Saturday, 24 November 2018

Quiet Room: Touch Me Not


Based on a real story...

"Is there anything else that I can assist you with today?"
"That's all for today. Thanks for your help."
"Thank you for choosing our company. Have a great day! Bye!"

Agad na nag-logged out sa kanyang computer si Melissa (not her real name) matapos niyang sagutin ang huling tawag. Iniunat niya ang kanyang dalawang braso at humikab. Tumingin sya sa kanyang wristwatch.

"Alas-dose na pala. One hour na ang OT ko. Ayoko na. Malat na ang boses ko." Tumayo na siya at pumunta sa locker room. Nadatnan niya roon si Rico (not his real name) na katulad nya ay nag-overtime rin.

"How are your calls, Mel?" tanong ni Rico.

Same as usual. Same complaints every day! Mabuti na lang na kahit queuing, walang irate na customer!" sagot ni Melissa habang kinukuha ang toothbrush mula sa locker niya. "Ikaw, kumusta?"

"Mabuti ka pa! Sana hindi na lang ako nag-OT. Puro sup-call (supervisor-call) ang buong isang oras kong OT. Lesson learned, 'wag na 'wag mag-OT every Wednesday! Toxic!" tugon ni Rico.

Natawa na lang si Melissa. Ganito kasi talaga sa call center. Minsan, may mga araw na puro galit ang mga customer. May mga panahon ding nakakatulog na sa upuan ang mga agents dahil walang customer na tumatawag. Magdalawang-taon na sa trabaho si Melissa kaya sanay na siya sa ugali ng mga customers.

B.S. Nursing ang tinapos ni Melissa. Ngunit dahil sa hirap ng paghahanap ng trabaho sa kursong napili niya, minabuti niyang magtrabaho sa call center. Naiinis siya dahil madalas kailangan ng backer para makapasok sa government hospital. Para kay Melissa, ang mahalaga ngayon ay nakakatulong siya sa pamilya at nakakabili siya ng mga gusto niya.

"So Mel, sabay na tayo paglabas ng office," aya ni Rico.

"Hay naku, Rico. Kung parehas lang tayo ng daan, sasabay ako sa'yo. Pero going north ka tapos ako going south naman. It's better for me to stay at the quiet room. Masyado nang delikado sa daan, baka ma-rape pa ako," tugon ni Melissa. Naalala pa niya noong nakaraang linggo ay may pinagsamantalahang babae doon mismo sa kanto kung saan siya malimit dumaan.

"Are you really going to stay sa sleeping quarters? Sa quiet room?" nag-aalalang tanong ni Rico.

"Oo, and what's with that look, aber?!" tanong ni Melissa.

"Ah eh.. wala naman, pero aware ka naman na sa female quiet room ay may mga stories about.. you know," Luminga-linga pa sa paligid si Rico, "..ghosts."






Hinampas ni Melissa sa balikat si Rico,

"Rico, sobra na itong antok ko. Sa tingin mo mararamdaman ko pa ang mga multo na 'yan? Good luck na lang sa pananakot nila! Hahahaha!" natatawang turan ni Melissa.

"Sige, Mel. Aalis na ako, basta mag-ingat ka sa quiet room. Bihira lang iyong tulugan ng mga agents dahil nga sa mga kumakalat na ghost stories. See you on our next shift. Bye!"

Umalis na si Rico at dumiretso naman sa comfort room si Melissa. Habang nagsisipilyo, napaisip siya sa mga sinabi ni Rico.

"Bihira lang iyong tulugan ng mga agents dahil nga sa mga kumakalat na ghost stories.." alala pa niya ang huling sinabi ni Rico.

Naniniwala naman ako sa multo pero siguro naman sa sobra pagod ko ngayon ay hindi ko na sila marararamdaman, sa isip ni Melissa.

Matapos iyon ay naghilamos na rin siya. Nang matapos ang daily rituals niya sa banyo, tinahak na niya ang daan patungong quiet room.

"Good morning, Ma'am!" magiliw na bati ng babaeng security guard sa labas ng quiet room.

Binati nya rin ito at nginitian. Nag-logged in siya sa papel na iniabot ng guard. Sa pagkakatanda niya, 4 hours lang ang maximum stay sa quiet room to give way sa mga gusto ring makapagpahinga. Napansin ni Melissa halos kaunti lang ang mga naglogged-in sa quiet room. Ang huling natulog ay bandang alas-singko pa ng hapon.

"Ate, talagang kaunti lang pala ang natutulog dito," puna ni Melissa.

"Totoo po 'yan, Ma'am. Bihira lang po ang natutulog dito lalo na kapag gabi. Sa totoo lang po kahit siguro lumampas ng apat na oras ang stay ninyo rito ay okay lang. Wala namang gustong matulog dyan," saad ng security.

"I guess, that's good to hear. Wala palang mang-iistorbo sa akin," ani Melisssa at dumiretso na sa loob ng quiet room.

May limang double deck sa loob ng quiet room. Sa gitna ay may lamp shade na siyang nagsisilbing liwanag sa loob. Hindi ito pinapatay dahil malamlam lang naman ang liwanag na nagmumula rito.

Mas pinili ni Melissa  na matulog sa double deck na nasa dulo. Pinili niya ang itaas na bahagi dahil mas kumportable siya roon. May dala rin siyang kumot na kinuha niya rin kanina mula sa kanyang locker.

Humiga na siya sa kama at ipinikit ang kanyang mga mata. Nagtalukbong din siya ng kumot  dahil nilalamig siya.

Ramdam ni Melissa na unti-unti nang nagre-relax ang kanyang katawan. Napakatahimik din ng paligid kaya alam niyang ilang saglit na lang ay makakatulog na siya nang napakahimbing.

Nang biglang..

Agad na napabangon sa kama si Melissa. May humila ng kanyang kumot! Hindi lang ito basta hinila dahil ang kumot niya ngayon ay nasa sahig na.

Napahawak sa kanyang makabilang braso si Melissa. Bumaba siya sa double deck at dinampot ang kanyang kumot. Nagpalinga-linga rin siya sa paligid. Walang ibang tao sa loob ng quiet room. Nag-iisa lang siya sa loob nito.

Sinubukan ni Melissa na pumunta sa kabas. Nakita niyang nakatulog na sa upuan ang guard na kausap niya kanina.

"Itanong ko kaya kay ate kung may pumasok sa loob?" sa isip ni Melissa. Ngunit naisip niya na baka siya rin ang may kasalanan kung bakit nahulog ang kumot niya. Pero ramdam niya talagang may humila ng kumot. Tumama pa nga sa bewang niya ang kamay ng sinumang humila nito!

"Melissa, you're just imagining things, okay?" pilit niyang sinasabi sa kanyang sarili. Bumalik na lang siya muli sa loob ng quiet room matapos mapagpasyahang huwag na lamang abalahin ang guard.

This time sa ibaba na lang siya  ng double deck humiga at mas pinili na niya ang double deck na malapit sa pintuan.

Humiga si Melissa at ipinikit ang kanyang mga mata. Nakatulog siya ngunit pagkalipas lamang ng ilang minuto ay naalimpungatan siya.

Binuksan niya ang kanyang mga mata ngunit wala naman siyang nakitang nakakatakot na nilalang. Sinubukan niya muling pumikit. Habang nakapikit, naramdaman niyang nagbukas ang pinto. Gumaan ang pakiramdam niya dahil sa wakas may makakasama na siya sa loob. Narinig niya ang mahihinang yabag nitong palapit sa kanya hanggang sa maramdaman niyang lumayo na ito.

Nagtaka lang siya nang marinig niyang muli ang mga yabag na tila umiikot  na lamang sa kama niya. Sa puntong iyon ay unti-unti na siyang kinabahan. Ang kaninang antok na nararamdaman niya ay napalitan na ng kaba at takot. Mabigat na ang kanina'y mahihinang yabag. Sigurado siyang lalaki ang nagmamay-ari nito!

Narinig niya na tumigil ang yabag sa paanan niya. Naramdaman niyang may umihip sa kanyang tenga na siyang naging dahilan upang imulat niya ang kanyang mga mata.

Sa tulong ng liwanag mula sa lamp shade, kitang-kita niya ang isang lalaking malabo ang mukha na nakaupo sa pagitan ng kanyang mga tuhod. Malabo ang mukha nito ngaunit sigurado siyang nakangiti ito sa kanya. Napansin din niyang may pagka-kalbo ang ulo nito.

Sinibukan niyang sumigaw ngunit hindi niya magawang ibuka  ang kanyang bibig. Naalala niya ang mga ghost stories na naririnig niya. Sadyang hindi raw makagalaw ang isang tao kapag sobrang natatakot.

Mas lalong bumilis ang tibok ng kanyang puso nang hawakan siya nito sa magkabilang braso.

"Bitawan mo ako! Tulong! Tulong!" sa isip ni Melissa ngunit hindi niya ito maisigaw. Naramdaman na lang niya na hinawakan na ng nilalang ang kanyang leeg at sinimulan siya nitong sakalin.

Buong puso siyang nanalangin at pinilit ang sariling makasigaw.

"AAAAAAAHHH!" sigaw ni Melissa at buong pwersang nagpupumiglas sa kama.

"Ma'am! Ma'am! Gising po! Gising po!" ani ng guard.

"Bitiwan mo ako! AAAAAAAHHHH! Bitiwan mo ako!" pagpupumiglas ni Melissa.

"Ma'am! Binabangungot po kayo!" sigaw ng guard.

Tuluyan nang nahimasmasan si Melissa at dali-daling bumangon sa kama. Napatingin siya sa security at binigyan naman siya nito ng tubig. Ininom niya ito at sinubukang tumayo. Matapos iyon ay sabay na silang lumabas ng quiet room.

"Ma'am gusto mo dalhin kita sa clinic?" nag-aalalang tanong ng security.

"Hi-hindi na kailangan," tugon ni Melissa. Umupo muna siya sa silya sa labas ng quiet room.

"Ano po bang nangyari, Ma'am?" tanong ng security. "Narinig ko na lang po kayo na sumisigaw at nagpupumiglas, mukhang binabangungot po kayo."

"N-napanaginipan ko na may sumasakal sa akin. P-parang totoo, p-parang 'di ako nananaginip," sagot ni Melissa.

Agad namang nag-antanda ng krus ang security.

"Diyos ko po!" bulalas ng security. "Dapat nagdadasal po kayo bago matulog."

"Nakalimutan ko kasi dahil sa sobrang pagod. Pero, nagising naman ako nang nag-pray ako habang may sumasakal sa akin sa panaginip," ani Melissa.

"Dapat kasi pinabebendisyunan na ang kwartong ito."

"Ang narinig ko lang dati, may madalas daw magpakita sa isang sulok ng kwarto. Hindi ko akalaing maging sa panaginip ay bumibisita siya. Sino ba siya?"

"Nang dumating po ako rito, napag-alaman ko na Ramon daw ang pangalan ng multo. Isa raw itong dating guard ng kumpanya. Pero 'di ako sigurado, kasi alam niyo naman po na lahat ng kumpanya ay may kanya kanyang kwento ng kababalaghan. Nagkataon lang na mas nakakatakot dito," saad ng guard.

Matapos marinig iyon, tumayo na si Melissa at nagpaalam.

"Ma'am gusto mo bang magpasama sa clinic?" tanong ng guard.

"No need. Salamat. Sige, maiwan na kita," sagot ni Melissa. Agad namang nanghilakbot ang guard dahil naiwan itong mag-isa.

"Diyos ko, mga multo kayo. "Wag kayong magparamdam. Ikamamatay ko. Promise ikamamatay ko.." bulong ng security habang palayo si Melissa.

Samantala, pumunta muna sa comfort room si Melissa at naghilamos muli ng mukha. Tiningnan niya ang sarili sa salamin. Delikado na sa daan kung siya ay uuwi pa pero iniisip niyang aatakihin naman siya sa puso kung pipiliin pa niyang manatili sa quiet room.

Matapos maghilamos, pumunta siya sa locker room para kunin ang kanyang gamit. Bigla niyang naalala na naiwan niya ang kanyang kumot sa quiet room kaya naman bumalik na lang siya rito at nadatnan na wala nang nagbabantay na guard sa labas.

"Ate, nasaan ka?" tawag ni Melissa. Pumasok na lang siya sa loob ng quiet room at bahagya siyang nakaramdam ng inis nang maabutang may nakahiga sa kama. Nakatalukbong jasi ito gamit ang kanyang kumot.

