Saturday, 24 November 2018

Quiet Room: Touch Me Not


Based on a real story...

"Is there anything else that I can assist you with today?"
"That's all for today. Thanks for your help."
"Thank you for choosing our company. Have a great day! Bye!"

Agad na nag-logged out sa kanyang computer si Melissa (not her real name) matapos niyang sagutin ang huling tawag. Iniunat niya ang kanyang dalawang braso at humikab. Tumingin sya sa kanyang wristwatch.

"Alas-dose na pala. One hour na ang OT ko. Ayoko na. Malat na ang boses ko." Tumayo na siya at pumunta sa locker room. Nadatnan niya roon si Rico (not his real name) na katulad nya ay nag-overtime rin.

"How are your calls, Mel?" tanong ni Rico.

Same as usual. Same complaints every day! Mabuti na lang na kahit queuing, walang irate na customer!" sagot ni Melissa habang kinukuha ang toothbrush mula sa locker niya. "Ikaw, kumusta?"

"Mabuti ka pa! Sana hindi na lang ako nag-OT. Puro sup-call (supervisor-call) ang buong isang oras kong OT. Lesson learned, 'wag na 'wag mag-OT every Wednesday! Toxic!" tugon ni Rico.

Natawa na lang si Melissa. Ganito kasi talaga sa call center. Minsan, may mga araw na puro galit ang mga customer. May mga panahon ding nakakatulog na sa upuan ang mga agents dahil walang customer na tumatawag. Magdalawang-taon na sa trabaho si Melissa kaya sanay na siya sa ugali ng mga customers.

B.S. Nursing ang tinapos ni Melissa. Ngunit dahil sa hirap ng paghahanap ng trabaho sa kursong napili niya, minabuti niyang magtrabaho sa call center. Naiinis siya dahil madalas kailangan ng backer para makapasok sa government hospital. Para kay Melissa, ang mahalaga ngayon ay nakakatulong siya sa pamilya at nakakabili siya ng mga gusto niya.

"So Mel, sabay na tayo paglabas ng office," aya ni Rico.

"Hay naku, Rico. Kung parehas lang tayo ng daan, sasabay ako sa'yo. Pero going north ka tapos ako going south naman. It's better for me to stay at the quiet room. Masyado nang delikado sa daan, baka ma-rape pa ako," tugon ni Melissa. Naalala pa niya noong nakaraang linggo ay may pinagsamantalahang babae doon mismo sa kanto kung saan siya malimit dumaan.

"Are you really going to stay sa sleeping quarters? Sa quiet room?" nag-aalalang tanong ni Rico.

"Oo, and what's with that look, aber?!" tanong ni Melissa.

"Ah eh.. wala naman, pero aware ka naman na sa female quiet room ay may mga stories about.. you know," Luminga-linga pa sa paligid si Rico, "..ghosts."






Hinampas ni Melissa sa balikat si Rico,

"Rico, sobra na itong antok ko. Sa tingin mo mararamdaman ko pa ang mga multo na 'yan? Good luck na lang sa pananakot nila! Hahahaha!" natatawang turan ni Melissa.

"Sige, Mel. Aalis na ako, basta mag-ingat ka sa quiet room. Bihira lang iyong tulugan ng mga agents dahil nga sa mga kumakalat na ghost stories. See you on our next shift. Bye!"

Umalis na si Rico at dumiretso naman sa comfort room si Melissa. Habang nagsisipilyo, napaisip siya sa mga sinabi ni Rico.

"Bihira lang iyong tulugan ng mga agents dahil nga sa mga kumakalat na ghost stories.." alala pa niya ang huling sinabi ni Rico.

Naniniwala naman ako sa multo pero siguro naman sa sobra pagod ko ngayon ay hindi ko na sila marararamdaman, sa isip ni Melissa.

Matapos iyon ay naghilamos na rin siya. Nang matapos ang daily rituals niya sa banyo, tinahak na niya ang daan patungong quiet room.

"Good morning, Ma'am!" magiliw na bati ng babaeng security guard sa labas ng quiet room.

Binati nya rin ito at nginitian. Nag-logged in siya sa papel na iniabot ng guard. Sa pagkakatanda niya, 4 hours lang ang maximum stay sa quiet room to give way sa mga gusto ring makapagpahinga. Napansin ni Melissa halos kaunti lang ang mga naglogged-in sa quiet room. Ang huling natulog ay bandang alas-singko pa ng hapon.

"Ate, talagang kaunti lang pala ang natutulog dito," puna ni Melissa.

"Totoo po 'yan, Ma'am. Bihira lang po ang natutulog dito lalo na kapag gabi. Sa totoo lang po kahit siguro lumampas ng apat na oras ang stay ninyo rito ay okay lang. Wala namang gustong matulog dyan," saad ng security.

"I guess, that's good to hear. Wala palang mang-iistorbo sa akin," ani Melisssa at dumiretso na sa loob ng quiet room.

