasa bag niya bago pa siya makarating dito.

"Bakit pa kasi ako inabutan ng malakas na ulan?" himutok ni Gladilyn sa sarili.

Dumidilim na ang paligid at hindi pa rin hunuhupa ang malakas na ulan. Nilalamig na siya sa kanyang kinatatayuan. Hindi niya tuloy mapapanood ang inaabangang primetime teleserye bago mag-balita.

Nagpalinga-linga siya sa paligid at napagtantong nag-iisa lang siya sa bahaging ito ng kalsada.

Habang ikinikiskis niya ang sariling palad sa braso ay natanaw niya mula sa malayo ang isang papalapit na pigura. Sa sobrang lakas ng ulan, halos zero visibility na kapag tumingin ka sa malayo. Nakaramdam ng matinding kaba si Gladilyn nang unti-unting luminaw sa kanyang paningin ang papalapit na pigura.

Isang payong. Isang lumulutang na itim na payong!

Napapikit na lang si Gladilyn nang ilang dipa na lang ang layo nito mula sa kanya. At ipinangako niya sa kanyang sarili na tatakbo siya ng mabilis kung lalapit pa ito sa kanya. Mabasa na ang lahat ng mababasa huwag lang siyang atakihin sa puso dahil sa makikita niya.

Ilang saglit pa ay nilingon muli ito ni Gladilyn. Nawala ang kaba niya nang mapansing may naghahawak pala sa itim na payong. Naka-maong ang lalaki at itim din ang suot kaya hindi niya ito napansin kaagad.

"Iha, taga-saan ka? Gusto mo bang ihatid kita?" tanong ng lalaki. Malat ang boses nito at malagong. Pamilyar ang boses nito ngunit hindi niya maaninag  ang mukha ng lalaki dahil sa madilim na rin ang paligid. Hindi na rin umaabot sa kanya ang ilaw sa poste na nasa kabilang kalsada.

"Ah.. eh..'wag na lang po," tugon ni Gladilyn. Kahit na pamilyar pa ang boses nito, ayaw pa rin niyang magtiwala dahil delikado na sa panahong ito.

"Iha, nilalamig ka na. Anak ka ni Ramiro, 'di ba? Doon din ang daan ko kaya halika na," aya ng lalaki.

"Ah..eh..si-sige po," tugon ni Gladilyn. Pumayag siya nang mapagtantong kilala nito ang kanyang ama. Marahil kakilala nga ito ng kanyang pamilya. Ayaw na niyang magpaka-choosy pa dahil ayaw niyang mabasa sa ulan.







Matapos ang kanilang pag-uusap, sumukob na siya sa payong ito at naglakad na sila pauwi.

"Manong, paano po ninyo nakilala ang tatay ko? Sino po kayo?" tanong ni Gladilyn.

Mas lalong bumuhos ang ulan kaya naman hindi maiwasang mabasa na rin ang braso ni Gladilyn.

"Kumapit ka sa akin," utos ng lalaki. Agad na kumapit si Gladilyn sa braso ng lalaki at ramdam niya na malamig ang braso nito katulad ng sa kanya.

Agad na sumilay ang ngiti sa labi ni Gladilyn nang matanaw ang berde nilang gate. Mabuti na lang at may sarili siyang susi nito kaya agad siyang makakapasok dito. May silong din sa gate nila kaya hindi na kailangan na ihatid pa siya ni Manong sa mismong pintuan ng bahay nila.

"Manong, mabuti po at dumaan kayo sa pwesto ko kanina. Saan po kayo galing?" pangungulit ni Gladilyn.

"Susunduin ko sana ang aking anak. Pero wala na pala siya. Ikaw na lang ang inihatid ko para makabawi man lang ako sa kanya," tugon ng lalaki.

"Saan po pumapasok ang inyong anak?" College na rin po ba siya?" tanong ni Gladilyn.

Tahimik lang ang lalaki at hindi nagsalita. Dahil doon ay hindi na nangulit pang muli si Gladilyn.

Nang nasa tapat na sila ng gate, lubos siyang nagpasalamat sa estrangherong naghatid sa kanya.

"Maraming salamat po, Manong," aniya sa pilit pa ring inaaninag ang mukha ng lalaki ngaunit hindi niya talaga ito makita.

"Ginette. Ginette ang pangalan ng anak ko," tugon ng lalaki. Inalala pa ni Gladilyn kung may kakilala siyang Ginette.

Ah, tama. Siya ang kaklase kong tahimik at medyo suplada. Hindi kami close, sa isip ni Gladilyn. Natutuwa si Gladilyn dahil mabait pala ang ama ng kaklase niyang iyon kahit ito ay suplada.

"Sige, Manong. Dito na po ako, huh?! Thank you po ulit! Sa uulitin!" paalam ni Gladilyn at bago tumalikod ang lalaki ay may sinabi pa ito sa kanya.

"Pakisabi kay Ginette, mahal na mahal ko siya." Matapos magpaalam ay tuluyan na itong umalis.

Nang buksan ni Gladilyn ang gate, lumingon siyang muli para makita ang lalaki ngunit agad na itong naglaho.

"Nasaan si Manong?" Tanong ni Gladilyn sa kanyang sarili.

Pumasok siya sa bahay at inabutang nanonood ng TV ang kanyang kapatid habang naghahanda naman ng hapunan ang kanyang ina. Samantala, alas-nuebe pa naman ng gabi ang dating ng kanyang tatay.

Agad niyang hinampas sa balikat ang Kuya Gladwin niya.

"Aray! Bakit naman?" gulat na tanong ng kapatid nito.