"Ano ba naman ang babaeng ito! Ka-bad trip! Bakit ko pa kasi naiwan ang kumot ko?! Tsk! Ang ayoko sa lahat pinapakialaman ang gamit ko!" sa isip ni Melissa. Sinubukan niya itong gisingin.

"Miss, gising. Ginagamit mo ang kumot ko," puna ni Melissa. Hinawakan niya ang binti nito at tinapik. "Miss.. gising, akin po ang kumot na 'yan. Kukunin ko na," bahagya nang tumaas ang boses ni Melissa. "Hoy!"

Nabigla si Melissa nang biglang bumangon ang nakahiga at hinawakan siya nito sa braso. Agad na nanghilakbot si Melissa dahil ang nakahiga pala sa kama ay ang lalaking nasa panaginip niya.

"AAAAAAAAAAHHHHHH!" sigaw niya at pinilit kumawala sa napakahigpit  na kapit ng lalaki. Malabo pa rin ng mukha nito at may dalawang butas sa mukha kung saan nandun dapat ang mga mata nito. Napakalamig ng kamay nito at tila nanunuot sa kanyang kalamnan.

"Bitiwan mo ako! Biti--" sigaw ni Melissa. Nang makawala siya mula rito ay agad siyang napa-atras. Napasigaw siyang muli nang may mabangga siya mula sa kanyang likuran.

"Oh, Ma'am. Bumalik po kayo..." puna ng guard.

Nangingilid ang luha sa mga mata ni Melissa habang hawak niya ang kanyang braso.

"M-ma'am may nakita ka ba ulit?" tanong ng guard na bakas na rin ang takot sa mukha.

Napatingin muli sa kama si Melissa ngunit kumot na lang niya ang naroon.

"M-ma'am?" tanong muli ng security. Sa halip na sumagot ay lumabas na lang si Melissa. Iniwan na niya ang kumot sa quiet room at nagpalipas na lang ng oras sa convenience store sa labas ng kanilang kumpanya.





Thursday, 13 September 2018

Slow Down

Araw ng Sabado.

Kring... Kring... Kring...

Kanina pa tumutunog ang alarm Donna subalit hanggang ngayon ay nakahiga pa rin siya sa kama ay nakatitig sa kisame. Dapat excited siya sa araw na ito ngunit lahat ito ay nagbago dahil sa aksidenteng kinasangkutan niya ilang gabi na ang nakalilipas.

Tiningnan niya ang kanyang cellphone na panay pa rin ang pagtunog ng alarm.

11 AM.

Ilang oras na lang ay magsisimula na ang birthday party ng kaisa-isang lalaki na kanyang minahal, ang best friend niyang si MJ. Simula pagkabata ay mag-bestfriend na ang dalawa. Nagkahiwalay lamang sila nang lumipad ito papuntang Germany.

Ngayon lang muli sila magkikita dahil binalak ni MJ na idaos ang kaarawan sa probinsya nito sa Cavite. May lihim na pagtingin si Donna kay MJ subalit hindi niya ito nasabi dahil biglaan ang pag-alis nito papuntang Germany. Wala itong paalam at simula noon, hindi na rin ito naging active sa Facebook at maging ang pagtawag at pagte-text ay tila kinalimutan na rin nito.

"MJ, miss na kita," sa isip ni Donna at bumangon na sa kanyang kama. Naalala pa niya na tatlong gabi bago ito biglang pumunta sa Germany ay nangako pa ito na walang ibang babaeng pipiliing mapangasawa kung hindi siya. Mag-best friend raw sila at hindi na kailangan pang mag-get-to-know each other.

Tatlong araw ang nakakaraan mula ng ma-receive ni Donna ang text mula kay MJ. Naalala niyang muli ang kinasangkutan niyang aksidente.


                                                                ----------ooo------------


'Pede ka b sa sat? bday ko. 5 PM. Sa bahay handaan.'

Nang matanggap ni Donna ang mensaheng ito, hindi na siya nag-atubili pa. Makalipas ang dalawang taon na hindi pagpaparamdam ni MJ sa kanya, talagang hindi na siya nagdalawang isip pang pumayag. Inisip  niyang may dahilan kung bakit hindi nagparamdam si MJ sa kanya. At umaasa siya na kahit papaano ay may pagtingin ito sa kanya.

Nang araw na iyon, bumili siya ng regalo para rito. Hindi maalis ang napakatamis na ngiti sa kanyang mga labi. Ginamit niya ang kanyang kotse para makapunta sa pinakamalapit na Lacoste shop at doon ay binili niya ang pinakamahal na polo shirt para sa kanyang best friend.

Sa kanyang daan pauwi, dito naganap ang isang malagim na trahedya. Katatapos lang ng malakas na ulan kaya basa pa ang kalsada. Hindi napansin ni Donna ang malaking karatulang may nakasulat na: SLOW DOWN. Dahil dito, hindi niya nakita ang isang taong tumatawid.

Agad niya itong nabundol. Narinig pa niya ang halos pagkakalasog-lasog ng katawan nito sa ilalim ng kanyang kotse.

Pinahinto ni Donna ang sasakyan kasabay ng muling pagbuhos ng malakas na ulan. Mula sa sideview mirror, nakita niya ang nakadapang katawan ng taong kanyang nabundol. Hindi na ito gumagalaw. Dahil sa labis na takot, nagpalinga-linga si Donna sa paligid. Madilim ang kalsada at walang dumaran na mga sasakyan. Pikit-matang pinaharurot ni Donna ang sasakyan upang takasan ang kanyang nagawang kasalanan.


                                                                ----------ooo------------

"Argh! Donna, aksidente lang iyon, ok? Walang nakakita. Kasalanan ito ng sinumang lecheng iyon dahil hindi siya tumitingin sa daan," sa isip ni Donna.

Kumuha siya ng damit sa cabinet at pumasok na sa banyo para maligo. Kailangan niya ang lamig ng tubig mula sa shower para mapawi ang guilt feeling na kanyang nararamdaman. Kailangan niyang paghandaan ang araw na ito dahil siya na mismo ang aamin kay MJ na mahal niya ito. Hindi magiging sagabal ang nangyari nang gabing iyon para lumigaya ang love life nya.

Nang maisara ang pinto ng banyo, agad siyang nakaamoy ng kandila at isang klase ng pabango na hindi naman niya ginagamit. Agad siyang kinilabutan.

Hindi siya gumagamit ng scented candles at lalong hindi niya pabango ang kanyang naaamoy dahil masculine ang amoy nito. Sinubukan niyang hindi pansinin ang amoy. Binuksan niya ang shower para magsimula nang maligo. Pinangharang niya ang shower curtain.

Habang nakapikit at nilalagyan ng shampoo ang buhok, nabigla na lang siya nang may marinig siyang humihimig  sa loob mismo ng kanyang banyo!

"Hmmmm...hmm..hmmm...Ah..Hmmmmm...

Agad na naghilamos si Donna. Laking gulat niya nang mula sa transparent na shower curtain ay may naaninag siyang lalaki na nakaupo sa toilet bowl. Napaatras pa siya nang bigla itong tumayo at humarap sa kanya.

"W-wag kang lalapit!" sigaw ni Donna. Nakita niyang dahan-dahang hinaplos ng lalaki ang shower curtain. Patuloy pa rin ito sa pagha-hum. Sinubukan ni Donna ang kanyang tapang at siya na mismo ang naghawi ng kurtina.

Napaawang ang mga labi niya nang walang makitang kahit anong bakas ng lalaki sa likod ng kurtina.

"Ssshhhh..." Agad na napasigaw at nagtatakbo si Donna palabas ng banyo nang marinig ang mahinang bulong na ito sa likod mismo ng kanyang tenga.

"Dad! Dad! May tao sa banyo ko!" sigaw ni Donna. Agad siyang nagtapis mh tuwalya. Nang pumasok ang ama niya sa kwarto ay agad itong dumiretso sa banyo.

"Anak, nasaan ang manyak?" humahangos na tanong ng tatay niya habang hawak-hawak ang isang baseball bat. Sinuyod nito ang buong kwarto ni Donna ngunit wala itong nakitang kahit sino.

Napayapos na lang si Donna sa kanyang tatay. Hindi niya alam kung sasabihin niya rito na maaaring multo ang kanyang nakita.

Takot siyang aminin sa sarili na maaaring minumulto siya ng sinumang nasagasaan niya noong isang gabi.

"Ayos ka lang ba, anak?" tanong ng ama ni Donna.

"Ah..eh.. opo," sagot naman ni Donna.

"Tuloy ka ba mamaya kina MJ? I-text mo muna kung tuloy ang birthday party niya," nag-aalalang suhestyon ng kanyang tatay.

Napaisip tuloy si Donna. Ang huli text na kanyang natanggap mula kay MJ ay noong nakaraang tatlong araw pa.

"Ah..Dad.. ite-text ko na lang po ulit si MJ. Tmutupad naman po iyon sa usapan. Kung cancelled man, eh 'di sana nag-text na po siya sa akin," saad ni Donna.

Matapos ang kanilang pag-uusap, lumabas na ng kwarto ang kanyang tatay at ipinagpatuloy naman niya ang naudlot na pagligo.







                                                                ----------ooo------------


Kanina pa naiinip sa loob ng kanyan kotse si Donna habang naghihintay na umusad ang trapik sa Emilio Aguinaldo Highway.

"Ano ba 'yan? Kung kailan Sabado, saka naman traffic!" bulalas ni Donna sa loob ng kotse. Ilang saglit pa, may ambulansyang dumaan sa gilid ng sasakyan ni Donna kasunod ng ilang patrol ng police.

Nagkaroon ng aksidente sa pagitan ng isang bus at kotse kaya hindi makausad ang trapiko. Napakamot na lang sa kanyang ulo si Donna. Kung kailan nagmamadali, saka naman siya inabutan ng isang aksidente.

Panay an sulyap niya sa orasan ng kanyang kotse. Matagal na rin siyang naghihintay sa kahabaan ng E.A. Highway kaya naman naisipan niyang mag-U turn at dumaan sa isang shortcut na itinuro sa kanya noon ni MJ. Hindi pa niya masyadong gamay ang shortcut na ito pero ayaw naman niyang mahuli sa mahalagang araw ng kanyang best friend.

Pinasok niya ang isang kalye na hindi pa sementado at tinahak ang isang daan na pangalawang beses pa lang niya nadaraanan. Nawala na sa paningin niya ang maiingay na sasakyan at bumungad ang isang lugar na masukal at maraming puno saan ka man lumingon. Hindi niya tuloy maiwasang makaramdam ng kaba sa dibdib. Pinatugtog na lang niya ang radio sa kotse at pilit pinakalma ang sarili.

Tila nag-iisa lang siya sa daan na kanyang tinatahak. Nagtaka si Donna nang biglang nagkaroon ng static effect ang radio at tuluyang nawala ang signal nito.

Ilang beses niyang pinindot ang button nito ngunit hindi na ito muling nabuhay pa. Natigilan na lang siya sa kanyang ginagawa nang maamoy niyang muli ang kandila at ang pabangong minsan na niyang naamoy.

Unti-unting bumilis ang tibok ng puso ni Donna. Naramdaman din niya ang pangangapal ng kanyang batok na tila may nakatingin mula sa kanyang likuran. Sumilip siya sa rear view mirror at nakita niyang ang tanging naroon lang ay ang kahon ng regalo niya para kay MJ.

Inapakan niya ang preno at ikinonekta muna ang kanyang cellphone sa player ng sasakyan para magpatugtog.

Yesterday, all my troubles seemed so far away..

Nakaramdam tuloy ng pangungulila si Donna. Paboritong banda kasi ni MJ ang kumanta ng awiting ito. Tila akma ito sa naramdaman niya sa mga nakalipas na taong hindi niya nakasama si MJ.

...Now it looks as though they're here to stay..oh, I believe in yesterday...

Nakakita si Donna ng isang matandang lalaki sa tabi ng daan at naisipan niyang magtanong dito.

Why she had to go? I don't know, she wouldn't say..

Pinatigil niya ang musika sa loob ng kanyang sasakyan. Huminto siya sa tapat ni Manong at tinanong niya rito kung saan ang tamang daan.


"Dumiretso ka lang, Miss. Tapos subdivision na ang matutumbok mo. Lumiko ka sa kanan at maaaring makita mo na ang hinahanap mo," paliwanag ni Manong.

"Maraming salamat po," tugon ni Donna at sinunod niya ang utos ni Manong. Ngunit bago pa siya makaliko sa subdivision ay tumirik na ang kanyang sasakyan kasabay nang pag-alingasaw ng pamilyar na amoy ng kandila at pabango.