May limang double deck sa loob ng quiet room. Sa gitna ay may lamp shade na siyang nagsisilbing liwanag sa loob. Hindi ito pinapatay dahil malamlam lang naman ang liwanag na nagmumula rito.

Mas pinili ni Melissa  na matulog sa double deck na nasa dulo. Pinili niya ang itaas na bahagi dahil mas kumportable siya roon. May dala rin siyang kumot na kinuha niya rin kanina mula sa kanyang locker.

Humiga na siya sa kama at ipinikit ang kanyang mga mata. Nagtalukbong din siya ng kumot  dahil nilalamig siya.

Ramdam ni Melissa na unti-unti nang nagre-relax ang kanyang katawan. Napakatahimik din ng paligid kaya alam niyang ilang saglit na lang ay makakatulog na siya nang napakahimbing.

Nang biglang..

Agad na napabangon sa kama si Melissa. May humila ng kanyang kumot! Hindi lang ito basta hinila dahil ang kumot niya ngayon ay nasa sahig na.

Napahawak sa kanyang makabilang braso si Melissa. Bumaba siya sa double deck at dinampot ang kanyang kumot. Nagpalinga-linga rin siya sa paligid. Walang ibang tao sa loob ng quiet room. Nag-iisa lang siya sa loob nito.

Sinubukan ni Melissa na pumunta sa kabas. Nakita niyang nakatulog na sa upuan ang guard na kausap niya kanina.

"Itanong ko kaya kay ate kung may pumasok sa loob?" sa isip ni Melissa. Ngunit naisip niya na baka siya rin ang may kasalanan kung bakit nahulog ang kumot niya. Pero ramdam niya talagang may humila ng kumot. Tumama pa nga sa bewang niya ang kamay ng sinumang humila nito!

"Melissa, you're just imagining things, okay?" pilit niyang sinasabi sa kanyang sarili. Bumalik na lang siya muli sa loob ng quiet room matapos mapagpasyahang huwag na lamang abalahin ang guard.

This time sa ibaba na lang siya  ng double deck humiga at mas pinili na niya ang double deck na malapit sa pintuan.

Humiga si Melissa at ipinikit ang kanyang mga mata. Nakatulog siya ngunit pagkalipas lamang ng ilang minuto ay naalimpungatan siya.

Binuksan niya ang kanyang mga mata ngunit wala naman siyang nakitang nakakatakot na nilalang. Sinubukan niya muling pumikit. Habang nakapikit, naramdaman niyang nagbukas ang pinto. Gumaan ang pakiramdam niya dahil sa wakas may makakasama na siya sa loob. Narinig niya ang mahihinang yabag nitong palapit sa kanya hanggang sa maramdaman niyang lumayo na ito.

Nagtaka lang siya nang marinig niyang muli ang mga yabag na tila umiikot  na lamang sa kama niya. Sa puntong iyon ay unti-unti na siyang kinabahan. Ang kaninang antok na nararamdaman niya ay napalitan na ng kaba at takot. Mabigat na ang kanina'y mahihinang yabag. Sigurado siyang lalaki ang nagmamay-ari nito!

Narinig niya na tumigil ang yabag sa paanan niya. Naramdaman niyang may umihip sa kanyang tenga na siyang naging dahilan upang imulat niya ang kanyang mga mata.

Sa tulong ng liwanag mula sa lamp shade, kitang-kita niya ang isang lalaking malabo ang mukha na nakaupo sa pagitan ng kanyang mga tuhod. Malabo ang mukha nito ngaunit sigurado siyang nakangiti ito sa kanya. Napansin din niyang may pagka-kalbo ang ulo nito.

Sinibukan niyang sumigaw ngunit hindi niya magawang ibuka  ang kanyang bibig. Naalala niya ang mga ghost stories na naririnig niya. Sadyang hindi raw makagalaw ang isang tao kapag sobrang natatakot.

Mas lalong bumilis ang tibok ng kanyang puso nang hawakan siya nito sa magkabilang braso.

"Bitawan mo ako! Tulong! Tulong!" sa isip ni Melissa ngunit hindi niya ito maisigaw. Naramdaman na lang niya na hinawakan na ng nilalang ang kanyang leeg at sinimulan siya nitong sakalin.

Buong puso siyang nanalangin at pinilit ang sariling makasigaw.

"AAAAAAAHHH!" sigaw ni Melissa at buong pwersang nagpupumiglas sa kama.

"Ma'am! Ma'am! Gising po! Gising po!" ani ng guard.

"Bitiwan mo ako! AAAAAAAHHHH! Bitiwan mo ako!" pagpupumiglas ni Melissa.

"Ma'am! Binabangungot po kayo!" sigaw ng guard.

Tuluyan nang nahimasmasan si Melissa at dali-daling bumangon sa kama. Napatingin siya sa security at binigyan naman siya nito ng tubig. Ininom niya ito at sinubukang tumayo. Matapos iyon ay sabay na silang lumabas ng quiet room.