"Kuya, bakit mo kinuha ang payong ko? Nabasa ako ng ulan! Paano kung nabasa rin ang mga gamit ko? Ang dami ko pa namang isinulat kanina sa school," paghihimutok ni Gladilyn.

"Oh, kayong magkapatid, huwag na kayong mag-away. Halina kayo at kakain na. Magbihis ka muna, Glad," sabi ng kanyang ina. Lumapit si Glad sa ina at nagmano.

"Nakauwi ka naman, 'di ba?" puna ng kapatid na patuloy pa ring nanonood ng TV.

"Mabuti na lang at may naghatid sa akin," sagot ni Glad.

Napatingin naman ang kanyang kapatid at ina sa kanya. "Boyfriend?" magkasabay na tanong ng dalawa.

"Ngek? Hindi. Tatay po ng kaklase kong si Ginette. Mabuti at mabait si Manong," sagot ni Gladilyn.

"Si-si Ginette Ramos ba ang tinutukoy mo?" garalgal na tanong ng kuya niya. Natawa naman si Gladilyn sa tono ng boses ng kanyang kapatid.

"Bakit kuya, trip mo ba si Ginette?" tanong ni Glad. Pinatay ni Gladwin ang TV at lumapit sa kapatid.

"Kung si Ginette Ramos ang tinutukoy mo, patay na ang ama niya!" bulalas ni Gladwin.

Napataas naman ang kilay ni Gladilyn. Tiningnan niya ang kanyang ina ngunit maging ito ay parehas din ng reaksyon ng kanyang kuya. Dahil doon ay nakadama ng labis na kaba sa dibdib si Gladilyn.

"Ma? Totoo ba ang sinasabi ni Kuya?" tanong niya sa ina.

"Diyos ko, isang buwan nang patay si Manuel. N-nabalitaan ko na susunduin sana nito ang anak niya. Ngunit pagtawid ng kalsada malapit doon sa library ay nahagip ito ng kotse. Hindi na ito umabot pa sa hospital," sagot ng ina at napayakap na lang kay Glad.

Hindi na napigilan pa ni Gladilyn ang kanyang pagluha dahil sa takot na kanyang nadama.

Imposible! Imposibleng patay na ang nakausap at naghatid sa akin kanina! Paano nangyari iyon? sa isip ni Gladilyn.

Naalala niya ang malamig na braso ng lalaki kanina. Kaya pala hindi niya maaninag ang mukha nito ay dahil matagal na itong patay.

Dahan-dahang nanghina ang tuhod niya. Agad namang nahawakan ng kanyang kapatid at ina ang ulo niya bago pa siya tuluyang bumagsak sa sahig.

Nakahiga na sa kama si Gladilyn. Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga nangyari. Nang mahimasmasan siya kanina, wala siyang ganang kumain. Ipinaliwanag sa kanya ng kapatid niya na lagi nga raw may nakikitang multo sa tapat ng tindahan kung saan niya nakita ang multo ni Mang Manuel. Minsan daw ay talagang naghahatid pa ito ng mga estudyante. Maaaring ito raw ang paraan para makabawi ito sa anak.

Ipinikit niya ang kanyang mata ngunit ayaw talaga siyang dalawin ng antok. Naisip niya na sana ay nakatulog pa siya ng mahaba nang nahimatay siya kanina. Paiba-iba lang ang pwesto niya sa kama at hindi pa rin siya dinadalaw ng antok.

Kinuha niya ang kanyang cellphone at inilagay sa tenga ang earphones nito, nagbabaka sakaling dadalawin na siya ng antok.

Nang malapit nang bumigay ang katawan ni Gladilyn sa antok, naramdaman niyang may pumapatak na likido sa kanyang pisngi.

Isa...

Hindi niya ito pinansin.

Dalawa...

Tatlo...

Agad na bumilis ang tibok ng puso niya at naramdaman ang pagtaas ng mga balahibo niya sa buong katawan. Pakiwari niya ay nangangapal ang kanyang ulo at may nakamasid sa kanya.

"Pakisabi kay Ginette, mahal na mahal ko siya."

Ito ang narinig niyang sinasambit ng sinumang nasa tapat mismo ng mukha niya!

"Si-sige po, para sa ikatatahimik ng kaluluwa niyo. Sasabihin ko," naluluhang tugon ni Gladilyn habang nakapikit pa rin ang kanyang mga mata. Dahan-dahang nawala ang takot na kanyang nadarama at nakadama siya ng kapayapaan sa paligid. Hindi niya namalayan na tuluyan na pala siyang nakatulog.

                                                                                   --o0o--

Kinabukasan.

Agad na kinausap ni Gladilyn ang kaklaseng si Ginette. Hindi nito napigilang umiyak sa harapan niya. Sinabi ni Ginette na mahal na mahal nito ang ama at ipinagdarasal din nito na sana ay matahimik na ang kaluluwa ng mahal nitong tatay.

Sinabi ni Gladilyn na hanggang sa kabilang buhay, mabait pa rin ang intensyon ng ama ni Ginette dahil inihatid pa siya nito pauwi. Simula noon, naging matalik na magkaibigan na sina Ginette at Gladilyn. Ipinangako rin ni Gladilyn sa sarili na sisiguraduhin na niyang lagi niyang dala ang kanyang payong.


                                                                                   --o0o--

Hanggang ngayon, sa tapat ng lumang tindahan malapit sa public library, sa tuwing may estudyanteng sumisilong dito dahil sa malakas na ulan, patuloy pa ring lumalapit ang kaluluwa ni Mang Manuel, upang tumulong maghatid sa bahay.




No comments:

Post a Comment