"Oh God! Please tumigil ka na! Kung sino ka man, sorry na. H-hindi ko sinasadya," sambit ni Donna. Dahan-dahan siyang sumulyap sa rearview mirror at nanlaki ang kanyang mga mata nang may makita siyang lalaki na nakaupo sa kanyang likuran.

"Aaaahhh!" sigaw ni Donna at tinangkang buksan ang pinto ng sasakyan. "No! Stay away from me!" sigaw ni Donna ngunit hindi niya mabuksan ang pinto. Agad siyang nangilabot nang bigla niyang naramdaman ang pagyakap sa kanya ng lalaki mula sa kanyang likuran.

Nakalamig nga mga braso nito at ramdam ni Donna ang kalungkutan na nagmumula sa multo. Sa puntong iyon ay nagsimula na namang mag-hum ang multo.

"Hmmm...Hmmm...Ah...Hmmm..."

Hindi na napigilan ni Donna ang pagpatak ng kanyang mga luha dahil sa takot. Na-realize niya na ang hina-hum ng multo ay ang kantang pinatugtog niya kanina.

"Sorry, sana mapatawad mo ako. Hindi ko ginustong sagasaan ka. Sorry kung tinakasan kita. Sorry na. Please, 'wag mo na akong takutin. May kailangan pa akong puntahan." Hindi na napigilan ni Donna ang kanyang paghagulgol.

Nabigla siya nang humagulgol din ang multo na nakayakap sa kanya.

"Ssshhh.. Pinapatawad na kita.. Ich liebe dich.." bulong ng multo at unti-unti itong naglaho.

Sumulyap muli si Donna sa rearview mirror at nakita niyang wala na ang multo. Mag-isa na siyang muli sa loob ng sasakyan. Agad niyang pinaharurot ang kotse at tinahak ang direksyon na itinuro ni Manong kanina.

Nang makarating si Donna sa bahay ni MJ, ganoon na lamang ang kanyang pagtataka. Maliwanag ang bahay at maraming lamesa sa labas. Lubha siyang napaisip nang mapansin ang mga kakatwang bulaklak na nakapalibot din sa labas.

Animo'y hindi isang kaarawan ang ipinagdiriwang sa bahay, kundi isang ipinagluluksang lamay.

Itinigil ni Donna ang kanyang sasakyan at bumaba rito bitbit ang regalo niya para kay MJ. Bago pa siya makalapit sa gate ay nakita na siya ng kapatid ni MJ.

"Ate Donna!" sigaw nito at humahagulgol itong yumakap sa kanya.

"Oh, Camille! A-anong nangyari? Nasaan si MJ?" nagugulumihanang tanong ni Donna.

"A-ate.. Si-si Kuya.. Si Kuya!" paghagulgol muli ni Camille. Ipinatong ni Donna sa lamesa ang regalo niya at hinaplos sa likod ang kapatid ni MJ.

"A-anong nangyari?" unti-unti na ring nangangatal ang kanyang boses. Ayaw niyang tanggapin ang kanyang naiisip.

Hinawakan ni Camille ang kanyang kamay at pumasok sila sa loob ng bahay.

Agad na nanlambot ang mga tuhod ni Donna nang makita ang malamig na bangkay ni MJ na nakahiga sa isang puting kabaong. Mabuti na lang at nahawakan agad siya sa balikat ni Camille dahil kung hindi, malamang ay bumagsak na siya sa sahig. Tuloy-tuloy na rin ang pagpatak ng kanyang luha.

"H-hindi... Hindi ito totoo! A-anong nangyari? Kailan pa ito? Bakit 'di nyo sinabi?!" Nagpatuloy sa pag-iyak si Donna at niyakap siya ni Camille na lumuluha na rin.

Inakay siya ni Camille papunta sa pinakamalapit na upuan. Lumapit ang Mama ni MJ at tumabi sa kanya matapos niyang mahimasmasan.

"Tita, a-ano pong nangyari kay MJ?" tanong ni Donna.

"Pumunta kami sa Germany para ipagamot ang kanyang bone cancer. Hindi na niya sinabi sa'yo dahil ayaw niyang mag-alala ka pa. Mahal na mahal ka ng anak ko," panimula ng Mama ni MJ.

Mas lalong umiyak si Donna nang marinig ang mga iyon mula sa ina ni MJ.

"Nag-improved ang kalagayan ng anak ko kaya bumalik kami sa Pinas upang sana ay idaos ang kaarawan niya," sabi ng Mama ni MJ.

Tumayo si Donna at kinuha ang regalo niya para kay MJ. Lumapit siya sa kabaong nito habang nakikinig pa rin sa kwento ng ina nito.

"Ano pong nangyari kay MJ?" tanongi Donna. "Dahil po ba ito sa sakit niya?"

Tinitigan niya ang mukha ni MJ mula sa salamin ng kabaong. Maamo at napakagwapo pa rin ng hitsura nito. Halos magunaw ang mundo ni Donna. Dahil hindi niya muli pang maririnig ang maganda nitong boses o mahahagkan man lang ang mapupula nitong mga labi.

Tumayo ang ina ni MJ at lumapit kay Donna.

"Nasagasaan siya. Ilang araw na rin ang nakakaraan.." bulong ng ina ni MJ.

Hindi nakakilos si Donna nang marinig ang tugon ng ina ni MJ.

"Nang makarating kami rito, sinubukan niyang pumunta sa inyo ngunit na-hit-and-run siya. Hindi na namin sinabi sayo dahil ayaw niyang mag-alala ka. Ayaw niya nasasaktan ka, Donna. Pagkasabi nito ay hindi na napigilan ng ina ni MJ ang mapaluha.

Hindi nakaimik si Donna at unti-unting dumilim ang kanyang paningin.

"Kung naisugod siguro siya agad sa hospital, malamang buhay pa ang anak ko. Sana makonsensya ang sinumang gumawa nito sa kanya. Akala ko cancer ang magiging dahilan ng pagkamatay niya, iyon pala isang aksidente. Sana hindi ko na lang siya pinauwi rito. Sana buhay pa ang anak ko!" iyak ng ina ni MJ.

Lumayo si Donna sa kabaong ni MJ at agad niyang naamoy ang pamilyar na amoy ng kandila at ang pabangong panlalaki. Naalala niya ang pagpaparamdam ng multo na nasagasaan niya.

"Paboritong pabango ito ni Kuya MJ," ani ni Camille habang nag-i-spray ng pabango sa kabaong.

"Ate, okay ka lang ba?" tanong ni Camille. Napansin nito ang kanyang pamumutla.

"I'm sorry, MJ!" bulong ni Donna bago siya tuluyang bumagsak sa sahig at nawalan ng malay.







Raindrops

Isinarado ni Gladilyn ang librong binabasa niya tungkol sa Human Anatomy. Kanina pa kasi sumasakit ang ulo niya dahil sa mga binabasang medical terms.

Lumapit sa kanya ang librarian na naging ka-close niya dahil sa lagi niyang pagbisita sa public library ng kanilang munisipyo.

"Oh, iha? Kumusta ang pagbabasa mo? Ang sipag mo talagang bata ka," ani Manang Viva. May suot itong salamin at maputi na ang buhok na laging nakapusod. Tantya ni Gladilyn ay nasa late 60's na ang matanda.

"Naku, Manang este Teacher Viva, dinudugo na nga po ako rito dahil sa mga binabasa ko. Sasabog na po yata ang utak ko. Overloaded na!" ani Gladilyn.

Teacher Viva ang gustong palayaw ni Manang dahil ilang taon din itong naging guro at principal sa karatig na public school. Nagdesisyon na lang itong maging librarian para kahit retiro na ito sa kanyang propesyon ay kapiling pa rin nito ang mga libro.

"Glad, masamang pinipilit ng sariling mag-aral. Mas maganda kung relax ang isip natin. Bumalik ka nalang muli bukas para mag-aral. Lagi naman akong nandito," suhestyon ni Manang Viva.

"Salamat, Teacher. Sige po, after class ulit. Mabuti nga po at 8 AM to 3 PM ang klase ko para may time pa akong bumisita. Iniisip ko nga po na sa susunod na taon, kapag nagdu-duty na kami sa hospital ay baka bihira na po akong makabisita rita," ani Gladilyn.

Napangiti naman ang matanda. Natutuwa ito sa angking kasipagan ni Gladilyn.

"Iha, mag-iingat ka sa pag-uwi. Mukhang uulan. May payong ka bang dala?" tanong ni Teacher Viva.

"Opo, Teacher. Nasa loob ng bago ko," sabay turo sa kanyang backpack.

"Oh siya, sabay na tayong lumabas. Magsasara na ako dahil pasadong alas-singko na," sambit ng matanda at inayos na nito ang sariling gamit. Magkasabay na lumabas ng library ang dalawa.

Sabay mang lumabas, magkabilang landas naman ang tatahakin ng dalawa pauwi. Walking distance lang ang bahay ni Gladilyn samantalang si Teacher Viva ay kailangan pang sumakay ng tricycle sa paradahang malapit sa library.

"Teacher Viva, mag-iingat po kayo pauwi," magiliw na paalam ni Gladilyn at kinawayan pa niya ito.

"Ikaw rin, Glad. Pagpalain nawa ng Diyos ang iyong pag-aaral. Oh siya, paalam na," tugon ng matanda at naglakad palayo.

Masayang naglakad si Gladilyn. Nagmamadali niyang binuksan ang kanyang backpack ngunit nang hindi niya makapa ang payong ay patakbo siyang sumilong sa malapit na saradong tindahan.

Kinakabahan siya habang kinakapa ang loob ng backpack niya. "Nasaan na ang payong ko? Iniwan ko ito sa loob!" giit ni Glad sa kanyang sarili.

Inalala niya kung saan niya inilagay ang kanyang payong. Natatandaan niyang sabay silang pumasok ng kanyang kuya dahil parehas sila ng pinapasukang university. Hiniram nito kaninang lunch break ang payong niya. Pero hindi niya matandaan kung ibinalik nga ba nito iyon.

"Hays! Bad trip si Kuya! Hindi ibinalik ang payong ko! Paano ako makakauwi nito?" bulalas ni Gladilyn. Ayaw naman niyang sumugod sa ulan. Susubukan na lang niyang mag-abang ng tricycle. Ang problema nga lang, nagsasakay lang ang mga tricycle sa paradahan o kaya ay sa waiting shed. Tinanaw ni Glad ang waiting shed na malapit sa kanya.

Malayu-layong takbuhan pa ito. Sa oras na takbuhin niya ito ay paniguradong tutluyan na siyang mababasa pati na rin ang notes na nasa bag niya bago pa siya makarating dito.

"Bakit pa kasi ako inabutan ng malakas na ulan?" himutok ni Gladilyn sa sarili.

Dumidilim na ang paligid at hindi pa rin hunuhupa ang malakas na ulan. Nilalamig na siya sa kanyang kinatatayuan. Hindi niya tuloy mapapanood ang inaabangang primetime teleserye bago mag-balita.

Nagpalinga-linga siya sa paligid at napagtantong nag-iisa lang siya sa bahaging ito ng kalsada.

Habang ikinikiskis niya ang sariling palad sa braso ay natanaw niya mula sa malayo ang isang papalapit na pigura. Sa sobrang lakas ng ulan, halos zero visibility na kapag tumingin ka sa malayo. Nakaramdam ng matinding kaba si Gladilyn nang unti-unting luminaw sa kanyang paningin ang papalapit na pigura.

Isang payong. Isang lumulutang na itim na payong!

Napapikit na lang si Gladilyn nang ilang dipa na lang ang layo nito mula sa kanya. At ipinangako niya sa kanyang sarili na tatakbo siya ng mabilis kung lalapit pa ito sa kanya. Mabasa na ang lahat ng mababasa huwag lang siyang atakihin sa puso dahil sa makikita niya.

Ilang saglit pa ay nilingon muli ito ni Gladilyn. Nawala ang kaba niya nang mapansing may naghahawak pala sa itim na payong. Naka-maong ang lalaki at itim din ang suot kaya hindi niya ito napansin kaagad.

"Iha, taga-saan ka? Gusto mo bang ihatid kita?" tanong ng lalaki. Malat ang boses nito at malagong. Pamilyar ang boses nito ngunit hindi niya maaninag  ang mukha ng lalaki dahil sa madilim na rin ang paligid. Hindi na rin umaabot sa kanya ang ilaw sa poste na nasa kabilang kalsada.