"Ma'am gusto mo dalhin kita sa clinic?" nag-aalalang tanong ng security.

"Hi-hindi na kailangan," tugon ni Melissa. Umupo muna siya sa silya sa labas ng quiet room.

"Ano po bang nangyari, Ma'am?" tanong ng security. "Narinig ko na lang po kayo na sumisigaw at nagpupumiglas, mukhang binabangungot po kayo."

"N-napanaginipan ko na may sumasakal sa akin. P-parang totoo, p-parang 'di ako nananaginip," sagot ni Melissa.

Agad namang nag-antanda ng krus ang security.

"Diyos ko po!" bulalas ng security. "Dapat nagdadasal po kayo bago matulog."

"Nakalimutan ko kasi dahil sa sobrang pagod. Pero, nagising naman ako nang nag-pray ako habang may sumasakal sa akin sa panaginip," ani Melissa.

"Dapat kasi pinabebendisyunan na ang kwartong ito."

"Ang narinig ko lang dati, may madalas daw magpakita sa isang sulok ng kwarto. Hindi ko akalaing maging sa panaginip ay bumibisita siya. Sino ba siya?"

"Nang dumating po ako rito, napag-alaman ko na Ramon daw ang pangalan ng multo. Isa raw itong dating guard ng kumpanya. Pero 'di ako sigurado, kasi alam niyo naman po na lahat ng kumpanya ay may kanya kanyang kwento ng kababalaghan. Nagkataon lang na mas nakakatakot dito," saad ng guard.

Matapos marinig iyon, tumayo na si Melissa at nagpaalam.

"Ma'am gusto mo bang magpasama sa clinic?" tanong ng guard.

"No need. Salamat. Sige, maiwan na kita," sagot ni Melissa. Agad namang nanghilakbot ang guard dahil naiwan itong mag-isa.

"Diyos ko, mga multo kayo. "Wag kayong magparamdam. Ikamamatay ko. Promise ikamamatay ko.." bulong ng security habang palayo si Melissa.

Samantala, pumunta muna sa comfort room si Melissa at naghilamos muli ng mukha. Tiningnan niya ang sarili sa salamin. Delikado na sa daan kung siya ay uuwi pa pero iniisip niyang aatakihin naman siya sa puso kung pipiliin pa niyang manatili sa quiet room.

Matapos maghilamos, pumunta siya sa locker room para kunin ang kanyang gamit. Bigla niyang naalala na naiwan niya ang kanyang kumot sa quiet room kaya naman bumalik na lang siya rito at nadatnan na wala nang nagbabantay na guard sa labas.

"Ate, nasaan ka?" tawag ni Melissa. Pumasok na lang siya sa loob ng quiet room at bahagya siyang nakaramdam ng inis nang maabutang may nakahiga sa kama. Nakatalukbong jasi ito gamit ang kanyang kumot.

"Ano ba naman ang babaeng ito! Ka-bad trip! Bakit ko pa kasi naiwan ang kumot ko?! Tsk! Ang ayoko sa lahat pinapakialaman ang gamit ko!" sa isip ni Melissa. Sinubukan niya itong gisingin.

"Miss, gising. Ginagamit mo ang kumot ko," puna ni Melissa. Hinawakan niya ang binti nito at tinapik. "Miss.. gising, akin po ang kumot na 'yan. Kukunin ko na," bahagya nang tumaas ang boses ni Melissa. "Hoy!"

Nabigla si Melissa nang biglang bumangon ang nakahiga at hinawakan siya nito sa braso. Agad na nanghilakbot si Melissa dahil ang nakahiga pala sa kama ay ang lalaking nasa panaginip niya.

"AAAAAAAAAAHHHHHH!" sigaw niya at pinilit kumawala sa napakahigpit  na kapit ng lalaki. Malabo pa rin ng mukha nito at may dalawang butas sa mukha kung saan nandun dapat ang mga mata nito. Napakalamig ng kamay nito at tila nanunuot sa kanyang kalamnan.

"Bitiwan mo ako! Biti--" sigaw ni Melissa. Nang makawala siya mula rito ay agad siyang napa-atras. Napasigaw siyang muli nang may mabangga siya mula sa kanyang likuran.

"Oh, Ma'am. Bumalik po kayo..." puna ng guard.

Nangingilid ang luha sa mga mata ni Melissa habang hawak niya ang kanyang braso.

"M-ma'am may nakita ka ba ulit?" tanong ng guard na bakas na rin ang takot sa mukha.

Napatingin muli sa kama si Melissa ngunit kumot na lang niya ang naroon.

"M-ma'am?" tanong muli ng security. Sa halip na sumagot ay lumabas na lang si Melissa. Iniwan na niya ang kumot sa quiet room at nagpalipas na lang ng oras sa convenience store sa labas ng kanilang kumpanya.