"Ah.. eh..'wag na lang po," tugon ni Gladilyn. Kahit na pamilyar pa ang boses nito, ayaw pa rin niyang magtiwala dahil delikado na sa panahong ito.

"Iha, nilalamig ka na. Anak ka ni Ramiro, 'di ba? Doon din ang daan ko kaya halika na," aya ng lalaki.

"Ah..eh..si-sige po," tugon ni Gladilyn. Pumayag siya nang mapagtantong kilala nito ang kanyang ama. Marahil kakilala nga ito ng kanyang pamilya. Ayaw na niyang magpaka-choosy pa dahil ayaw niyang mabasa sa ulan.







Matapos ang kanilang pag-uusap, sumukob na siya sa payong ito at naglakad na sila pauwi.

"Manong, paano po ninyo nakilala ang tatay ko? Sino po kayo?" tanong ni Gladilyn.

Mas lalong bumuhos ang ulan kaya naman hindi maiwasang mabasa na rin ang braso ni Gladilyn.

"Kumapit ka sa akin," utos ng lalaki. Agad na kumapit si Gladilyn sa braso ng lalaki at ramdam niya na malamig ang braso nito katulad ng sa kanya.

Agad na sumilay ang ngiti sa labi ni Gladilyn nang matanaw ang berde nilang gate. Mabuti na lang at may sarili siyang susi nito kaya agad siyang makakapasok dito. May silong din sa gate nila kaya hindi na kailangan na ihatid pa siya ni Manong sa mismong pintuan ng bahay nila.

"Manong, mabuti po at dumaan kayo sa pwesto ko kanina. Saan po kayo galing?" pangungulit ni Gladilyn.

"Susunduin ko sana ang aking anak. Pero wala na pala siya. Ikaw na lang ang inihatid ko para makabawi man lang ako sa kanya," tugon ng lalaki.

"Saan po pumapasok ang inyong anak?" College na rin po ba siya?" tanong ni Gladilyn.

Tahimik lang ang lalaki at hindi nagsalita. Dahil doon ay hindi na nangulit pang muli si Gladilyn.

Nang nasa tapat na sila ng gate, lubos siyang nagpasalamat sa estrangherong naghatid sa kanya.

"Maraming salamat po, Manong," aniya sa pilit pa ring inaaninag ang mukha ng lalaki ngaunit hindi niya talaga ito makita.

"Ginette. Ginette ang pangalan ng anak ko," tugon ng lalaki. Inalala pa ni Gladilyn kung may kakilala siyang Ginette.

Ah, tama. Siya ang kaklase kong tahimik at medyo suplada. Hindi kami close, sa isip ni Gladilyn. Natutuwa si Gladilyn dahil mabait pala ang ama ng kaklase niyang iyon kahit ito ay suplada.

"Sige, Manong. Dito na po ako, huh?! Thank you po ulit! Sa uulitin!" paalam ni Gladilyn at bago tumalikod ang lalaki ay may sinabi pa ito sa kanya.

"Pakisabi kay Ginette, mahal na mahal ko siya." Matapos magpaalam ay tuluyan na itong umalis.

Nang buksan ni Gladilyn ang gate, lumingon siyang muli para makita ang lalaki ngunit agad na itong naglaho.

"Nasaan si Manong?" Tanong ni Gladilyn sa kanyang sarili.

Pumasok siya sa bahay at inabutang nanonood ng TV ang kanyang kapatid habang naghahanda naman ng hapunan ang kanyang ina. Samantala, alas-nuebe pa naman ng gabi ang dating ng kanyang tatay.

Agad niyang hinampas sa balikat ang Kuya Gladwin niya.

"Aray! Bakit naman?" gulat na tanong ng kapatid nito.

"Kuya, bakit mo kinuha ang payong ko? Nabasa ako ng ulan! Paano kung nabasa rin ang mga gamit ko? Ang dami ko pa namang isinulat kanina sa school," paghihimutok ni Gladilyn.

"Oh, kayong magkapatid, huwag na kayong mag-away. Halina kayo at kakain na. Magbihis ka muna, Glad," sabi ng kanyang ina. Lumapit si Glad sa ina at nagmano.

"Nakauwi ka naman, 'di ba?" puna ng kapatid na patuloy pa ring nanonood ng TV.

"Mabuti na lang at may naghatid sa akin," sagot ni Glad.

Napatingin naman ang kanyang kapatid at ina sa kanya. "Boyfriend?" magkasabay na tanong ng dalawa.

"Ngek? Hindi. Tatay po ng kaklase kong si Ginette. Mabuti at mabait si Manong," sagot ni Gladilyn.

"Si-si Ginette Ramos ba ang tinutukoy mo?" garalgal na tanong ng kuya niya. Natawa naman si Gladilyn sa tono ng boses ng kanyang kapatid.

"Bakit kuya, trip mo ba si Ginette?" tanong ni Glad. Pinatay ni Gladwin ang TV at lumapit sa kapatid.

"Kung si Ginette Ramos ang tinutukoy mo, patay na ang ama niya!" bulalas ni Gladwin.

Napataas naman ang kilay ni Gladilyn. Tiningnan niya ang kanyang ina ngunit maging ito ay parehas din ng reaksyon ng kanyang kuya. Dahil doon ay nakadama ng labis na kaba sa dibdib si Gladilyn.

"Ma? Totoo ba ang sinasabi ni Kuya?" tanong niya sa ina.

"Diyos ko, isang buwan nang patay si Manuel. N-nabalitaan ko na susunduin sana nito ang anak niya. Ngunit pagtawid ng kalsada malapit doon sa library ay nahagip ito ng kotse. Hindi na ito umabot pa sa hospital," sagot ng ina at napayakap na lang kay Glad.

Hindi na napigilan pa ni Gladilyn ang kanyang pagluha dahil sa takot na kanyang nadama.

Imposible! Imposibleng patay na ang nakausap at naghatid sa akin kanina! Paano nangyari iyon? sa isip ni Gladilyn.

Naalala niya ang malamig na braso ng lalaki kanina. Kaya pala hindi niya maaninag ang mukha nito ay dahil matagal na itong patay.

Dahan-dahang nanghina ang tuhod niya. Agad namang nahawakan ng kanyang kapatid at ina ang ulo niya bago pa siya tuluyang bumagsak sa sahig.

Nakahiga na sa kama si Gladilyn. Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga nangyari. Nang mahimasmasan siya kanina, wala siyang ganang kumain. Ipinaliwanag sa kanya ng kapatid niya na lagi nga raw may nakikitang multo sa tapat ng tindahan kung saan niya nakita ang multo ni Mang Manuel. Minsan daw ay talagang naghahatid pa ito ng mga estudyante. Maaaring ito raw ang paraan para makabawi ito sa anak.

Ipinikit niya ang kanyang mata ngunit ayaw talaga siyang dalawin ng antok. Naisip niya na sana ay nakatulog pa siya ng mahaba nang nahimatay siya kanina. Paiba-iba lang ang pwesto niya sa kama at hindi pa rin siya dinadalaw ng antok.

Kinuha niya ang kanyang cellphone at inilagay sa tenga ang earphones nito, nagbabaka sakaling dadalawin na siya ng antok.

Nang malapit nang bumigay ang katawan ni Gladilyn sa antok, naramdaman niyang may pumapatak na likido sa kanyang pisngi.

Isa...

Hindi niya ito pinansin.

Dalawa...

Tatlo...

Agad na bumilis ang tibok ng puso niya at naramdaman ang pagtaas ng mga balahibo niya sa buong katawan. Pakiwari niya ay nangangapal ang kanyang ulo at may nakamasid sa kanya.

"Pakisabi kay Ginette, mahal na mahal ko siya."

Ito ang narinig niyang sinasambit ng sinumang nasa tapat mismo ng mukha niya!

"Si-sige po, para sa ikatatahimik ng kaluluwa niyo. Sasabihin ko," naluluhang tugon ni Gladilyn habang nakapikit pa rin ang kanyang mga mata. Dahan-dahang nawala ang takot na kanyang nadarama at nakadama siya ng kapayapaan sa paligid. Hindi niya namalayan na tuluyan na pala siyang nakatulog.

                                                                                   --o0o--

Kinabukasan.

Agad na kinausap ni Gladilyn ang kaklaseng si Ginette. Hindi nito napigilang umiyak sa harapan niya. Sinabi ni Ginette na mahal na mahal nito ang ama at ipinagdarasal din nito na sana ay matahimik na ang kaluluwa ng mahal nitong tatay.

Sinabi ni Gladilyn na hanggang sa kabilang buhay, mabait pa rin ang intensyon ng ama ni Ginette dahil inihatid pa siya nito pauwi. Simula noon, naging matalik na magkaibigan na sina Ginette at Gladilyn. Ipinangako rin ni Gladilyn sa sarili na sisiguraduhin na niyang lagi niyang dala ang kanyang payong.


                                                                                   --o0o--

Hanggang ngayon, sa tapat ng lumang tindahan malapit sa public library, sa tuwing may estudyanteng sumisilong dito dahil sa malakas na ulan, patuloy pa ring lumalapit ang kaluluwa ni Mang Manuel, upang tumulong maghatid sa bahay.




Wednesday, 12 September 2018

Bus Stop

Nagmamadaling naglalakad si Avegail sa kalagitnaan ng napakalakas na buhos ng ulan. Ginabi na sila ng pagpa-practice ng kanilang sayaw para sa taunang Cultural Activity na gaganapin sa susunod na linggo.

Bujod sa napakaistrikto ng kanilang dance instructor, nagdagdag pa ito ng panibagong dance steps para sa sayaw nilang Singkil. Araw-araw ay pagod na pagod si Avegail at ang mga kaklase niyang kasali rin sa sayaw.

Kanina lang ay napagalitan siya dahil lamang sa napakaliit na pagkakamali. Kung hindi lang niya kailangan ang points para sa extracurricular activities ay matagal na siyang nagback-out sa pagsasayaw. Kabilang siya sa Top 10 ng klase at alam niyang ang pagsali sa mga ganitong activities ay may dagdag na puntos din bukod sa academics. Dama ni Avegail ang hirap ng isang graduating student sa high school.

Nang matanaw nya ang bus stop ay agad na sumilay ang ngiti sa mga labi niya. Ngunit agad ding nawala ang ngiting iyon nang makita niya ang oras sa kanyang wristwatch.

"Putek naman oh! Alas-dose na ng gabi. May bus pa kaya pauwi sa amin?" bulalas ni Avegail sa kanyang sarili. Nagpadala na siya ng message sa kanyang kapatid na nasa kanilang bahay ngunit hindi pa ito nagre-reply.

Nagpaalam naman siya sa kanyang kuya na maari  siyang gabihin. Sinabihan na niya ito kanina na magpapasundo siya kapag inabot siya ng dis-oras ng gabi ngunit hindi naman ito nagte-text o tumatawag man lang. Mas lalo tuloy niyang na-miss ang kanyang ina na mas ninais magtrabaho sa ibang bansa.

Iniwan kasi sila ng kanilang ama para sa ibang babae. Hanggang ngayon, may galit parin siya sa kanyang tatay. Hindi niya alam kung kailan niya ito mapapatawad o kung mapapatawad pa ba niya ito. Pero kahit na ganito ang nararamdaman niya, hindi parin niya magawang itapon ang kwintas na iniregalo sa kanya nito. Sa kaibuturan ng kanyang puso, umaasa pa rin siyang babalik pa rin ito.

Sinubukan niyang tawagan muli ang kuya niya ngunit out-of-coverage area ang cellphone nito.

"Ano ba naman, kuya? Makisama ka! Tsk!" niya sa sarili.

"Hindi na nga nakikisama ang panahon, pati rin ba ikaw, Kuya?" Tumingala siya sa langit.

"Ulan! Tumigil kana! Lord, please naman oh!"

Basang-basa na ang kanyang damit nang makarating siya sa bus stop. Maging ang dala niyang paper bag kung saan nakalagay ang kanyang uniporme ay nabasa na rin.

Tumingin siya sa kaliwang lane ngunit walan dumadating na bus o kahit na anong uri ng sasakyan. Ipinalangin na lang niya na sana nagising ang kanyang kuya at nahiram ang kotse ng kapitbahay nilang ka-close nila.

"Mabuti na lang at weekend bukas at ala-una pa ang practice namin. Sana naman makauwi ako," aniya sa sarili. Pinipilit niyang kausapin ang sarili para mabawasan ang takot na unti-unting namumuo sa kanyang dibdib.

Luminga-linga siya sa paligid.

Nag-iisa lamang siya sa Bus stop. Patuloy pa parin ang pagbuhos ng malakas na ulan at giniginaw na siya sa lamig. Mabuti na lamang at walang kulog at kidlat sa kalangitan. Naisip niya tuloy na kung hindi lang sana sila nag-away ng BFF niya ay siguradong may kasabay sana siya pauwi.

Nainis kasi ito sa kanya ng mataasan niya ito ng rank sa klase. Ikinalungkot naman niya ito dahil napaka-nonsense ng naging dahilan ng kanilang tampuhan. Hindi niya alam na pati ang competition sa klase ay pinersonal nito.

Nasa gitna siya ng pag-iisip nang biglang tumigil ang pagbuhos ng ulan. Tanging ang mahihinang patak ng tubig na lamang mula sa bubong ng bus stop ang nanririnig ni Avegail. Lumakas din ang huni ng mga kuliglig at kung anumang insektong nasa paligid. kakaibang ginaw ang unti-unting bumalot sa katawan ng dalaga.

"Grrr!" Panay na ang himas niya sa kanyang braso sa pagbabakasakaling kahit papaano'y iinit ang kanyang pakiramdam.

Tiningnan niyang muli ang orasan. 12:20 AM

Dalawampung minuto na siyang naghihintay sa bus stop ng walang kasiguraduhan kung may bus pa bang dadaan o kung susunduin pa ba siya ng kanyang kuya. Ayaw naman niyang matulog sa bus stop dahil siguradong magkakasakit siya sa lamig. Isa pa, mas lalong ayaw niyang mag-mukhang pulubi.






Hindi rin niya kayang lakarin ang daan pauwi dahil bukod sa masakit na ang katawan niya ay malayu-layo rin ang kanilang bahay. Gustong-gusto na niyang makahiga sa malambot niyang kama. Ilang saglit pa, napatingin na lang siya sa suot niyang kwintas.

"Dad, dapat kasi di mo na kami iniwan. Nakakainis ka!" himutok niya sa kanyang sarili. Inikot-ikot pa niya ito sa kanyang daliri.

Mga ilang minuto pa ang lumipas nang may dumaang motorsiklo. Nakadama ng kaba si Avegail dahil batid niyang laganap ang mga holdaper tuwing dis-oras ng gabi. Dahil dito, naghanap siya ng maaaring maipanlaban dito ngunit tanging ang bagong tasang lapis lamang ang nakita niya sa kanyang bag.

Tumigil ang motorsiklo sa harapan niya ngunit agad na nakatawag ng kanyang pansin ang matandang babaeng naka-angkas sa likuran.

"Magandang gabi, Ineng. Mukhang pauwi ka pa lang. Delikado na sa daan. Tara na at ihahatid na kita. Umangkas ka na lang sa akin. Taga-saan ka ba?" aya ng may-ari ng motorsiklo. Mukhang nasa edad 30 na ito. Mabait naman ang tono ng boses ng driver ngunit ayaw niyang magbakasali.

"Never trust a stranger," yan ang motto ni Avegail.

"Salamat na lang po, Manong. Pero padating na po ang Kuya ko," pagsisinungaling ni Avegail. Napatingin siya sa matandang naka-angkas dito. Gulo-gulo ang buhok nito at kulay itim ang tila baro't-saya nitong suot.

"Ano namang drama ni Lola? Bad hair day ang peg?" sa isip niya. Kakaiba ito sa kanyang paningin ngunit inisip na lang niya na baka nanay ito ng driver.

"Naku, iha. Mag-ingat ka. Alam mo naman na madaming masasama ang loob dito. Hindi naman sa tinatakot kita pero may nagmumulto kasi sa bus stop na ito. Mahirap na, baka makita mo pa," ani Manong.

"Asar ka rin, Manong! Tinakot mo pa talaga ako eh!" bulong niya sa kanyang sarili at nginitian na lang niya ito.

"Basta iha, mag-iingat ka. Mag-isa ka lang. Kapag may nakita akong taxi, sasabihin kong nandito ka," ani Manong. Napasulyap pa ito sa braso ni Avegail.

Napahawak naman agad siya sa kanyang suot na relo. "Naku baka kunin pa ni Manong ang relo ko," bulong niya sa sarili.

"Iha, itago mo ang relo mo," seryosong babala ni Manong.

"B-bakit po?" tanong ni Avegail.

"Basta gawin mo na lang. Wala namang mawawala," sagot ni Manong.

Biglang nagtaka si Avegail. Napansin niyang nakatungo pa rin sa likuran ng motor si Lola. Tahimik at walang kibo.

"Buti pa si lola, tahimik lang. Dapat pagsabihan nya ang anak niya. Nakakatakot mag-approach. Parang kriminal!" sa isip niya.

"S-sige po, Manong. Tatawagan ko lang po ulit ang kuya ko," pagsisinungaling niya. Isa rin itong paraan para maputol na ang usapan nila ni Manong. Nag-dial siya kunwari sa kanyang cellphone at inilagay ito sa kanyang tenga.

"Sige, iha, Mag-iingat ka. Alis na ako," paalam ni Manong.

Napaatras si Avegail nang mapansing nakatingin na sa kanya ang matanda. Napakapula ng mga nito at nakalabas pa ang maiitim nitong mga ngipin.

"Kaloka! Mana ata sa kanyang ina si Manong! Parehong may toyo sa utak! Bakit ganun, tumigil nga ang ulan, may nakita naman akong mga baliw!? Ang malas naman ng araw na ito," sa isip ni Avegail.

Umihip ang malakas na hangin at mas lalong nilamig si Avegail sa kanyang kinatatayuan. Kung anu-ano na ring masasamang ideya ang nagsimulang maglaro sa kanyang isipan.

Paano kung may biglang sumulpot na psychopath at bigla siyang gahasain at patayin? Baka bukas ay maging laman na siya ng frontpage ng bawat dyaryo.

"Wag naman po sana.." bulong niya sa kanyang sarili.

 "Apo, anong oras na?" Nagulat si Avegail nang marinig ang isang boses na nagmumula sa kanyang tabi. Napatingin naman siya sa kanyang relo.

"Ano na po, mag-aala-u.." Hindi na natapos pa ni Avegail ang kanyang sasabihin. Agad siyang napaatras nang lingunin niya kung sino ang nagtanong ng oras sa kanya.

"Apo.. anong oras na?" Sa puntong iyon ay mas nakakapangilabot  na ang tono ng boses ng kaharap niya.

Napa-awang ang mga labi ni Avegail. Hindi niya sukat-akalain kung paano nangyaring katabi na niya ngayon ang matandang kanina lamang ay nasa likuran ni Manong.

Humakbang palapit sa kanya ang matanda. Magulo ang buhok ng matandang babae na halos matakpan  na ang mukha nito. Sa kabila nito ay kapansin-pansin pa rin ang pamumula ng mga nanlilisik nitong mga mata.

"Aaaaahhhhhh!" sigaw ni Avegail. Ngunit pagtalikod niya ay agad siyang nagimbal ng hawakan nito ang kanyang braso.

"Uulitin ko, anong oras na?!" sigaw ng matanda. Napatingin si Avegail sa mga maiitim nitong kuko. Ngayon nya lang napagtanto na hindi pala nakasayad sa lupa ang mga paa ng matanda.

"Bitiwan mo ako! Bitiwan mo ako!" sigaw ni Avegail.

Ngunit mas lalo lamang hinigpitan ng matanda ang pagkapit sa kanyang braso. Tila bumabaon na ang mga kuko nito sa braso niya.  Maitim ang braso nito at mauugat.

"Hahahaha!" isang nakakakagimbal na tawa ang umalingawngaw mula sa bibig  ng matanda. Samantala,pilit pa rin namang tinatanggal ni Avegail ang pagkakapit nito sa kanya.

Sa pagpupumiglas ni Avegail, hindi niya namalayang nasa gitna na pala siya ng kalsada. At mula sa kanyang kinatatayuan, dalawang ilaw  ang siyang bumulag sa mga mata ng dalaga.

"AAAAAHHHHH" sigaw ni Avegail. Hindi na siya nakatakbo pa at hinayaan na lang ang sarili na mabangga ng sasakyan.

Beep!
Beep!
Beep!

"Hoy, Avegail! Magpapakamatay ka ba?" narinig ni Avegail ang isang pamilyar na boses.

Beep!
Beep!

Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata. Kasabay noon ay hinawakan pa niya ang kanyang katawan.

"Buhay ako! Hindi ako nabangga!" aniya sa kanyang sarili. Tningnan din niya ang paligid. Wala na ang multo ng matanda.

Beep!

"Hoy! Kanina ka pang mukhang timang dyan! Halika na rito!"

Napatingin si Avegail sa nagmamaneho ng sasakyan. "Kuya Max!" sigaw niya at nagmamadaling pumasok sa loob nito. Hinampas niya ang kanyang kuya. "Bakit ngayon ka lang dumating?
 Ha?! Kanina pa kita tinatawagan! Halos mamatay na ako sa takot!" sigaw niya sa kanyang kapatid.

Pinaandar agad ng kanyang kuya ang sasakyan. Nakadama naman ng relief si Avegail habang papalayo sa lugar.

"Manahimik ka muna, please? Sorry kung ngayon lang ako nakarating. Bakit ka ba nasa gitna ng kalsada?" pag-iiba ng usapan ng kanyang kuya.

"A.. e.." Hindi agad nakasagot si Avegail.

"Hindi ko rin ginusto ang nangyari. Sorry talaga kung na-late ako. Nasiraan pa kasi ako. Kailangan na nating bumili ng sariling kotse dahil mukhang hindi na functional itong hinihiram natin sa kapitbahay. Kung alam ko lang na sa bus stop ka maghihintay, sana doon na lang kita sinundo sa practice area ninyo," ani ng kanyang kuya.

"Sorry din kung nasigawan kita, ikaw kasi late ka. Akala ko kasi may bus pa na dadaan."

"Sa susunod, 'wag ka nang maghihintay roon. May nagmumulto raw na masamang espiritu sa bus stop na iyon. Mahirap na, baka masundan ka pa nito sa bahay."

Nakadama ng kaba si Avegail nang dahil sa kanyang narinig. Tama ba ang narinig niya sa kanyang kuya?"

"M-masamang espiritu?" utal na tanong ni Avegail.
"Oo, ewan ko kung totoo pero maganda na 'yung nag-iingat." Sinulyapan siya ng kanyang kuya. "May nakita ka ba?"

Napatingin si Avegail sa kanyang braso. Namumula ito, isang palatandaan na hindi imahinasyon ang nangyari sa kanya kanina.

"Kuya, ano raw pong klaseng espiritu?"

"Sabi ng kaklase kong nabiktima na raw ng multo, batibat daw ito. Isang klase ng masamang espiritu na nagpapakita bilang isang matanda at mahilig magtanong anong oras na. Nasundan ang kaklase kong iyon sa bahay. Mabuti nalang at psychic ang kanyang ina kaya madali rin nila itong naitaboy."

Natahimik si Avegail sa sinabing iyon ng kanyang kuya. Hindi na siya nagsalita pa hanggang sa makarating  sila sa kanilang bahay.

"Magbihis kana at magpahinga na, Avegail. Sa susunod, 'wag ka nang sumali sa mga ganyang sayawan. Ginagabi ka ng pag-uwi," bilin ng kanyang kuya.

Dumiretso naman si Avegail sa kwarto upang magbihis at maghanda sa pagtulog. Binuhay niya ang ilaw para hindi siya masyadong matakot. Matapos magdasal ay humiga na siya sa kanyang kama.

"Sana hindi ako sundan ng multo.." aniya sa sarili. Binalot niya ang katawan ng kumot.

"Hindi niya alam kung gaano na siya katagal nakatulog nang may maramdaman siyang basa sa kanyang mukha. Parang may tumutulong  malamig na likido mula sa kisame.

"May butas ba ang bubong namin?" tanong ni Avegail sa sarili.

Subalit isang pagkakamali nang binuksan niya ang kanyang mga mata. Kitang-kita niya na nakalutang sa kisame ang multo ng matandang nakita niya kanina sa bus stop. Ang malamig na likido na tumutulo ay mula sa bibig nito. Sa pagkakataong iyon, mas mapupula at mas nanlilisik na ang mga mata ng matanda. Magulo pa rin ang buhok nito at kulay itim pa rin ang ang suot.

Kahit anong gawing pilit ni Avegail, hindi siya magawang sumigaw. Tanging impit boses lamang ang lumalabas sa kanyang bibig. Sinubukan muli niyang pumikit. Ilang sandali pa, naramdaman niyang malapit na ang mukha ng multo sa kanya. Nalalanghap na kasi niya ang mabahong hininga nito sa kanyang mukha.

"Apo.. anong oras na?" tanong ng multo.

Dahan-dahan niyang itinaas ang kumot para matakpan ang kanyang mukha.

"Layuan mo ako.. Layuan mo ako!" sigaw ni Avegail sa kanyang isipan.

"Kailangan na ako ng apo ko. Susunduin ko na siya.." bulong ng multo at nabigla na lang si Avegail nang biglang matanggal ang kanyang kumot.

Tumambad sa kanyang harapan ang mukha ng batibat nang muli niyang buksan ang kanyang paningin. Nanghihina si Avegail habang nakikipagtitigan sa mapupula nitong mga mata. Hinawakan siya ng batibat sa mukha at isang sigaw ang kumawala mula sa bibig ni Avegail.

Ganoon na lamang ang pagkabigla ni Avegail nang muling matagpuan ang sarili sa tapat ng bus stop. Napalinga siya sa paligid. Tanghaling tapat nang mga oras na iyon at suot niya ang uniporme niya sa eskwelahan. Hindi alam ni Avegail kung nananaginip ba siya o totoo ang mga nangyayari sa paligid.

"Ang tagal naman ni Lola!"

Napatingin siya sa high school student na katabi niya. Maganda ito at sa tantya niya ay kasing-edad lang din niya. Subalit mukhang sinauna ang suot nitong uniporme. Naalala niya ito ang dating uniporme sa eskwelahang pinapasukan niya. Nakita niya ito sa mga sinaunang yearbook.

"Miss! Miss!" tawag niya ngunit tila hindi siya nito naririnig. Napagtanto niyang nasa nakaraan siya ng batibat. Napatingin siya sa ID ng babaeng estudyante. Annie Armane ang pangalan nito.

"Anong oras na? Bakit wala pa si Lola?" reklamo ni Annie. Napansin ni Avegail ang suot nitong kwintas. Kaparehas ito ng ibinigay ng kanyang ama. Hinawakan niya ang kanyang leeg ngaunit  hindi niya makapa ang kanyang kwintas.

Nabaling ang kanyang atensyon sa parating na tatlong lalaki. Mukhang pamilyar ang isa sa mga ito. Lumapit ang mga ito sa babae at lalo siyang nagulat nang hilahin ng mga ito ang estudyante. Sa puntong iyon, alam na ni Avegail ang susunod na mangyayari. Sinuntok ng matangkad na lalaki ang babae at agad itong nawalan ng malay.

"Bitiwan nyo siya! Bitawan ninyo siya!" paghuhumiyaw ni Avegail. Ngunit hindi siya naririnig ng mga lalaki. Tinangka niyang lumapit ngunit biglang nagbago ang paligid.

Natagpuan niyang muli ang kanyang sarili sa tapat ng bus stop. Sa pagkakataong ito, kasama na niya ang isang matanda. Napa-atras pa siya nang mapagtantong ito rin ang batibat na nagpakita sa kanya kani-kanina lang.

"Sabi ni Annie, dito ko lang siya sunduin. Nahuli yata ako ng pagsundo sa kanya," bulong ng matanda na halata ang pagkabalisa sa mukha.

Maayos ang itsura ng matanda nang mga oras na iyon at batay sa itsura nito, hindi maipagkakailang nagtataglay ito ng kabaitan.

Nakadama ng lungkot si Avegail dahil tila nahuhulaan na niya ang mga susunod na mangyayari.

Ilang sandali pa, muling nagbago ang kapaligiran. Nasa harapan na siya ngayon ng isang kumpol na mga tao. Hanggang sa sumingit siya para alamin  kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga ito.

Napatulala si Avegail nang makita ang bangkay ng babaeng estudyante kanina. Hubo't hubad na ito at puro saksak ang katawan. Nakabukas pa ang bibig nito at tirik ang mga mata. Bakas na bakas ang takot sa mga mata nito.

Biglang umikot ang sikmura niya at nasuka. Nabigla na lang siya ng makitang suot na niya ang kwintas ng babae.

Paglingon nya sa crime scene ay nag-iba nang muli ang eksena. Nakita niya ang matandang babaeng magulo ang buhok at suot ang itim na damit. Nakatungo ito at nagsasalitang mag-isa. Pareho silang nakatayo sa bus stop.

Narinig niyang sinambit nito na hindi nahuli ang pumatay sa apo nito. Binulong din ng matanda ang balak nitong paghihiganti. Biglang umangat ang ulo ng matanda at sumigaw.

"Magbabayad ka!" Tiningnan ni Avegail ang direksyon kung saan nakatingin ang matanda at nakitang nakatitig ito sa isang lalaki sa kabilang kalsada.

Tumakbo ang matanda ngunit hindi nito nakita ang isang sasakyan.

"Lola!" sigaw ni Avegail nang masagasaan ang kawawang matanda. Pumailalim pa sa sasakyan ang katawan nito at halos magkalasug-lasog ang mga buto nito sa katawan. Agad namang umalis ang sasakyang nakabundol dito at hindi man lang nag-abalang tulungan ang biktima.

Dahan-dahan niyang nilapitan ang duguang bangkay ng matanda. Samantala, mayamaya'y  sinulyapan naman niya ang kabilang kalsada kung saan huling tumingin ang matanda. Doon ay nakita niya ang lalaking sinigawan nito.

Ganoon na lamang ang pagkagimbal ni Avegail nang makilala kung sino ito. Nasa palad ng lalaki ang kwintas ni Annie.

"Dad?" bulong ni Avegail. Tumingin pa ito sa kanya at isang nakakakilabot na ngiti ang sumiwang sa mga labi nito.

"Nooooo! Nooooo!" Ipinikit ni Avegail ang kanyang mga mata  at sa muli niyang pagmulat, nasa loob na siyang muli ng kanyang kwarto.

Bukas ang ilaw katulad ng dati. Mabilis pa rin ang tibok ng puso niya at mas ramdam niya ang pagsakit ng pasa sa kanyang braso.

Sinubukan niyang tumayo sa kanyang kama ngunit  agad din siyang natumba dahil nanghihina ang kanyang  tuhod. Pag-angat niya ng ulo, kanyang nakita ang lumulutang na batibat.

"Anong oras na..?" tanong nito.

Buong tapang na tumingala si Avegail at sinagot ang multo ng matanda.

"Oras na para makamtan ninyo ang hustisya," sagot ni Avegail. Unti-unting umaliwalas ang nakakakilabot na mukha ng matanda at nakadama ng kapayapaan sa paligid si Avegail.

                                                                --o0o--

Makalipas ang mahigit na dalawampung taon ay muling nabuksan ang rape slay case ni Annie Armane. Nahuli ng mga pulisya ang dalawang suspek sa pagpatay sa biktima. Ang ikatlong suspek naman ay tatlong taon nang patay dahil sa sakit sa kanser. Isa nga sa dalawang suspek na nahuli ay si John Albert Chua, ang ama ni Avegail.












Monday, 27 August 2018

Story: Overtime

Sumakay ng MRT si Gian papasok sa kanyang opisina. Isa siyang accounting staff sa isang malaking company sa Makati at mahigit isang buwan na siyang nagtatrabaho rito. Malaki ang pasasalamat ni Gian sa Diyos dahil kahit fresh graduate pa lang siya ay nakahanap agad siya ng trabaho.

"Good morning, Sassy," bati ni Gian sa receptionist.

Nginitian naman siya nito at nag-badge in na siya papasok.

"Good morning, guys!" bati ni Gian sa mga kasamahan at ilang saglit lang ay nagsimula na ang lahat sa kani-kanilang trabaho. May isang bagay na labis ikinatutuwa si Gian sa company na ito. Pwedeng  mag-overtime ng kahit na ilang oras!

May araw siyang umaalis ng bahay at malalim na ang gabi kung siya ay umuwi. Sobra siyang dedidated sa trabaho dahil narin may kailangan siyang suportahan.

"Pareng Gian, panay ang OT natin dyan ah!" puna ni Vincent kay Gian habang sila ay nagla-lunch break.

"Kailangan eh," tipid na sagot ni Gian bago isinubo ang isang kutsarang kanin.

Nagkatinginan ang dalawang ka-share nya sa mesa.

"Don't tell me may anak ka nang kailangan ibili ng gatas at diaper?" singit ni Miguel.

Natawa naman si Gian.

"Mga sira! Para ito sa nanay ko. Kailangan ko ang OT pay para pandagdag sa mga gamot nya for chemotherapy," saad ni Gian.

"Pasensya na, Gian, kung na-offend kita. Bilib lang talaga kami sa iyo dahil sobra kang dedicated sa trabaho. First months ko rito noon, hindi talaga ako nag-oOt. Minsan nga undertime pa ako! Hahaha!" sabi ni Miguel.

"Huwag mo ngang itulad sa iyo si Gian," ani Vincent sabay akbay kay Gian. "Pare, we will pray for the fast recovery of your mother at kung kailangan mo ng tulong, narito lang kami ni Miguel."

Napangiti nalang si Gian. Napakaswerte talaga nya dahil bukod sa maganda na ang company na pinagtatrabahuhan niya, mababait pa ang mga katrabaho niya. Isang taon nang nagtatrabaho si Miguel sa naturang kompanya habang si Vincent naman ay malapit ng magdalawang taon.

3 PM.

Pumasok si Sassy, ang receptionist, sa opisina nina Gian.

"Mga Sirs, pwede po ba kayong lumipat sa taas? Aayusin daw po kasi ang aircon dito sa room ninyo tapos general cleaning na rin daw po," saad ni Sassy.

"Mabuti naman at aayusin na 'yan. Bigla na lang kasing namamatay tapos kahit nakatodo na, ang init pa rin. Teka, sa 18th floor ba kami lilipat? Doon ba sa dating Accounting Office?" tanong ni Miguel. Bahagya itong kinabahan nang banggitin ang 18th floor.

"Ah..eh..opo Sir Miguel, pasensya na. Just this time lang naman po," paliwanag ni Sassy.

"You don't need to say sorry, Sassy. Naiintindihan naman namin," singit ni Gian at inayos na ang laptop at mga gamit na dadalhin niya.

"Duwag lang kasi 'yang si Miguel," puna ni Vincent. Natawa naman si Sassy at hinampas ni Miguel sa balikat si Vincent.

"H-hindi, noh?! Ikaw talaga, Vincent. Alam ko namang duwag ka rin. Oh siya, tara na nga," giit ni Miguel at ito pa ang naunang lumabas ng opisina. Sumabay narin palabas si Vincent.

Bago lumabassi Gian ay tinanong nya si Sassy kung anong ibig sabihin ng dalawa niyang katrabaho.

"Naku, Sir. Hindi pa pala nila nababanggit sa inyo. Mag-oOT po ba kayo, tonight?" tanong ni Sassy.

"Oo."






"Sir, mabuti pang bukas ko nalang sabihin. Mas makabubuti po ito  sa inyo. Sigurado akong hindi mag-oOT sina Sir Miguel at Sir Vincent. Oh sige, Sir, labas na po ako. I'll just inform the security na pwede nang pumasok ang Maintenance Team. Sige po." At agad nang lumabas si Sassy ng opisina.

Balot pa rin ng pagtataka ang isipan ni Gian nang mga oras na iyon. Ramdam niya na iniiwasan ni Sassy ang tanong niya.

Ano bang mayroon sa 18th floor?

Dahil sa itaas lang naman  sila ililipat, nagpasyahan ni Gian na gumamit na lamang ng hagdan papuntang 18th floor. Nang makarating na siya, mukha namang normal at halos katulad lang din ng 17th floor ang floor arrangement nito. Nag-badge in papasok si Gian sa may kaliwang pinto at dumiretso na papuntang Accounting Office. Pagpasok niya, agad na nag-iba ang kanyang pakiramdam.

Mabigat ang hangin at tila may kakaiba sa paligid. Hindi niya ma-pinpoint kung ano ito basta ang alam ni Gian, tumatayo ang balahibo niya sa batok. Nakita ni Gian malapit sa pinto ang isang water dispenser. Nakita niya rin ang tatlong desk. Occupied na ang dalawa habang ang isa ay tila hinihintay na siya. Katabi ng bakanteng desk ang isang maliit na sofa. Nasa ibabaw nito ang isang kwadradong bintana na natatakpan ng isang karton. Katabi rin ng pwesto niya ang isang desk kung saan nakaupo si Miguel. Nasa likod naman ni Miguel si Vincent na katabi ang isang maliit na fridge.

''Oh, Gian. Bakit ka tulala?'' puna ni Miguel. Mukhang naramdaman nito ang pag-iiba ng mukha ni Gian.

''Wag ka mag-alala, Gian, ngayon lang naman tayo magdu-duty dito at konting oras lang naman,'' saad ni Miguel.

Nagtaka si Gian kung paano tila nabasa ni Miguel ang isip nya.

''A-anong ibig mong sabihin, Miguel? tanong ni Gian.

''Natulala ka kaya kanina. Ganyan din ako noong first time ko ng pumasok sa room na ito. Ang bigat ng feeling, parang ang dilim ng aura kahit napakaganda at napakaliwanag ng chandelier na 'yan." Itinuro pa ni Miguel ang chandelier na siyang nagbibigay liwanag sa kabuuan ng kwarto.

Matapos iyon, walang anu-ano'y umupo sa kanyang desk si Gian.

"Gian, mas magandang bukas na lang natin pag-usapan 'yan. Mabuti pa tapusin na natin ang trabaho nang makauwi na tayo. Besides, ilang oras na lang naman," suhestyon ni Vincent.

"Alam niyo, ganyan din ang sinabi ni Sassy. Ang weird na, huh?! May multo ba rito?" diretsong taong ni Gian.

Doon na natigilan sina Vincent at Miguel. Nagkatinginan muna ang dalawa bago sabay na tumingin kay Gian.

Doon na natigilan sina Vincent at Miguel. Nagkatinginan muna ang dalawa bago sabay na tumingin kay Gian. Bahagya namang kinabahan si Gian sa ikinilos ng mga kaibigan. Tumayo sine Vincent at Miguel. Dahan-dahan silang lumakad palapit sa desk ni Gian. Blanko ang mga mukha nila at dahil doon, unti-unting tumaas ang balahibo ni Gian sa kanyang braso.

"Guys, a-anong nangyayari?!!" tanong ni Gian nang makalapit na ang dalawa. Halata na rin ang kaba sa boses niya. Hinawakan siya ng mga kaibigan sa magkabilang braso at..

"Awooooo!!!" sigaw ni Miguel at humagalpak ng tawa ang dalawa.

"Langya naman kayong dalawa! Lakas niyong mang-good time!" bulalas ni Gian at pinagbabato ng maliliit na papel ang dalawang kaibigan.

"Nakakatawa kasi 'yung mukha mo! Dapat may hidden camera dito! Dude, takot na takot ka! Hahaha!" pang-aalaska ni Miguel.

"Sino ba namang hindi matatakot?" Para kayong baliw! Akala ko bigla na kayong tinopak! Pero seryosong tanong, ano nga bang meron dito sa 18th floor?" tanong muli ni Gian.

Bumalik sa kani-kanilang desk sin Vincent at Miguel.

"Gian, mga urban legends lang naman ito. Bukas na lang namin ikukwento. Basta sabay tayong tatlong umuwi ngayon," ani Vincent.

"Pero balak kong mag-OT ngayon," giit ni Gian.

Napatingin  si Miguel kay Vincent bago umiling.

"Gian, 'wag ka munang mag-OT kahit ngayon lang. Maiintindihan naman ni boss 'yun." pakiusap ni Vincent.

"Hindi naman ako naniniwala sa kahit anong urban legends. Hindi rin naman ako naniniwala sa multo kung meron man dito," ani Gian.

"Gian, sumunod ka na lang sa amin ni Vincent," singit ni Miguel.

"Sus, 'wag mong sabihin na sa laki mong 'yan, Miguel, naniniwala ka sa multo?" tanong ni  Gian at hindi niya naiwasan ang matawa.

"Ang sa amin lang, mabuti na ang nag-iingat. Bukas maaayos na ang room natin. Kahit mag-24 hours ka pa bukas, hindi ka namin pipigilan. Basta ngayong gabi, huwag ka munang mag-OT," paliwanag ni Miguel.

Guys, I'm decided na. Mag-oOT ako. I want to prove to you guys na hindi totoo ang mga urban legends na 'yan. They are just a product of a wild imagination, that's all!" ani Gian at inideretso na ang pagtatrabaho.

Napailing na nalang ang dalawa niyang kaibigan at bumalik na rin sa kanilang mga trabaho. Alam nina Miguel na kapag nagdesisyon si Gian hindi na ito mababago. May palabra de honor ang kaibigan nilang ito. Palibhasa, bago palang si Gian laya matapang pa sa lahat ng bagay. Bibigyan na lang nila ng warning si Gian at sasabihin bukas ang lahat ng kwento tungkol sa building nila lalo na ang misteryong bumabalot sa 18th floor.

7 PM.

"Guys, pack up na!" bulalas ni Miguel. Agad na itong nag-ayos ng gamit.

"Excited? May lakad ka?" tanong ni Gian.

"Oo, may dinner kami tonight ni girlfriend," sagot ni Miguel at lumabas na ng pintuan. "Bye, guys!"

Nagsimula na ring magligpit ng gamit si Vincent. Bago umalis ay nagbilin pa siya kay Gian.

"Hanggang 8 PM lang ang Finance Department dito sa 18th floor so basically, ikaw lang ang maiiwan sa buong floor mamaya. Sure kana ba talagang hindi ka pa uuwi?" tanong ni Vincent.

"Oo, mga 3 hours lang naman ang OT ko. May mga janitor naman na naglilinis dito katulad sa 17th floor, 'di ba?" tanong ni Gian. Sanay kasi si Gian na kapag nag-oOt sa 17th floor ay may mga kasama siyang janitor na naglilinis ng buong floor. Minsan nakakasabay pa niya ang isa sa mga ito pababa ng elevator.

"Gian, hanggang 6 PM lang ang paglilinis ng 18th floor. Umiiwas din kasi ang mga janitor sa floor na ito kaya nag-request sila na kung maaari, 5 AM-6 PM lang sila maglinis dito," paliwanag ni Vincent.

"Hay, dahil 'yan sa mga kwentong barbero, noh?!" tanong ni Gian.

"Pero 'di ka naman naniniwala, 'di ba?"

"Oo. Sige, ingat ka sa pag-uwi. Uuwi na rin naman ako ng alas-diyes," ani Gian.

"Gian, kung maaari oras na bumagsak sa floor ang karton na nakatakip sa bintana sa sofa, mag-out kana. Sana naman sundin mo na ako this time. Iyon lang ang ipinapakiusap ko sa'yo, huh?!" bilin ni Vincent.

"Bakit nga ba may harang 'yan? Maganda na sana itong office natin dito kaya lang pampa-pangit ang karton na yan. Bakit 'di na lang kaya kurtina o kaya painting man lang ang ipinang-harang dyan?" tanong ni Gian.

"Sadyang 'yan ang gamit niyan. basta mangako ka na uuwi ka na kapag nalaglag 'yan sa floor. 'Wag na 'wag mong subukang ibalik 'yan bintana," sagot ni Vincent.

Sa halip na matakot, pigil pang natawa si Gian dahil sa mga sinabi ni Vincent.

"Dude, I'm serious. Remember, mas matagal kami rito kaysa sa'yo. Nagpapaalala lang naman ako. So, sige na. Bye na, God Bless sa OT mo dahil nag-iisa ka lang," paalam ni Vincent at tuluyan nang umalis.

Napatingin naman si Gian sa sofa na nasa harapan niya. Dahil dito ay hindi rin niya naiwasang tingnan ang bintana.

"Bye, Vincent," paalam ni Gian.

Nagsimula na muli sa kanyang trabaho si Gian. Gusto kasi nya na kung maari ay matapos na ngayong gabi ang kanyang trabaho.

Makalipas ang ilang minuto, kinuha niya mula sa kanyang bag ang baong cup noodles at pumunta sa may dispenser malapit sa pintuan para lagyan ng tubig.

Nang mapuno ito ay naglakad na siya pabalik sa kanyang desk. Ngunit laking gulat niya nang bigla nalang bumagsak sa sahig ang karton. Sa kanyang pagkabigla ay nabitiwan niya ang dalang cup noodles.

"Aray!" bulalas ni Gian dahil natapunan ang kamay niya ng mainit na tubig. Agad niyang kinuha ang panyo at pinunasan  ang kanyang kamay.

"Ano ba naman ang kartong ito? Dapat kasi kurtina na lang ang ipinang-takip dito. Tsk! Natapon pa ang dinner ko," himutok ni Gian sa sarili.

Inilagay niya sa ilalim ng sofa ang karton at naghanap ng basahan sa may filing cabinet. Nakakita naman siya ng Good Morning towel at ito ang ginamit niyang pang-linis sa natapong noodles.

Matapos linisin ang sarili, napatingin si Gian sa bintana.

"Ano bang meron dito?" bulong niya sa sarili. Tumayo siya sa sofa at sinilip ang bintana. Tanaw ang malinaw at ma-traffic na kalsada sa labas. Sa laki ng bintana, tantya niya na kasya ang isang tao rito.

"Hindi naman pala nakakatakot! Psssh.." ani Gian sa sarili.

Nabigla na lang siya ng narinig niyang lumikha ng ingay ang chandelier. Napatingin siya rito. Nagsu-sway ang chandelier kasabay ng unti-unting pagpatay-sindi nito.

Naramdaman ni Gian na tumatayo ang balahibo niya sa braso.

"Power failure," suhestyon ni Gian sa sarili habang pilit pa rin niyang pinapakalma ang sarili.

Mayamaya, naisipan na lang niyang bumili muna ng pagkain sa ground floor. Kinuha niya ang wallet sa kanyang bag at lumabas ng opisina.

Napansin niyang may mga naghihintay din sa elevator. Sila ay ang mga staff ng Finance Department.

"Hi Sir, uwi ka narin ba?" tanong ng magiliw na babae.

"Nope, bibili lang ako ng food. Mamaya pa ako," sagot niya.

"Tapang mo," puna ng lalaking kasama ng babae.

Ngumiti lang naman si Gian.

Ting...

Nang bumukas ang elevator ay agad na nagsiksikan ang mga tao. Samantala, mas pinili naman ni Gian na hintayin ang isa pang elevator kaysa makipagsiksikan. Ilang saglit lang ay bumukas na ang isang elevator. Pinindot niya ang ground floor button at hinintay ang pagbaba nito.

Ting.....

Tumigil ang elevator 7th floor. Bumukas ito ngunit wala namang taong naghihintay sa labas.

"Going down?!" tawag ni Gian ngunit katahimikan lang ang sumagot sa kanya.

Magsasara na sana ang elevator nang biglang may sumilip na ulo ng babae. Agad na pinindot ni Gian ang elevator para bumukas ito.

"Going up?" tanong ng babae. Mestiza ito at may malamlam na mga mata.

"No, going down," nakangiting sagot ni Gian.

"Okay," ani ng babae at umalis na.

"Wow, ang sipag naman niya. OT din siguro 'yun. Sayang, akala ko makakasabay ko na siya, cute pa naman," sa isip niya.

Ting..

Nagbukas ang elevator sa tapat ng ground floor. Dumiretso siya sa Subway store at in-order niya ang paborito niyang Spicy Italian at nag-add narin ng cookie at drinks.

Bumalik muli siya sa elevator at pinindot ang 18th floor button. Mula roon ay sinimulan nang kainin ni Gian ang sandwich.

Ting..

Napatigil lang siya nang tumigil ang elevator sa 10th floor. Bumukas ito ngunit wala namang pumasok.

"Going up?" tanong ni Gian ngunit walang tumugon.

Nabigla na lang siya nang tumunog ang overload alarm. Napatakip siya ng kanyang tenga dahil sa nakakairitang tunog nito.

"Ano ba naman? Ngayon pa nasira ang elevator? Mag-isa lang naman ako rito!" sigaw ni Gian sa loob ng elevator dahil on parin ang overload alarm.

Naramdaman ni Gian ang pagtaas ng balahibo niya sa batok. Kahit mag-isa lang siya sa loob ng elevator, ramdam niyang may mga matang nakamasid sa kanya.

Dahil dito, lumabas na lang siya at sa kanyang paglabas, agad naman itong sumara.

"Leche naman oh!" giit ni Gian. Sinigurado niyang ire-report niya ito bukas sa management dahil sa tingin niya ay nagloloko ang overload alarm ng naturang elevator.

Sumakay nalang siya sa kabilang elevator at nakarating na rin sa 18th floor. Bago mag-badge in papasok, napansin niyang may nakaupong babae sa reception area. Naalala niya na wala namang receptionist kanina.

"Good evening, Miss. OT ka rin ba?" tanong niya sa babae.

Suot ng babae ang isang red tank top na pinatungan ng black na blazer. Tinatakluban ng buhok  ang mukha nito at tila may itina-type sa computer. Nagtataka lang si Gian dahil dapat nagre-reflect ang ilaw ng desktop sa mukha ng babae. May suot din itong mapulang bracelet sa magkabilang braso.

"Lakas ng trip ni Ate, nagta-type sa computer, eh mukhang patay naman ang monitor," sa isip niya. Hindi na lang niya pinansin at nagbadge in na papasok. Dumiretso na siya sa Accounting Office at sinimulan na muli ang kanyang trabaho.

Lumipas ang ilang oras at napansin ni Gian na malapit nang mag 10 PM, Iniunat muna niya ang kanyang braso at kinuha ang kanyang tumbler.

Kumuha siya ng tubig sa water dispenser at habang umiinom, napatingin siya sa may sofa.

Nabitawan niya hawak na tumbler nang dahil sa labis na pagkabigla. Nanlaki ang mga mata niya dahil nakita niyang tinatakluban nang muli ng karton ang bintana.

Natatandaan niya na hindi niya ito ibinalik kanina!

Inisip nalang niya na baka may janitor na pumasok  at nagkabit nito. Ngunit ayon kay Vincent, hanggang 6 PM lang ang maintenance team.

Nasa gitna ng pag-iisip si Gian nang biglang namatay ang chandelier. Binalot ng kadiliman ang buong paligid.

Agad na kinapa ni Gian ang kanyang bulsa para kunin ang kanyang cellphone. Binuksan niya ang flashlight application at agad itong nagbigay ng katiting na liwanag sa kanyang paligid. Sinubukan niyang lumakad ngunit nadulas siya sa tubig na natapon niya sa sahig.

"Aray!" bulalas ni Gian. Tumilapon sa may tapat ng pintuan ang cellphone niya. Kinapa niya ito at nang makuha ay binuhay muli ang flashlight.

Nang mabuksan niya flashlight ay nabigla siya nang makitang may lalaking nakaupo sa sofa at tila umiiyak. Hindi alam ni Gian kung paano nakapasok ang lalaki. Kung pumasok ito, dapat naramdaman niya dahil nasa likuran lang niya ang pintuan.

"S-sir, a-anong ginagawa mo rito?" tanong ni Gian. Tinatakpan ng lalaki ang mukha gamit ang mga kamay nito. Patuloy lang ito sa pag-iyak. Naka-navy blue itong long sleeve, itim na pants at may silver na kurbata pa.

"Minahal ko siya pero bakit niya ako niloko?!" ani ng lalaki.

"Sir.." tawag ni Gian. Nabigla siya nang humarap sa kanya ang lalaki. Nakapaitim ng eyebags nito at magulo ang buhok. Halata ang depression sa mukha ng lalaki.

"Wala nang kwenta ang buhay ko!" pagkasigaw ng lalaki ay agad na natanggal ang karton na nakatakip sa bintana. Binuksan ng lalaki ang bintana at pumasok sa loob ng kwarto ang malamig at nakakakilabot  na hangin mula sa labas.

"Sir, huwag mong gawin 'yang binabalak mo!" pakiusap ni Gian. Ngunit umakyat ang lalaki rito at tumalon sa bintana.

"Aaaaaaah!" sigaw ni Gian. Napahawak siya sa kanyang ulo. Kailangang i-report niya agad ito sa mga kinauukulan. Nagmamadaling lumabas si Gian ng Accounting Office at pinuntahan ang receptionist.

Naabutan niya itong nakatayo ngunit nakatalikod sa kanya.

"Miss! Miss! M-may nagpakamatay  sa Accounting Office. Kailangan nating tumawag ng pulis! Miss!" tawag ni Gian ngunit nakapako pa rin ang babae  sa kinatatayuan nito.

"Hindi niya ako binigyan ng pagkakataong magpaliwanag.." bulong ng babae.

"Huh?! Ano bang sinasabi mo? Sa pulis tayo magpapaliwanag!" bulalas ni Gian.

Biglang umiyak ang babae. Napailing si Gian kaya tumalikod na lang siya.

Nabigla na lang siya ng biglang tumambad sa harapan niya ang babae! Kung paanong nakapunta agad ito sa harapan niya ay hindi na niya kayang ipaliwanag pa. May ideya na siyang hindi tao ang nasa harapan niya nang mga oras na iyon.

Maitim ang ilalim ng mga mata ng babae at magulo ang buhok nito. May dugo ring tila tumutulo mula sa mga mata nito. Hinawakan siya ng babae at ramdam ni Gian ang malamig at malagkit nitong mga palad. Napatingin siya sa kamay nito at napagtanto niya na may laslas ang magkabilang wrist nito. Ang inakala niyang bracelet na suot nito ay natuyong dugo pala.

"Bitiwan mo ako! Bitiwan mo ako!" sigaw ni Gian. Hindi niya sukat-akalain na nasa mismong harapan na niya ang itinuturing niyang kwentong barbero kani-kanina lamang.

Ibinuka ng babae ang bibig nito at may lumabas ditong malapot at mapulang likido. Tumilamsik ang nakakasulasok na likido sa pisngi at noo ni Gian.

Pinilit ni Gian na makawala sa pagkakahawak ng babae. Sumakto ang biglang pagbukas ng elevator nang makawala siya sa pagkakahawak nito. Kumaripas siya ng takbo papasok dito at pinindot ang close button para matakasan ang duguang babae na lumulutang palapit sa kanya.

"Aaaaaaaaah!" sigaw ni Gian hanggang sa sumara ang elevator. Narinig pa niyang kumakatok sa pintuan ng elevator ang babae. Nanginginig siyang napaupo sa gitna ng elevator. Hindi niya alam kung ano ang mga nakikita niya. Hindi niya napigilan ang maiyak at napahawak na lang siya sa kanyang ulo sa labis na pagkalito habang patuloy pa ring umaandar pababa ang elevator.

Ting..

Napatingala si Gian nang biglang tumigil ang elevator sa 7th floor. Unti-unti na namang kinilabutan si Gian dahil hindi niya alam kung ano na naman ang makikita niya. Walang pumasok ngunit bago magsara ang pintuan ay sumilip muli ang isang ulo ng babae.

Agad na pinindot ni Gian ang open button. Iyon ulit ang babae na makita niya kanina.

"Going up?" nakangiting tanong muli ng babae.

Naisip niyang hingian ng tulong ang babae.

Laking gulat niya nang malamang ang babaeng kausap niya ay isang ulo lamang!

"Aaaaaaaaah!" Hindi na niya nakayanan ang mga pangyayari kaya agad siyang nawalan ng malay sa loob ng elevator.

"Pre, anong room si Gian?" tanong ni Vincent kay Miguel. Nasa loob sila ng isang elevator ng isang malaking hospital sa Makati.

"Nag-text si Sassy, Room 128," sagot ni Miguel at ipinakita pa ang text ni Sassy.

"Sinabihan na kasi na 'wag mag-OT pero 'di nakinig. Tsk! Dapat pala sinabi na agad natin sa kanya," bulong ni Vincent.

"Pero based sa pag-uusap natin noong isang araw, 'di iyon magpapatalo. Sigurado akong kahit nalaman na niya ang buong kwento mag-oOT parin iyon. Pinatunayan ng mga multo na 'di sila isang kwentong barbero lamang," saad ni Miguel.

Ting...

Lumabas na ng elevator sina Miguel at Vincent. Nakita nila ang Room 128 at kumatok muna sila sa pinto bago tuluyang pumasok. Naabutan nilang may kasamang matandang babae si Gian. May bandana ito sa ulo at nakaupo sa tabi ng kama ng kanilang kaibigan.

"Magandang umaga po," nakangiting bati ng dalawa.

"Magandang umaga din sa inyo, mga iho," magiliw na tugon ng ginang.

"Salamat at nakabisita kayo," bulong ni Gian sabay baling sa ginang.

"Ma, sina Vincent at Miguel po, katrabaho ko po sila."

Ngumiti ang dalawa at iniabot sa ina ni Gian ang mga dalang prutas.

"Oh siya, maiwan ko muna kayo rito," paalam ng ginang at lumabas na ng kwarto.

Umupo sa kama si Miguel habang si Vincent naman ay umupo sa silya na nasa tabi ng kama ni Gian.

"Sorry kung nagkulang kami sa pagbibigay sa iyo ng warning signs," ani Vincent.

"Hindi na ninyo kailangan humingi ng dispensa. Wala kayong pagkukulang. Ako lang talaga itong hindi naniwala," tugon ni Gian.

"Anong nagyari sa'yo? Ano raw sabi ng doktor?" tanong ni Miguel.

"Sabi ng doctor, overfatigue. Pero alam kong nawalan ako ng malay dahil sa mga nakita ko. Ano bang lihim meron ang 18th floor?"

Nagkatinginan sina Vincent at Miguel.

"Gian, may mga nagpakamatay sa 18th floor," panimula ni Vincent.

Napalunok ng laway si Gian at naramdamang muli ang kakaibang kaba sa dibdib.

"Anak ng may-ari ng company natin. Naging broken-hearted dahil akala niya nabigo siya sa pag-ibig," pagpapatuloy ni Miguel.

"A-akala? Anong ibig mong sabihin?" tanong ni Gian.

"Girlfriend niya si Gerlynne, ang receptionist noong mga panahong iyon. Nabalitaan niya na nakikipagkita ito sa ibang lalaki. Hanggang sa nabalitaan niya na nabuntis. Ngunit ang hindi niya alam, sa kanya lang ibinigay ni Gerlynne ang pagkababae niya," paliwanag ni Vincent.

"You mean, siya ang tatay ng pinagbubuntis nito?" tanong ni Gian.

"Oo. ANg matindi rito, nagpakamatay rin si Gerlynne doon mismo sa receiving area. Naabutan siya ng isang guard na laslas na ang magkabilang wrist. Hindi na rin nailigtas ang sanggol sa sinapupunan nito," sagot ni Vincent.

Hindi lubos-akalain ni Gian na may matinding kwento pala sa likod ng mga pagmumultong narasanan niya. Dahil dito, hindi na rin niya napigilan pang itanong kung bakit may karton sa opisina.

"Kurtina dati ang ginagamit doon pero lagi raw sumisilip ang lalaking nagpakamatay doon. Sabi ng ilang empleyado, kapag natanggal daw yung karton, ilang saglit na lang ay makikitang tatalon muli ang multo. Dahil dito, napagdesisyonan ng management na ilipat na lang ang Accounting office a 17th floor," ani Vincent.

"Eh si-sino 'yung nagmumulto sa 7th floor?" tanong ni Gian. Kinikilabutan pa rin siya sa tuwing naaalalang nahawakan niya ang isang lumulutang na ulo.

"Huwag mong sabihing pati iyon ay nakita mo" gulat na tanong ni Miguel. Tumango na lang si Gian.

"Noong ginagawa pa lang ang building, namatay raw dito ang anak ng isang engineer. Dinalhan niya ng pagkain ang tatay niya sa mataas na bahagi ng building. Ngunit nang pababa na ito, nadulas at nahulog. Sabi nila, naputol daw ang ulo nito pagdating sa 7th floor kaya ulo lang daw ang nakikita tuwing sumisilip ito," paliwanag ni Miguel.

Hindi na nakapagsalita pa si Gian. Ramdam niyang bumibilis na naman ang tibok ng puso niya.

"Nakakatakot talaga sa building natin. Madami talagang multo roon kaya kaunti lang ang mga nag-oOT. Mga new employees lang talaga ang may lakas ng loob na magpaabot ng dis-oras ng gabi," ani Vincent.

"May isa pang kwento," singit ni Miguel. "Sa 10th floor naman daw ay madalas na tumutunog ang overloading alarm kahit nag-iisa ka lang sa loob. Sabi ng ilan, mga kaluluwa raw na nakikisabay sa elevator ang dahilan ng naturang kababalaghan. Malas lang ng sinumang sabayan nila."

Agad na namutla si Gian sa kanyang narinig na napansin din naman ni Vincent.

"Wag mong sabihin na pati 'yun na-experience mo?" tanong ni Vincent.

Tumango na lang si Gian.